25.2 C
Manila
Miyerkules, Hulyo 24, 2024

Iba’t ibang aktibidad sa pagdiriwang ng Labor Day, isinagawa sa Puerto Princesa

- Advertisement -
- Advertisement -

ISINAGAWA sa lungsod ang iba’t ibang aktibidad kaugnay sa pagdiriwang ng ika-122 taong anibersaryo ng Araw ng Paggawa o Labor Day ngayong Mayo 1 sa pangunguna ng Department of Labor and Employment (DoLE)-Mimaropa.

Sinimulan ang pagdiriwang sa isang ‘Walk for A Cause’ na may temang “One Step at a Time, One Child at a Time Towards a Child Labor-Free Mimaropa.” Lahat ng nakiisa dito ay nagbayad ng registration fee na ang malilikom na halaga ay gagamitin sa benepisyo ng mga child laborers.

P20.00 ang registration fee para sa mga estudyante, P20.00 naman sa general public, P50.00 sa private sector representatives at P100.00 sa mga empleyado ng DoLE. Ang walk for a cause ay nagmula sa Puerto Princesa City Bay Walk patungong SM City Puerto Princesa.

Ang isinagawang job fair sa SM City Puerto Princesa kaugnay ng pagdiriwang ng 122nd Labor Day. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Sinundan ang aktibidad na ito ng 2024 Job Fair na isinagawa sa nasabing mall kung saan 27 local employers at dalawang overseas employers ang nakiisa sa job fair. May kabuuang 842 bakanteng posisyon ang inialok sa mga walang trabaho kung saan 569 dito ay local at 180 naman ang overseas.

Ayon kay DoLE-Mimaropa Regional Director Naomi Lyn Abellana, napili nilang isagawa ang Job Fair sa Puerto Princesa upang matulungan ang mga Palawenyong walang trabaho na magkaroon ng pagkakataon na makapag-apply sa iba’t ibang bakanteng posisyon.

Pinangunahan ni DoLE-Mimaropa Regional Director ang iba’t ibang aktibidad sa pagdiriwang ng Labor Day sa Puerto Princesa. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Dagdag pa ni Abellana na sa pamamagitan ng job fair na ito ay makakatulong ang DoLE sa mga Palawenyo na makahanap ng trabaho na hindi gagastos ng malaki.

Maliban sa mga participating employers ay nakiisa rin ang Tesda, SSS Puerto Princesa Branch, Bureau of Internal Revenue (BIR), Philippine Statistics Authority (PSA), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensiya na kinukunan ng mga requirements kapag nag-a-apply ng trabaho.

Kasabay ng job fair ay pinangunahan naman ni Abellana ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong pangkabuhayan.

Tumanggap ang Dumangueña Manaile River Irrigators Association, Inc. ng bayan ng Narra ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P1,496,920. Samantala, P1,497,088 ang tinanggap ng Airtoda Transport Service Cooperative ng Puerto Princesa. Hindi naman nakarating ang Shalom Women’s Biodiversity Conservation Association mula sa bayan ng Coron na tatanggap din sana ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P1,497088.

Aniya, napakalayo ng Palawan sa mga main industries at napakamahal ng pamasahe kung pupunta pa ng Maynila ang bawat Palawenyo na naghahanap ng trabaho hindi tulad sa ibang probinsya sa Mimaropa na mura lamang ang pamasahe.

Tinanggap ng kinatawan ng Airtoda Transport Service Cooperative ng Puerto Princesa ang tulong pangkabuhayan na ibinigay ng DoLE. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ilang benepisyaryo din ng programang Tupad ang tumanggap na ng kanilang benepisyo. Nagkaroon din ng Government Internship Program (GIP) pay-out kung saan nasa 71 indibidwal ang tumanggap ng benepisyo.

Nagpapatuloy din ang Kadiwa ng Pangulo na isinasagawa sa Centennial Pavilion ng Kapitolyo ng Palawan kung saan nasa 15 asosasyon at 32 manininda ang nakiisa dito. Magtatagal ang Kadiwa hanggang sa Mayo 3.

Ang pagdiriwang ng 122nd Labor Day ngayong Mayo 1 ay may temang “Sa Bagong Pilipinas: Manggagawang Pilipino, Kabalikat at Kasama sa Pag-asenso”. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -