BILANG paggunita ng Philippine Veterans’ Week, ihahandog ng Department of Transportation (DoTr) MRT-3 at Light Rail Transit Authority (LRTA) ang isang linggong libreng para sa mga beterano mula April 5 hanggang April 11, 2024.
“Kinikilala po ng MRT-3 ang mahalagang kontribusyon sa ating lipunan ng lahat ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya naman po bilang tugon sa kahilingan ng Department of National Defense, nais natin pagpugayan at pasalamatan ang ating mga beterano kahit sa simpleng paraan lamang. Ito po ay ang paghahandog ng libreng sakay sa loob ng isang linggo para sa kanila at isa nilang companion,” saad ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino.
Ang libreng sakay sa MRT-3 ay bilang pakikiisa ng linya sa pagdiriwang ng ika-82 Araw ng Kagitingan
Gayundin, sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty. Hernando Cabrera na ang libreng sakay ay upang bigyang pugay at kilalanin ang sakripisyo at kagitingan ng mga beterano.
“Nawa’y maipadama namin sa simpleng paraan ang aming pasasalamat sa inyo.”
Ang handog na libreng sakay ay bilang tugon sa hiling ng Department of National Defense para kilalanin at pasalamatan ang mga beterano sa kanilang sakripisyo at natatangi kontribusyon sa lipunan. Kailangan lamang ipakita ang valid Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) ID para i-avail ang libreng sakay. Libre rin na makakasakay sa buong operasyon ng LRT-2 ang isang kasama ng beterano. (DOTr/LRTA/PIA-NCR)