30.7 C
Manila
Huwebes, Hunyo 20, 2024

Si Shaira at ang pag-aangkop ng musika sa Pilipinas

KAPANGYARIHAN NG KASAYSAYAN

- Advertisement -
- Advertisement -

KAMAKAILAN nag-viral ang isang katuwaang awitin ni Shaira na “Selos” at bigla siyang nabansagang

The Queen of Bangsamoro Pop.

Subalit gayundin mabilis itong binatikos dahil hindi pala sa orihinal ang tono ng awitin kundi sa

Australian singer na si Lenka, ang “Trouble is a Friend.”

Sa panahon ngayon, talagang sasabihing ito ay mali at matatawag na copyright infringement o pangongopya.


Hindi ito pagtatanggol kung wasto a mali ang ginawa ni Shaira at ng kanyang kompositor na si Krishna Ares Glang subalit kung titingnan natin ang karanasan at kulturang Pilipino, tila mahaba na ang ating karanasan sa pag-aangkop ng tono ng mga awitin.

Tandaan natin na ang mga sinaunang Babaylan ay nagcha-chant ng mga epiko. Maaaring magkakahalintulad ang mga tono nito pero iba’t iba ang inaawit na kuwento. Sinabi sa akin ng historyador Zeus Salazar na isang dahilan kaya rin madali nating natanggap ang Islam nang dumating sa Pilipinas ay dahil inaawit ang Qur’an.

Sa Ilokos, tulad ng napag-aralan ng historyador na si Dr. Lars Raymund Ubaldo, ang buhay ng taong namatay ay inaawit sa ilang tono, ang tawag dito ay Dung-aw, tila sinaunang improv. Hehehe.

Sa pagdating ng kolonyalismo at Katolisismo, ang epiko para sa bayani na inaawit sa ilang tono ay magiging Pasiong Mahal para sa bagong bayani ng epiko, si Hesukristo. Sa isang lugar, may ilang set ng pare-parehong tono ang ginagamit depende kung masayang kuwento o malungkot ang inaawit.

- Advertisement -

Sa matagal na panahon, ang istruktura ng nota at tono ng Kundiman ng 1800 ang ginagamit sa mga awitin, kasama na nga diyan ang bayaning si Isabelo de los Reyes na noong manligaw sa isang dalagang nagngangalang Pepita Tiongson noong 1906 ay ginamit ang tono na ito para sa kanyang “Jocelynang Baliuag”, na inakalang kundiman ng rebolusyon pero later pa naman dahil marami sa mga kanta sa panahong iyon ay ganoon ang tono, kumbaga adaptation kung adaptation.

At alam ba natin na inamin ni Julian Felipe na ang tono sa ating Marcha Nacional na ngayon ay ating Pambansang Awit ay inspirado sa tatlong awitin—Ang “Marcha Real” na Pambansang Awit ng Espanya (para daw magunita pa rin ang dating panahon), ang Martsa sa “Aida” ni Giuseppe Verdi (graduation march natin), at sa hulihan ang ”Le Marsellaise” na Pambansang Awit ng Pransiya.

Although, sabi nga ni Felipe Mendoza de Leon Jr., mauulinigan pa rin ang impluwensya ng musika sa prusisyon at kundiman sa tono nito at hindi talaga dayuhan lamang.

Lingid sa kaalaman natin, marami sa mga baryo sa paligid ng Maynila tulad ng Pandacan at Quiapo ang pamilyar na sa mga opera ng kanluranin tulad ng mga komposisyon ni Johann Strauss, kaya naman natutong maging kompositor pagdating ng panahon si Julio Nakpil, magiging asawa ng balo ni Bonifacio.

Isang kawal naman noong Unang Republika ang inatasan na mag-gitara upang libangin ang mga tropa sa kanilang pamamahinga matapos ang digmaan. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagpalit ng mga titik ng mga sikat na awitin noon. Sa ganito rin siya makalilikha ng titik sa isang pamilyar na tono habang sakay ng tren sa Pangasinan, ang tula sa Wikang Espanyol na “Filipinas” na inaawit natin ngayon bilang “Lupang Hinirang”. Ang gitarista na ito ay si Jose Palma.

Noong panahon ng Digmaang Pasipiko, nang maglabas ang mga Hapones ng awiting komposisyon ni Felipe Padilla de Leon, ang “Awit sa Paglikha ng Bagong Pilipinas” (Tindig! Aking Inang Bayan) upang kantahin kasama ng National Anthem, inangkop ito ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon na may titik na laban na sa Espanyol. Ginagamit rin ang tono nito ng New People’s Army (Bagong Hukbong Bayan) na may pamagat na “Tindig Uring Anakpawis.”

- Advertisement -

Dahil marami sa mga aktibista noong Panahon ng Sigwa ng Unang Kuwarto (First Quarter Storm) noong 1970 ay naimpluwensyahan ng mga Maoista, ay pinalitan nila ang mga liriks ng mga kantang tulad ng “Ode to the Motherland” at iba pang awitin ng Partido Komunista ng Tsina.

Nang mauso ang mga tapes, sa mga probinsya lalo na, may mga P35 na piratang cassette tape na halos kalahati ng presyo ng orihinal noon, minsan nagtataglay ng mga novelty songs ng mga kantang kanluranin na ginagawang Filipino. Sinasabing paraan ito upang i-subvert ang dominadong Kulturang Kanluranin na mga nasa masa. Pagdating ng panahon, ito ang gagawin nang may paalam niMichael V. sa kanyang MTB (Music Tagalog Bersyon).

Pero noong Dekada 1990, marami sa mga sumikat na awitin na akala natin ay orihinal na tonong Pilipino at tumatak sa kamalayan at kultura ng ating mga kababayan ay adaptasyon lang pala ng dayuhang mga kanta. Halimbawa nito ang mga awiting: “Humanap Ka ng Panget (Andrew E.) / “Find an Ugly Woman” (Cash Money & Marvelous) “Andrew Ford Medina” (Andrew E.) / “Funky Cold Medina” (Tone Loc)“Lumayo Ka Man sa Akin (Rodel Naval) / “Single Again” (Maria Takeuchi) “Ikaw Pa Rin” (Ted Ito) / “Saigono Iiwake” (Hideaki Tokunaga) “Sana’y Laging Magkapiling” (April Boys) / “Kanpai” (Tuyoshi Nagabuchi) “Honey, My Love So Sweet” (April Boys) / “Itoshie No Ellie (Southern All Stars) “Paano ang Puso Ko” (April “Boy” Regino) / What Am I Living For (Chuck Willis) “Remember Me” (Renz Verano) / “Remember Me” (Tube) “Trip/Siopao na Special” (Parokya ni Edgar) / “Creep” (Radiohead) “Picha Pie” (Parokya ni Edgar) / “I Will Survive” (Gloria Gaynor).

Gayundin, nariyan ang salin-awit nina Charlson Ong, Jose F. Lacaba, Rene O. Villanueva, Marne Kilates, at Mike Bigornia kung saan sinasalin ang mga sikat na kantang videoke at isina-Filipino ang mga ito na inaawit nilang mga makata sa mga katuwaan, lalo na noon dati sa Sev’s na noon ay pag-aari ni Howie Severino.

Noong Dekada 2000, nagkaroon ng kontrobersiya dahil may isang OFW na nagreklamo dahil siya daw ang mas naunang kumanta ng inaawit ni Jimmy Bondoc na “I Believe.” Yun pala kinuha lang ng OFW ang kanyang tono mula sa sikat na Koreanong pelikulang “My Sassy Girl” na “I Believe” at napag-alaman na ang bersyon ni Jimmy Bondoc ang may opisyal na paalam at ginamit na opisyal na soundtrack ng Filipino-dub ng nasabing pelikula.

Huling halimbawa na lamang, ang kapatid kong si Chao Chua ay sumikat noon kasama ng kanilang banda sa Tarlac-Pampanga na tinatawag na Mernuts (“Marinat” o madumi sa Kapampangan) para sa kanilang pag-awit ng mga sikat na awitin na napagkatuwaang isinalin noon sa Kapampangan ni Jason Paul Lazamana. Pinakasikat dito ang Umbrella (Payong) at Irreplaceable (Ala Kang Kalibe). Sila ay naging bahagi ng phenomenon noon na Kapampangan Rock. Alam kong maraming ganitong mga halimbawa sa iba pang mga lalawigan.

Nagkataon lang, ang katuwaan ni Shaira at ng kanyang kompositor ay nag-viral at sumikat sa buong bansa at sa mga Pilipino sa ibayong dagat. Lumabas din na ang tono ng isa pang kanta ni Shaira na ”Forever Single” ay nagmula naman sa awiting “Masih Mencintainya” ng bandang Indonese na Papinka. Nasabi ko na lamang, buti pa nga sila, aware sa mga hits ng kapitbahay natin sa Timog Silangang Asya na mga kapwa Austronesyano samantalang marami sa atin hindi na aware sa kanila at puro Kanluran ang pinakikinggan.

Pero nagbago na nga ang panahon, nagiging aware na ang mga tao sa copyright, pero dahil sa malalim na kasaysayan natin ng katuwaan sa pag-aangkop, huwag tayong masyadong harsh kay Shaira.

Dahil para lang yang nangyari sa maraming bagay sa ating kultura, halimbawa ang Islam at Katolisismo: Hindi galing sa atin, pero inangkop natin sa ating sariling sitwasyon, niyakap natin at itinuturing na nating atin.

05 Abril 2024, Little Baguio Terraces, City of San Juan

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -