28.6 C
Manila
Sabado, Abril 20, 2024

Bakit kailangang buwisan ang isahang paggamit ng plastic?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIBALITA sa The Manila Times noong Marso 26, 2024 na nais ng Kagawaran ng Pananalapi na magpasa ang Kongreso ng isang batas upang buwisan ang isahang paggamit ng plastic sa halagang P100 bawat kilo at itaas ito ng 4 porsiyento taun taon pagkatapos ng ikatlong taon ng implementasyon nito. Kung ito ay maipapasa, tinataya na makalilikom ang pamahalaan ng P31.52 bilyon sa loob ng apat na taon na ilalaan naman sa pamamahala ng basura.

Ang layunin ng panukalang ito ay hindi lamang makalikom ng pondo ngunit mabawasan ang pagkonsumo ng isahang paggamit ng plastic sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo nito sa pagpapataw ng buwis. Samakatuwid, ang pangunahing dahilan ng panukalang ito ay kontrolin ang epekto ng isahang paggamit ng plastic sa kapaligiran. Ang mga plastic na ito ay kadalasa’y nauuwi sa karagatan at katubigan na nagpaparumi sa yamang tubig ng bansa. Dahil ang mga plastic na ito ay hindi madaling matunaw o hindi natutunaw, nakikita na may maliliit na bahagi ng plastic (microplastic) sa mga bituka ng mga isda at sa iba pang yamang dagat. Dahil hindi ito natutunaw, ang mga microplastic ay nagiging bahagi katawan ng mga pagkaing yamang-tubig at dagat na sa kalaunan ay nakakain din ng mga tao. Hindi pa alam ang pangmatagalang epekto sa ating kalusugan ang nakakaing microplastic at naiinom na tubig na mayroon ding microplastic.

Ang pagkonsumo ng isahang paggamit ng plastic ay isang halimbawa ng eksternalidad. Dahil ang kumukonsumo ng isahang paggamit ng plastic ay binayaran lamang ang pribadong gastos sa produksiyon nito at hindi ang  panlipunang gastos na pinapasan ng ibang tao o buong lipunan sa loob at labas ng bansa na hindi naman kasangkot sa pagbili at paggamit ng plastic. Halimbawa, ang isang sando bag ay nabibili lamang sa halagang P0.51 na kabayaran lamang sa pribadong gastos sa produksiyon. Ang pagpapataw ng buwis, ang presyo nito ay aabot sa P0.91 bawat piraso dahil isinasama ng buwis ang panlipunang gastos. Samakatuwid, ang buwis ay ipinapataw ng pamahalaan upang pasanin ng mga kumukonsumo nito ang panlipunang gastos ng paggamit ng isahang paggamit ng plastic.

Isa pang dahilan kung bakit di elastiko ang demand sa isahang paggamit ng plastic sa pagbabago ng presyo ay bunga ng pangalawang pinaggagamitan ito. Marami sa ating mga mamamayan ay ginagamit uli ang plastic na ito bilang pambalot ng kanilang mga basura upang hindi langawin lalo na ang nabubulok nilang  basura.

Ang pagpapataw ng buwis sa isahang paggamit ng plastic ay may mahalagang implikasyon sa pangalawang pinaggagamitan ng plastic na ito. Kung malaki ang itataas ng presyo nito dahil sa buwis at mababawasan ang pagkonsumo nito maaaring mamomoblema ang mga pamahayan at mga barangay sa pagtatapon ng basura. Kung talagang makabuluhang mababawasan ang paggamit ng plastic na ito bunga ng buwis, magkakaroon tayo na mga basurang nakatiwangwang sa labas ng bahay na nilalangaw. Maaaring din itong kainin ng mga aso, pusa at iba pang hayop na maaaring maging sanhi ng kanilang sakit at sakit din sa mga sa mga tao. Posibleng maging marumi ang ating mga kalye dahil sa mga basurang nakatiwangwang lalo na kung hindi agad itong nakukuha ng mga basurero.


Maganda ang layunin ng panukalang ito, ngunit dapat isaalang alang ang mga epekto nito. Lilinis nga ang ating karagatan ngunit maaaring dumami ang langaw at sakit sa kalupaan bunga ng nakatiwangwang na basura.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -