30 C
Manila
Sabado, Hulyo 20, 2024

Gatchalian hinimok ang gobyerno na mamuhunan sa modernisasyon ng agrikultura para sa seguridad sa pagkain

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na mamuhunan sa modernisasyon ng agrikultura at pagpapaunlad ng irigasyon upang mapabuti ang seguridad sa pagkain ng bansa sa gitna ng patuloy na paglobo ng populasyon.

“Kung hindi sisimulan ng gobyerno ang isang komprehensibong programa sa modernisasyon ng sektor ng agrikultura, magiging mahirap para sa bansa na makamit ang seguridad sa pagkain, lalo na sa suplay ng bigas,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang-diin niya na dahil sa tuluy-tuloy na paglaki ng populasyon ng bansa, kinakailangan na maghangad ng pagtaas ng productivity sa pamamagitan ng modernisasyon ng sektor ng sakahan, kabilang ang paggamit ng mga modernong kagamitan sa pagsasaka.

Ipinunto ni Gatchalian na kailangang magkaroon ng whole-of-government approach, kung saan ang mga local government units ay gaganap ng malaking papel upang epektibong maisulong ang modernisasyon, partikular sa mga lugar kung saan nangangailangan ng suportang pinansyal at kooperasyon.

“Sa kaso ng bigas, na pangunahing pagkain ng Pilipinas, kailangan ng bansa na makapag-ani ng hindi bababa sa 98% ng pangangailangan nito sa bigas,” sabi ni Gatchalian.

“Lalong lumalaki ang ating populasyon kumpara sa produksyon ng bigas. Habang lumalaki ang ating populasyon, lumalaki din ang ating pangangailangan sa bigas, at dapat nating tugunan ito. Gayunpaman, sa kasalukuyan, hindi natin mahabol ito dahil mas mabilis ang paglaki ng ating populasyon kaysa sa produksyon natin ng bigas,” dagdag niya.

Ang populasyon ng bansa ay tinatayang umabot sa 112 milyon noong 2023, batay sa inaasahang rate ng paglaki ng populasyon gamit ang resulta ng 2020 census, ayon sa Commission on Population and Development.

“Hindi natin matatakasan ang pangangailangan na gawing moderno ang pangkalahatang sektor ng agrikultura upang matugunan ang suplay ng pagkain kasunod ng lumolobo nating populasyon. Dahil dito, mapapaunlad din natin ang kabuhayan ng ating mga magsasaka,” pagtatapos niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -