KAY sarap lang na may apat na araw tayo na ang tuon ay ang mayamang ani ng ating mga sariling aklat. Pinangunahan ng National Book Development Board (NBDB) ang pagdaraos ng taunang book festival na itinatampok ang ating mga lokal na aklat – ang Philippine Book Festival, isang all-Filipino book festival. Masiglang nakibahagi ang maraming lokal na book publishers (tagapaglathala) at mga book lovers sa pagdaraos nito. Ginanap ito sa World Trade Center sa Pasay City noong Abril 25-28, 2024. Ayon kay Dante ‘Klink’ Ang, chairman ng NBDB, panahon na upang ituon ang pansin ng lahat sa mga librong inakda ng mga Filipino authors at inilathala ng mga Filipino publishers.
Dinaluhan ang pagbubukas ng book festival ng mga taong involved sa education at publishing industry. Ang undersecretary for Curriculum ng Department of Education (DepEd) na si Gina Gonong ay nandoon para magbigay ng suporta sa aktibidad na ito. Ayon sa kanya, hindi lang sapat na may kalidad ang mga aklat ngunit dapat ay tumutugon ito sa pangangailangan ng mga learners. “It should resonate deeply with our audience,” paalala pa niya. Ibinalita niya na inanyayahan nila ang mga opisyal (supervisors, librarians, at mga piling guro) sa lahat ng regional at division offices ng DepEd sa buong bansa upang tingnan at rebyuhin ang mga aklat na puwede nilang magamit sa pagtuturo.
Bukod sa textbooks, tiningnan din ng mga DepEd officials ang mga children’s books na magagamit nilang supplementary learning materials sa area ng values, health, peace education, at gender-related concerns. Makikita na iniikot ng mga guro ang iba’t ibang booths upang masusing aralin ang aklat na bibilhin nila. Ayon kay Usec Gonong, ang kanilang pangarap para sa batang Pilipino ay magkaroon ng ‘isang textbook para sa bawat subject para sa bawat batang Pilipinong mag-aaral.’ Naglaan na ng pondo ang DepEd upang maisakatuparan ang pagbili ng mga aklat. “Local procurement of books is also encouraged,” panawagan din niya sa mga local government units (LGUs) na may pondong puwedeng ilaan sa pagbili ng aklat para sa kanilang nasasakupan.
Sinabi rin ni Usec. Gonong na oorder din sila ng mga comic books. Maganda ang hakbang na ito dahil doon sa maraming progresibong bansa, matatagpuan sa kanilang mga libraries ang mga comic books (gaya ng Manga) at iba pang kahalintulad na materyal. Doon din sa comics section madalas natatagpuang nagbabasa ang mga teenagers. Ayon nga kay Paolo Herras, pangulo ng Komiket, maraming taon ang kanilang binuno para mapasama ang komiks sa mga klase ng babasahing nasa isang book fair.
Natatandaan ko na noong nasa elementarya pa ako, palihim na binabasa ng aking mga guro ang komiks na bitbit ko. Alam nila kasing may supply ng babasahing komiks ang aking Inang Trining, ang lola ko sa mother side, kung kaya’t hinihiram nila ito. Pero ‘yun nga, patago o palihim kung kailangan nila itong basahin. Hindi ba lehitimong babasahin ang komiks kung kaya’t patago itong basahin? Pero bakit ang anyong komiks ang ating binabalingan kung kailangan nating magbasa ng abridged version ng isang nobela? Noong nasa high school ako, marami sa aking kaklase ang nagbasa muna ng komiks version ng Noli Me Tangere, El Filibuterismo, at Ibong Adarna bago lumublob sa pagbabasa ng mahahabang version ng mga akdang ito.
Naging panauhing pandangal si Senador Loren Legarda sa pagbubukas ng naturang book festival. Parang paghahanda na rin kasi ito sa nalalapit na Frankfurther Buchmesse (Frankfurt Book Fair o FBF) sa Germany kung saan ang Pilipinas ang nakatampok bilang Guest of Honor sa 2025. Nandoon din sa Philippine Book Festival ang delegasyon/opisyal ng Frankfurt Book Fair: Juergen Boos (President), Claudia Kaiser (VP for Marketing), at Simone Buhler (Head, Guest of Honor program), upang saksihan ang pagdiriwang natin ng mga aklat. Abala rin ang Translation Committee ng ating bansa sa paghahanda sa papalapit na FBF. Inaayos na rin kasi ang salin sa wikang Aleman ng mga piling aklat natin.
Ayon kay Senador Legarda, sa pamamagitan ng Philippine Book Festival, “we are also introducing our learners to our culture, making them more familiar with our shared heritage, and giving them a deeper appreciation of our national identity.” Binanggit din niya ang kahalagahan ng aklat at ng local book industry bilang kabahagi ng Philippine Creative Industries Development Act (PCIDA) na nakapaloob sa Republic Act No. 11904. Ito ang naging panawagan ng butihing senador sa ating mga kabataan: ‘Find the books worth reading; those that stretch imaginations. There is no such thing as a child who hates to read; there are only children who have not found the right book.’ Winakasan pa niya ito ng isang linyang nakapagpapagaan sa dibdib: ‘Let a thousand libraries bloom.’
Masaya ang naging pagbubukas ng naturang book festival. Tinampukan ito ng isang balagtasan at pagbasa ng tula. Nagtanghal ng ‘igal’ (ang sayaw na kahalintulad ng ‘pangalay’) ang mga mananayaw mula sa Tawi-Tawi, ang pinakadulong bahagi ng bansa sa Mindanao. At bilang ritwal ng pagsisimula ng pagdiriwang, pinangunahan ni NBDB Executive Director Charisse Aquino-Tugade ang ‘pagtatagay’ (gamit ang ating lambanog) kasama ang mga inanyayahang panauhin sa festival. Nakitagay rin ang mga panauhin mula sa Frankfurt Book Fair.
Hinati sa apat na bahagi ang Philippine Book Festival. May lugar na nakalaan para sa mga aklat pambata (ang KID LIT section), sa mga aklat ng kuwento at non-fiction (ang BOOKTOPIA section), sa mga babasahing illustrated (ang KOMIKS section), at sa mga lokal nating teksbuk (ang ARAL AKLAT section).
Kung ang buwan ng Abril ay panahon ng tag-ani sa mga kabukiran sa lalawigan, naging panahon na rin ito ng pag-aani ng mga aklat na inakda ng mga Pinoy na awtor at ilustrador. Kay ganda rin ng naging paalala ni Executive Director Charisse Tugade sa mga kabataang mas may oras mag-scroll sa social media gamit ang kanilang mga gadgets: “Stop to scroll (every now and then) and read a book.”