30.9 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Kapangyarihan sa bilihan ng monopolyo at monopsonyo

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMI tayong naririning tungkol sa kapangyarihan sa bilihan at di kanais-nais na mga katangian ng isang monopolyo o monopolista. Ang monopolyo ay isang uri ng estruktura ng bilihan na may nag-iisang suplayer ng produkto at serbisyo. Dahil nag-iisa lamang ang suplayer ng produkto at serbisyo may malaking kapangyarihan ito sa bilihan na itakda ang dami ng suplay at presyong ipinagbibili ang produkto at serbisyo. Naisasagawa ito ng monopolista sa pamamagitan ng pagbabawas nito ng suplay ng serbisyo hanggang sa antas na makatatanggap siya ng pinakamataas na tubo. Sa mababang dami ng suplay walang magagawa ang mga mamimili kundi ibaba rin ang kanilang dami na bibilhin upang magkaroon ng ekilibriyo o pagpapantay ng dami ng suplay at dami ng demand. Ang mababang antas ng suplay ay handang bilhin ng mga mamimimili sa mataas na presyo batay sa iskedyul ng kanilang demand.

Ang kapangyarihang ito ay nauuwi sa makitid na suplay, mataas na presyo at malaking tubo para sa monopolista. Ang ganitong sitwasyon ay mapag-aksaya sa paggamit ng mga yaman dahil ang mababang gastos sa produksiyon ng produkto at serbisyo ay naipagbibili ng monopolista sa mataas na presyo na pinapasan ng mga mamimili. Ang mataas na tubo ng monopolista ay hindi rin nag-aanyaya ng kompetisyon dahil ito ay pinipigilan ng kanilang mga hadlang sa bilihan tulad ng karapatang-ari, trademark at malaking eskala ng produksiyon. Dahil hindi pinapapasok ang mga kakompentensya, napipigilan ang pagpapalawak ng produksiyon at ang pagpapababa ng presyo.

Sa kabila ng mga negatibong epekto ng monopolista sa paggamit ng mga yaman, may mga pagkakataong ang pamahalaan pa mismo ang nagsusulong sa pagtatatag ng monopolyo na tinatawag na likas na monopolyo. Ang mga likas na monopolyo ay mga kompanyang nasa sa industriya ng paglalaan utilities o mga pangunahing serbisyo tulad ng elektrisidad, gas at tubig na ginagamit upang maging maayos ang pagpapatakbo ng mga kabahayan, opisina at planta. Ang mga ito ay binibigyan ng prankisa ng pamahalaan upang eksklusibong maglaan ng serbisyo sa isang takdang lugar. Kung magkakaroon ng maraming tagapagsuplay ng utilities sa isang lugar malulugi ang lahat ng nagsusuplay nito. Halimbawa, kung ang Maynilad at Manila Waters ay naglalaan ng tubig sa parehong lugar, dalawang tubo ng tubig ang gagamitin at magiging mahal ang kani-kanilang gastos sa paglalaan ng tubig sa mga pamahayan at planta na kakayanin lamang ng kaunting mamimili. Sa laki ng kanilang puhunan at gastos, ang makitid na demand dahil pinaghahatian ito ng dalawang suplayer mauuwi ito sa pagkalugi sa parehong suplayer. Ganoon din ang mangyayari kung ang Meralco ay magkakaroon ng kakompetensya sa paglalaan ng elektrisidad sa Metro Manila dahil dalawang kawad ng kuryente ang gagamitin. Samakatuwid, kailangan ng isang likas na monopolyo upang makapaglaan ng mga pangunahing serbisyo sa mababang gastos na abot kaya ng mga mamimili. Kung hindi walang suplayer ang maglalaan ng pangunahing serbisyo.

Sa bilihan ng paggawa, may dalawang uri ng monopolista ang maaaring magsagupaan. Ang unyon ng mga maggagagawa ay isang uri ng monopolyo dahil pinag-iisa nito ang mga mga manggagawa upang mapalakas ang kanilang boses sa paghingi ng mataas na pasahod sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang inilalaang serbisyong paggawa.

Sa bilihang ito ang isang unyon ng  mga manggagawa ay maaaring tapatan ng isang estruktura ng bilihan na tinatatawag ng monopsonyo o monopsony. Ang monopsonyo ay isang kompanyang nag-iisang mamimili ng serbisyo. Ang halimbawa nito ay ang pamahalaan dahil ito ang nag-iisang mamimimili sa serbisyo ng mga sundalo at mga pulis sa ating sandatahang lakas at pangunahing mamimili ng serbisyo ng mga guro sa mga paaralang pampubliko. Dahil ito ay nag-iisang mamimili, sa halip na itakda ang mataas na presyo, mas gugustuhin ng monopsonyo  na ibaba ang presyo upang mapataas ang kanyang kagalingan o kasiyahan. Sa pamamagitan ng pagbababawas ng demand, susunod ang mga suplayer na ibaba rin ang kanilang dami ng suplay upang magkaroon ng ekilibriyo.  Sa mababang demand, ang mga tagapasuplay ay handang tumanggap ng mababang pasweldo.


Kapag ang unyon ng manggagawa na isang monoolista ay humarap sa monopsonista, nagkakaroon ng problema. Ang gusto ng nag-iisang suplayer ay mataas na pasweldo samantalang ang nag-iisang mamimimili ay nagnanais ng mababang pasweldo. Ang mekanismo ng bilihan ay hindi maaaring gamitin upang matamo ang ekilibriyo sa ganitong sitwasyon dahil dalawang aktor lamang ang gumaganap dito na parehong makapangyarihan sa bilihan. Samantala, sa bilihang kompetitibo ang ekilibriyo ay natatamo sa proseso ng bilihan dahil maraming suplayer at marami din ang mga mamimili ang tumutugon sa pagbabago ng presyo. Sa bilihan ng paggawa na may unyon at monopsonyo, ang kasunduan ay tatamo sa mainitan at matagalang pagtatalo at negosasyon tulad ng isinasagawa sa mga collective bargaining agreement (CBA).  Ang pamamaraang ito ay labas na sa pagsusuring ekonomiko at sakop ng pagsusuri sa agham pampulitika kung saan pinag-aaralan ang tagisan ng kapangyarihan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -