PORMAL na binuksan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2024 na may temang “Ang Panitikan at Kapayapaan” sa pamamagitan ng Pagbubukas na Lektura ni Prop. Felipe de Leon Jr. na may paksang “Ang Paglikhâ at Pag-akdâ ng Kapayapaan.” Ginawaran ng Sertipiko ng Pagkilala si Prop. de Leon ng ExeComm ng KWF na sina Arthur Casanova (Tagapangulo), Benjamin Mendillo Jr. (Komisyoner sa Pangasiwaan at Pananalapi), at Atty. Marites Taran (Direktor Heneral).
Ito ang mensahe ni Benjamin Mendillo Jr., komisyoner sa Pangasiwaan at Pananalapi, at fulltime komisyoner sa KWF.
“Isang mapagpalayang umaga sa lahat ngayong pagbubukas ng Buwan ng Panitikan sa Komisyon sa Wikang Filipino!
Mahigpit na nakatali ang Abril bilang espesyal na buwan sa Komisyon dahil sa dalawang kadahilanan: Una, dahil sa proklamasyon bilang 964 na nilagdaan noong 1997 na nag-aatas sa KWF na pangunahan ang paggunita sa Araw ni Balagtas tuwing ika-dalawa ng Abril ng bawat taon; at ang Proklamasyon blg 968 na nilagdaan noong 2015 nagtatalaga sa buwan ng Abril bilang Buwan ng Panitikan.
Nais kong bigyang diin ang mga simbolismong makikita sa pagdiriwang natin ng BnP–ang kalapati na may dahon sa kaniyang tuka na kumakampay ang mga pakpak sa hangin.
Sa teolohikal na pagpapakahulugan nito masasabing ito ay hango sa kuwento ng pag-asa mula sa Henesis, 8:6-12 sa Arko ni Noah. Doon inilarawan ang sanga ng puno ng Oliba na sumisimbolo ng pag-asa sa gitna ng matinding baha noong panahon ni Noah sa Bibliya. Ang katotohanan nito ay maraming beses sa bibliya nabanggit ang kalapati: Mateo 3:13, Markos 1:9, Lukas 1:9 at sa Juan 1:32. Sa sining at ikonograpiya, banal ang turing sa kalapati at ganito ang inampong kamalayan ng mga sinaunang kultura at mga sistema ng paniniwala sa buong mundo tungkol sa simbolismo ng kalapati. Kaya sa Gresya partikular sa mito nito, ang emblem ni Athena ay isang kalapati. Gayundin sa Islam, ginagalang nila ang kalapati sapagkat ito ay naging instrumental sa paglalakabay ng mga propetang Islam sa kuweba ng Thaw’r sa Hijra. Isa ring paniniwala na ang kalapati ay simbolo ng kababaihan. Sapagkat nasasaad din na ang salitang Espiritu sa Hebreo ay “ruach” na isang feminine na salita sa Hebreo. Gayundin sa akdang pampanitikan sa ancient Babylonian na Epiko ni Gilgamesh na ang bayaning si Utnapishtim ay nagpalipad ng kalapati upang maghanap ng tuyong dahon o sangaupang matulungan silang makapaglayag at magkaroon ng pag-asang makadaong sa kanilang patutunguhan na isang simbolong kinikilala bilang signos na dala ng Diyos. Kaya ang kalapating may tangang sanga ng Oliba ay sumisimbolo ng pag-asa — ngayon , saan naman papasok ang kapayapaan? Sa teolohikal na pamamatnubay sinasabi sa concordance na ang pagkakaroon ng pag-asa ay naghahatid ng kapayapaan at ito ay vice versa. Na ang kalapati ay ang Diyos at ang sangang tangan nito ay angkapatawaran, deliverance, sa mga pagkakasala ng tao sa mundo. May kasabihan na ang pinakamayamang tao ay yaong hindi maraming pera at ari-arian, hindi yaong maraming kaibigan, hindi yaong maraming medalya at mayroong kapangyarihan na anumang utos ay hindi mapasusubalian, kundi yaong mayroong kapayapaan sa puso.
Ang mga simbolong ito ay produkto ng malalalim na kuwento at katha. Ang panitikan ay instrumento tulad sa simbolo ng kalapati at ng sanga ng Oliba. Ang pagkatha ay pagpapalaya ng kamalayan sa pinakamatayog na layon nitong makalilok ng mga panitikang hitik ng pag- asa na magbubungsod ng kapayapaan sa mambabasa lalo sa ating mga kabataang dumaranas ng depresyon, psychological disorder, anxiety, discrimination, bullying, harassment, violence, at kawalang pag-asa na maaari niyang paghugutan ng lakas at pag-asa sa tulong ng panitikan.
Kaya, sa diwa ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan ngayong buwan ng Abril na may temang: “Ang Panitikan at Kapayapaan” ay ating tandaan na ang pagtangkilik sa panitikan ay pagkilala na rin sa kapayapaan.
Dios ti agngina kadakayo amin!