26.8 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 24, 2024

Pagbabayad umano para sa mga degree pinasisiyasat ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

MAGHAHAIN si Senador Win Gatchalian ng resolusyon upang imbestigahan ng Senado ang mga ulat na nagbabayad umano ng hanggang P2 milyon ang ilang mga dayuhang mag-aaral sa Cagayan para sa mga degrees.

Matatandaang hinimok ni Gatchalian ang Commission on Higher Education (CHEd) upang imbestigahan ang mga naturang ulat. Unang ibinahagi ni Dr. Chester Cabalza, isang propesor mula sa University of the Philippines at founding president ng think tank na International Development and Security Cooperation, ang mga naturang ulat na mula sa mga lokal na mamamayan, kabilang ang mga propesor sa lugar. Hinimok na rin ng CHEd si Cabalza na maghain ng reklamo bago magsimula ang Komisyon ng pormal na imbestigasyon. Tiniyak naman ng Komisyon na magkakaroon ng due process para sa lahat.

Inaasahan naman ni Gatchalian na makikilahok si Cabalza sa gagawing pagdinig ng Senado upang magbahagi ng natanggap niyang impormasyon, kabilang ang mga ulat na hindi pumapasok ang mga mag-aaral. Nababahala rin si Cabalza na nagiging milking cow ang mga degree na ayon sa CHEd ay isang seryosong alegasyon.

“Bagama’t sinusuportahan natin ang internationalization sa ating mga kolehiyo at pamantasan, pati na rin ang pagpasok ng mga mag-aaral mula sa ibang bansa, mahalagang protektahan natin ang integridad ng ating sistema ng edukasyon. Kailangang mabigyan natin ng linaw ang mga alegasyong may mga mag-aaral mula sa ibang bansa na nagbabayad para sa kanilang degree nang hindi pumapasok sa paaralan,” ani Gatchalian.

“Kung lumabas sa mga imbestigasyon na may mga kolehiyo, pamantasan, at mga opisyal nilang sangkot sa mga pakanang ito, kailangan natin silang panagutin. Hindi natin dapat ibinebenta ang mga diploma mula sa ating mga kolehiyo at pamantasan,” dagdag na pahayag ng senador.

Tiniyak din ng CHEd na sumusunod ang mga kolehiyo at pamantasan sa mga batas at regulasyon ng Pilipinas.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -