UMABOT na sa ₱936,735,513.27 ang kabuuang halaga ng pinsala sa agrikultura sa lalawigan dulot ng El Niño, ayon sa talaan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg).
Apektado ng tagtuyot ang mga bayan ng Magsaysay, San Jose, Rizal, Calintaan, Sablayan, Santa Cruz, Mamburao, Paluan, Abra de Ilog, Looc at Lubang. Naitala ang pinakamalaking halaga ng pinsala sa mga pananim sa San Jose na halos ₱260 milyon, kasunod ang Magsaysay sa ₱149,128,456, at Mamburao na higit ₱100 milyon.
Pangunahing sinira ng tagtuyot ang palay, sibuyas, mais, at bawang, gayundin ang industriya ng paghahayupan. Naapektuhan ang mga kambing sa Calintaan, at mga kalabaw, baka at manok sa Lubang at Looc.
Ayon kay Provincial Agriculturist Engineer Alrizza Zubiri, may 11,112 na apektadong magsasaka, mangingisda at nag-aalaga ng hayop ang tinutulungan ng Pamahalaang Lokal (LGU) at Pamahalaang Nasyunal sa pamamagitan ng kanilang mga tanggapan sa probinsya at munisipyo.
Kabilang sa mga interbensyong ipinagkaloob ng kapitolyo ay mga binhi ng palay, mais, sibuyas, at mga buto ng iba’t ibang gulay. Ayon pa kay Zubiri, ang mga binhing ito ay magagamit sa kasunod na panahon ng taniman.
“Nagkaloob din tayo ng fuel assistance at pump and engine sa mga taniman na maisasalba pa,” saad niya.
Namahagi din ng tulong sa sektor ng pangisdaan partikular ang tilapia fingerlings, seaweed planting materials, solar lights at payao.
Bukod sa El Niño, naging problema rin ng mga magsasaka ng lalawigan ang peste sa mga pananim tulad ng army worms. Ayon sa tala ng OPAg, higit ₱143 milyon ang halaga ng napesteng palay, mais at sibuyas sa mga bayan ng Sablayan, Calintaan, Rizal, Paluan, Mamburao at Magsaysay.
Ang bayan ng Magsaysay ang may pinakamalaking halaga ng napesteng sibuyas na umabot sa ₱62,317,800. Nasira din ang mga tanim na seaweeds sa nabanggit na bayan na may halagang ₱1,401,250. (Voltaire Dequina/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)