NANG minsang makadalaw ako sa Butuan City, ang siyudad ng Agusan Del Norte, namangha ako nang makita ang hitsura ng balangay. Ang ‘balangay’ ay isang bangkang yari sa kahoy (wooden boat) na malaki ang ginampanang papel sa kasaysayan. Binili ko ang isang replica ng balangay sa kabila ng pagpapaalala sa akin ng isang kaibigan na baka maging ‘DG’ lang ito sa aking tahanan. Baka raw maging ‘dust gatherer’ lamang. Karamihan daw kasi ng mga decors ay nag-iipon lamang ng alikabok sa mga pinagpatungang kabinet.
Noong taong 1976, natagpuan sa Barangay Libertad, Butuan City, ang isang ‘balangay’ kasama ng iba pang artifacts. Ang mga balangay ang sinasabing mga sinaunang ‘bangkang kahoy’ (wooden boats) na nahukay sa Timog-Silangang Asya. Pinatunayan ng pagkakatuklas ng mga balangay na noon pa man, tinatayang 320 AD, ay may nagaganap nang barter o pagpapalitan ng pottery, gold, tela, langis, at beeswax sa pagitan ng Pilipinas at Tsina bago pa ang pananakop ng mga Espanyol. Noong panahong ‘yun, itinuturing na ang Butuan ang sentro ng trading port.
Ayon sa mga dalubhasa, natuklasang may sampo nang bangkang balangay (tinatawag ding ‘balanghai’) ang natuklasan malapit sa Masao River sa Butuan. Natagpuan ito ng mga lokal na residente na naghahanap ng ginto sa naturang lugar. Isa rito ay naka-eksibit sa National Museum of the Philippines.
Naisip ng Palanca Award-winning author na si Dr. Maria Elena Paulma na humabi ng mga salaysay na umiikot sa balangay. Muli niyang inimadyin ang mga sinaunang Pilipino na nanahan sa Butuan sa pamamagitan ng kanyang aklat na “Balangay stories” na inilathala ng Xavier University Press noong 2023. Naglalaman ito ng 100-pahina at may mga kasamang spot illustrations sa limang kuwentong tumatahi sa buhay ng isang pamilya, lahat ay may kinalaman sa naturang balangay.
“Sa unang kuwento na ‘Three Brothers and a Balangay,’ dadalhin tayo nito sa Kaharian ng Butuan (the Kingdom of Butuan) at makakarating tayo sa tahanan ng tatlong magkakapatid na lalaki, ang kanilang mga magulang, at ang kanilang lola. Makikilala natin ang mga nakatatandang Butuano na silang mga lumikha ng balangay kahit na walang plano o blueprints,” ayon kay Dr. Paulma sa kanyang paunang-salita.
Paano nga ba nagawa nang mahusay ang balangay ng mga sinaunang Pilipino? Dito natin malalaman na ang mga taong naninirahan sa tabi ng dagat ay highly intuitive sa pagdidisenyo ng balangay. Alam nila ang kalagayan ng tubig at hangin kung kaya’t naging basehan nila ito sa paggawa ng balangay.
Sa ikalawang kuwentong ‘A Song for the Balangay,’ makikilala natin ang isang aliping babae na iniharap sa Emperor ng Tsina at kung paano nito napalambot ang puso ng Emperor. May pinagbatayang kasulatan si Dr. Paulma hinggil sa aliping babaeng ito kaya naganyak siyang isali ito sa kuwento. Noong panahong ‘yun, ang mga Hari ng Butuan ay taunang nagtutungo sa Tsina upang makipagkalakalan. Dala-dala nila ang mga mamahaling regalo gaya ng ginto, tela, mamahaling hiyas, tela, spices (pampalasa sa pagkain) at iba pa upang ihandog sa Emperor. Nakasama rito ang kuwento ng isang aliping babae na tinawag niyang Saida. Nakakaantig ang ikalawang kuwentong ito ni Dr. Paulma. Mistula itong isang kuwentong hinugot mula sa mga maririkit na fairy tales ni Hans Christian Andersen. Sa likod ng kuwento ni Saida ay isang magiting na lalaking Butuanon na namagitan sa Emperor at sa alipin.
Binanggit din na ang mga sinaunang Butuanon ay kilala sa kanilang kabihasaan sa pagdaragat (maritime skills) at sa kanilang mahusay na paggamit ng sinaunang navigational methods. Binanggit ni Dr. Paulma na ang isa sa kanilang tradisyon ay ang ‘karera ng balangay’ (balangay race) na pinapraktis pa rin hanggang ngayon ng mga Badjao o boat people. Kaya dito itinuon ng awtor ang kanyang pokus sa pangatlong tampok na kuwento – ‘Elian and the Balangay Race.’ Makikilala naman dito ang mahiyaing batang si Elian at ang unang pagkakataon na sasali siya sa karera ng mga bangka. Ano kaya ang kahihinatnan ng karerang ito?
Natagpuan din sa mga nahukay na balangay ang mga sampol ng iba’t ibang banga na pinaglagyan ng kung ano-anong bagay. Pinatunayan nito na ang mga sinaunang Pilipino ay bihasa rin sa ‘pottery’ o ‘pagpapalayok.’ Sa ikaapat na kuwento – Jubail’s pots and the Balangay Trade Sail – makikilala natin ang batang si Jubail at ang kaniyang lola na si Apo Samsia, ang pinakamahusay na magpapalayok (master potter) sa kaharian ng Butuan. Tunghayan kung paanong ipinakita ni Jubail ang kanyang pagkamalikhain sa disenyo at hitsura ng mga ginagawa nilang banga ng kaniyang Apo Samsia. Magugustuhan kaya ito ni Datu Osol, ang master potter na kilala sa pagiging tradisyonal, na siyang namimili ng palayok bago ito iharap sa Hari? Magkakaroon kaya sila ng pagkakataong maiharap sa Hari ang mga nilikha nilang ‘kakaibang palayok’ upang mapabilang ito sa mga produktong dadalhin sa Tsina sa pamamagitan ng Balangay Trade Sail?
Isang dahilan daw kung bakit nakilala ang Butuan para sa pakikipagkalakalan sa buong bansa ay dahil sa produkto nitong ginto. Ayon kay Dr. Paulma, kahit ang mga historyador ay binabanggit ang katagang ‘nuggets of gold in the sand’ patungkol sa Butuan. Dito tutuon ang panghuling kuwento sa koleksyon – ang ‘Hadji and the Balangay’s Treasures.’ Panganay si Hadji sa tatlong magkakapatid na lalaki at ito ang unang pagkakataon niyang makasakay sa balangay na tutungo sa Tsina. Dala nila ang pinakamahalagang produkto ng Butuan – ang mga ginto! Pero inabutan sila ng bagyo habang nasa laot papuntang Tsina at halos nagpagewang-gewang na, at parang lulubog na, ang balangay na sinasakyan nila. Kailangang may itapon silang mabibigat na karga sa karagatan upang mapagaan ang kanilang balangay? Willing ba silang itapon ang sako-sakong ginto na ihahandog nila sa Emperor ng Tsina? Sa isang sitwasyong gaya nito, matutuklasan natin kung alin ba ang tunay na mahalaga sa Kaharian ng Butuan.
Masawa ang sinaunang tawag sa bayan ng Butuan. Ang ‘masawa’ ay nangangahulugan ding ‘liwanag.’ Heto ang hangad ni Dr. Maria Elena Paulma para sa ating babasa ng mga salaysay na ito: may your inner balangay continue to lead you to the masawa that will allow you to rediscover for yourself that which was lost, replaced, or erased, and what it truly means to be a Filipino.
Mahusay din ang pagkakalapat ng ilustrasyon ng artist na si Ghen Brivan upang lalong mapalutang ang limang salaysay.
Ayon kay Dr. Elio Garcia, ang editor ng koleksyong ito, “I feel that these tales are also Paulma’s love letter to the city of her birth and therefore are a humble gift to her readers.” Ipinanganak sa Butuan City, si Dr. Paulma ang kasalukuyang vice president for Academic Affairs ng University of Science and Technology of Southern Philippines (USTP) sa Cagayan De Oro.
Maipapayo kong basahin ninyo ang aklat na ito ni Paulma. Maituturing itong isang ‘gintong hiyas’ sa panitikang Pilipino, isang mayamang kontribusyon sa mga panitikang nanggaling sa rehiyon.