30.9 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Babala ni Gatchalian: Ilang tauhan ng BI posibleng kasabwat ng mga dayuhang pugante na sangkot sa POGO

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGBABALA si Senador Win Gatchalian na maaaring kasabwat ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhang pugante na nauugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na ngayon ay tinatawag na Internet Gaming Licensees (IGL). Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng pagkakaaresto ng isang dayuhang pugante sa pasilidad ng POGO/IGL sa Bamban, Tarlac noong ni-raid ito noong Marso 13.

Si Chang Chia Wei, isang Taiwanese national, ay kabilang sa mahigit 500 foreign nationals na nadatnan ng mga awtoridad noong ni-raid ang Zun Yuan Technology, Inc. Sa pamamagitan ng biometrics, napatunayan ng raiding team na ang nasabing Taiwanese national ay isang wanted fugitive sa kanyang bansa. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng BI para sa kanyang deportasyon. Inaalam pa ng mga awtoridad ng Pilipinas ang iba pang mga dayuhang pugante na maaaring nananatili pa sa kanilang kustodiya.

Ganito rin kasi ang kaso sa ilang mga kumpanya ng POGO/IGL na ni-raid. Kung matatandaan na sa kaso ng police raid na isinagawa sa Las Piñas noong Hunyo ng nakaraang taon, hindi bababa sa 7 dayuhang pugante ang naaresto, na binubuo ng 4 na Chinese at 3 Taiwanese nationals. Sa raid naman na isinagawa sa Sunvalley POGO sa Clark naman noong Mayo ng nakaraang taon, natukoy ang 17 dayuhang pugante. Ayon kay Gatchalian, ang mga kasong ito ay katulad din ng “pastillas scam” kung saan ang mga dayuhan ay pinapalusot sa immigration counter kapalit ng pera na nakabalot sa puting papel na parang katulad ng pagkaing pastillas.

“Paano nakapasok sa Pilipinas ang mga wanted fugitive mula sa ibang bansa? Sadyang nalulusutan lang ba tayo o talagang pinapalusot natin, alin ang tama?” ang dismayadong tanong ni Gatchalian.

“Ang mga dayuhang manggagawa ng POGO na lumalabas na mga pugante sa kani-kanilang bansa ay karaniwan nang nangyayari sa lahat ng mga na-raid na POGO na nakita natin nitong mga nakaraang taon. Lumalabas na sila ay bahagi ng organisadong sindikato ng mga kriminal. Nakakabagabag na hindi matukoy ng BI ang pagpasok ng mga pugante na ito, na nagpapahiwatig na ang ilan sa kanilang mga tauhan ay maaaring kasabwat ng mga pugante,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.

Binigyang-diin ng senador na ang hindi ordinaryong dedikasyon na ipinapakita ng ilang immigration officers sa pagsala ng mga papalabas na pasaherong Pilipino sa paghingi ng kung anu-anong dokumento tulad ng birth certificates, transcripts of school records, at iba pa, ay dapat ding ipinapatupad sa mga dayuhan para pigilan ang pagpasok sa bansa ng mga pugante.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -