HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na pabilisin ang suportang pinansyal para sa mga magsasaka na apektado ng pag-atake ng El Niño phenomenon. Ito ay sa gitna ng tinatayang mas matindi pang init ng panahon kung saan inaasahang magaganap ang ‘peak’ nitong kasalukuyang buwan.
Batay sa datos na ibinigay ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi ng Task Force El Niño na naapektuhan ng dry spell ang mahigit 50,000 magsasaka na karamihan ay rice farmers. Lumalabas din sa datos na ang tinatayang halaga ng pinsala sa agrikultura ng bansa dahil sa El Niño ay umabot na sa P2.63 bilyon hanggang sa kasalukuyan at nagtulak sa halos 20 local government units na magdeklara ng state of calamity sa kani-kanilang lugar.
“Ang pahirap ng El Niño sa sektor ng agrikultura ay maaaring makapinsala nang malaki sa ekonomiya at sa ating mga magsasaka tulad ng nakita natin sa mga nakaraang yugto ng El Niño at dahil dito ay kinakailangan ng napapanahon at agarang suportang pampinansyal para sa mga magsasaka na nasa mga lugar na apektado ng El Niño,” pagdidiin ng senador.
“Mahalagang magkaroon tayo ng pondo para magbigay ng kinakailangang suporta upang maprotektahan ang puhunan ng ating mga magsasaka at muling buhayin ang kanilang mga pananim. Maging handa tayong tulungan ang sektor ng agrikultura, lalo na ang sektor ng bigas, upang matiyak ang suplay ng mga produkto,” sabi ni Gatchalian.
“Baka magkulang tayo sa bigas dahil sa matinding init. Dapat tignang mabuti ng Department of Agriculture ang suplay natin ng bigas ngayon at sa susunod na 6 na buwan. Mahalagang magkaroon tayo ng access sa mga inaangkat na bigas mula Vietnam, India, o iba pang bansa,” saad pa niya.
Ang mga punong ahensya na bahagi ng Task Force El Niño ay mayroong regular na pondo para dito at quick response fund. Kung nagkulang, ang pondo ay maaaring kunin sa iba pang mga paraan sa pamamagitan ng naaangkop na proseso, basta ito ay aprubado ng Department of Budget and Management (DBM).
“Aksyonan natin ang problema. Dahil kung lumala itong El Niño, maraming maaapektuhan gaya ng kuryente, pagkain, at kabuhayan,” pagtatapos niya.