27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Tinupad ni Kristo ang hangad ni Adan maging Diyos

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

Ang dakilang saserdote nating ito nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraan tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala. … Bagaman siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya ang naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.

Ang Sulat sa mga Hebreo, 4:15, 5:8-9

SA Biyernes Santo, ganap na ikatlo nang hapon, marapat lamang ipagdangal at pagnilayan ang salaysay ng pagdurusa at pagkamatay ni Hesukristo ayon sa Ebanghelyo ni San Juan (Juan 18:1-19:42). Subalit nasa ikalawang pagbasa mula sa Sulat sa mga Hebreo, bahaging sinipi sa itaas, ang saysay ng sakripisyo ng Panginoon.

Hindi lamang inako ni Kristo ang kaparusahang dapat ipinataw sa makasalalang mundo, kundi binuksan niya ang daan tungo sa kabanalan at pagka-Diyos sa pamamagitan ng pamumuhay nang walang sala, pagdurusa at pag-aalay ng buhay para sa Maykapal at kapwa nilikha.

Ito ang ganap na kabanalan at katubusan: ang lubusang pag-aalay ng sarili sa pasakit at kamatayan bilang pagtalima sa Diyos at pagmamahal sa Kanya at mga kapwa nilalang. At dahil nagawa ito ng isang tao — ang Panginoong Hesukristo — magagawa rin natin ito sa pagsunod sa kanya.

Sa sulsol ng demonyong ahas, sinuway nina Adan at Eba ang utos ng Maykapal sa hangad “maging kagaya ng Diyos” (Aklat ng Henesis, 3:5). Tuloy, lalong napalayo sa Kanya ang sangkatauhan.

Sa kabilang dako, natamo ni Hesus ang hangaring tumulad sa Maykapal sa pagtalima sa Kanya. Sa gayon, inilatag niya para sa ating lahat ng daan upang mapagaya sa Diyos at makapiling Siya habang panahon.

Hagikgik ni Satanas

Kung may hagikgik mula sa ibaba pagbasa natin ng mga naunang talata, malamang galing iyon sa impiyerno. Mangyari, sa buong kasaysayan ng tao hanggang ngayon, walang patid ang pagsuway natin sa Diyos.

Sa ating mundo ngayon, walang patid ang digmaan at karahasan: sa Ukraina at Gaza at kamakailan, ang pagpaslang ng mga 150 at malamang higit pa sa Moskba, punong lungsod ng Rusya, sa pamamaril ng mga manonood sa tanghalan.

Higit pang karumal-dumal ang pagpatay ng milyun-milyong sanggol sa sinapupunan, at pang-aabuso at pangangalakal ng kabataan para sa malaswang pasarap.

Samantala, tinatayang 2.4 bilyong katao ang kinukulang o lubhang kinukulang sa pagkain (moderate and severe food insecurity), kabilang ang 900 milyong may malubhang kakulangan.

Lalong matindi itong pagkakasalang ng daigdig natin dahil mahigit $2 trilyon ang ginugugol sa mga hukbo at armas taun-taon, at tinatayang may 2,640 bilyonaryo ngayong may pinagsamang pag-aari na nagkakahalagang $12.8 trilyon.

Bakit hindi natin mapawi ang gutom sa halagang $267 bilyon taun-taon hanggang 2030, sa estima ng Food and Agriculture Organization?

Talagang gugulong sa tawa at tuwa si Satanas sa gayong paglabag ng sangkatauhan sa atas ng Diyos magmahal at magkalinga ng kapwang nagdurusa at nanganganib, lalo na ang mga musmos.

Suko na ba tayo?

Kahit sa sari-sarili nating mga buhay, talamak din ang sala at kahinaan: pagbalewala sa Diyos, pamumuhay nang labag sa utos Niya, pagsasamantala, pananakit at pagkamuhi sa kapwa, maging ang malapit sa atin, at paglapastangan sa kalikasang ipinagkaloob sa atin ng Maykapal upang pangalagaan para sa mga salinlahing darating.

At gaya ni Hesus, nilalait at pinaparusahan ang mga nananampalataya at nangangaral upang magsisi at magbago ang lipunan, ihinto ang digma at dahas, iahon ang mahihirap at ipagtanggol ang api at walang kapangyarihan.

Ito mismo ang masahol na mundong naghatid kay Hesus sa Kalbaryo, at gaya niya, marami sa atin ang dumadalangin sa Diyos lumampas nawa ang gayong pagsubok.

Subalit hindi ito lalampas, bagkus lalakas pa. At marami sa atin ang matutuksong sumuko, tumalikod sa atas ng Panginoon, at mamuhay na lamang nang maginhawa at walang ligalig.

Awa ng Diyos, hindi iyon ang ginawa ni Kristo. Sa Hardin ng Gethsemane, tinanggap niya ang mapait na kopita mula sa Ama. At sa dinanas niyang pasakit at kamatayan, wika ng Sulat sa mga Hebreo, “natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis.”

Sa hirap natutunan at naisakatuparan ni Kristo ang pagsamba, pagmamahal at pagtalima sa Maykapal.

Ito rin ang hamon sa atin: sa pagtitiis lamang matututunan at matutunton ang tunay na pagtulad at pagsunod sa Diyos, walang ibang paraan. Paano nga naman mapagtitibay ang ating pananampalataya at katapatan sa Panginoon kundi sa apoy ng dusa?

Paano kung sumablay tayo at kapusin sa kabutihan? Kung mismong si San Pedrong pinuno ng mga Apostol, itinatwa si Hesus, tayo pa kaya?

Oo, walang dudang magkukulang at magkakasala tayong lahat. At alam na ito ng Diyos sa mula’t mula, kahit noon pang likhain Niya ang sanlibutan. Batid Niyang hindi perfekto ang anumang nilalang, subalit nilikha pa rin tayo ng Ama upang ibahagi sa atin ang kabanalan at buhay Niyang walang hanggan.

At ang kailangan lamang, manalig sa Anak Niya at sumunod sa abot ng makakaya, ilang ulit mang mabigo.

Malugmok man, babangon tayo sa wakas. Amen.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -