MULING nagsagawa ngayong buwan ng Abril ang Social Security System (SSS) Calapan Branch ng Run After Contribution Evaders o RACE sa mga barangay sa lungsod na ito noong Abril 30.
Bago simulan ang nasabing aktibidad ay nagkaroon muna ng maikling press conference sa tanggapan ng SSS sa Brgy. Sto. Niño sa lungsod na ito at pagkatapos ay nagtungo na sa mga lugar Lumangbayan, San Vicente North at Central, at Lalud kung saan ang mga establisyimento na kanilang pinuntahahan ay insurance service, burger house, hardware, grocery, language school, tindahan ng piyesa at kagamitan ng motorsiklo, pest control service at gulayan sa pamilihang lungsod upang ihain ang Show Cause Order sa mga may-ari dahil sa hindi nila pagbayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado sa SSS.
Sinabi ni SSS Calapan Branch Head Imelda sa presscon, “Ang Run After Contribution Evaders o RACE campaign ay isang kampanya na isinasagawa ng SSS upang matiyak na sumusunod o pagtugon ng mga employer sa kanilang obligasyon na nakasaad sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security act of 2018. Seryosong hahabulin ng SSS ang mga may-ari ng mga establisyimento na hindi nagre-remit ng kontribusyon ng kanilang mga tauhan sa negosyo.”
Dagdag pa ni Familaran, patuloy silang mag-iikot sa buong lalawigan para bisitahin ang mga employer na batay sa kanilang talaan ay hindi inihuhulog ang kontribusyon ng kanilang mga manggagawa, hindi ipinaparehistro, o hindi sinasabi sa kanilang mga empleyado na dapat sila ay kasama sa social security coverage ng sa gayo’y mapakinabangan ang mga benepisyo sa oras na ito ay kanilang kailanganin.
Ito na ang pangalawang aktibidad ng SSS na RACE ngayon buwan na kung saan una nila itong ginawa sa lungsod noong Abril 25. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)