KAMAKAILAN ay naglabas ng ulat ang IMF World Economic Outlook sa Per Capita Income o Kita Bawat Tao ng mga ekonomiya sa Southeast Asia ( Asean at Timor Este). Ayon sa ulat, ang Singapore ay nagtala ng pinakamataas na kita bawat tao na tinantiya noong Abril 2024 sa halagang $ 88,447 samantalang ang Myanmar ay may pinamababa sa halagang $ 1,250. Ang Pilipinas ay nasa ika-pitong pwesto sa 11 bansa at nagtala ng $ 4,130 kita bawat tao. Marami ang nanlumo sa mababang antas ng kita bawat tao sa Pilipinas at nagwikang palubog na ang ekonomiya ng Pilipinas.
Ngunit sa parehong World Economic Outlook ng IMF, kung titingnan ang Gross Domestic Product (GDP) o Kabuoang Produksyong Panloob ng Pilipinas umabot na sa halagang
$ 471.52 bilyon at ang Pilipinas ang ika-apat na pinakamalaking ekonomiya sa Asean. Kahit nahigitan tayo sa kita bawat tao ng Vietnam ($ 4,626), Malaysia ($ 13,315) at Brunei ($ 35,112) dahil sa mas maliliit nilang populasyon mas mataas pa rin ang kabuoang produksyon ng Pilipinas kung ihahambing sa Vietnam ( $465.81 bilyon), Malaysia (USD 445.52 bilyon) at Brunei ($ 15.51 bilyon). Maniwala man tayo o hindi kahit ang Pilipinas ang nasa ika 131 pwesto sa kita sa bawat tao sa 188 ekonomiya sa buong mundo at itinuturing kulelat na ekonomiya sa Asean, ang ating bansa ang ika 32 pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo. Kahit halos kasing-laki na natin ang kakayahang makapagprodyus ng Singapore, ang $ 525.23 bilyong GDP nito ay pinaghahatian lamang ng 5.94 milyong populasyon. Samantala, ang GDP ng Pilipinas na $ 471.52 ay pinaghahatian ng 114.2 milyong populasyon.
Kung ang kita bawat tao ay nagpapahiwatig ng antas ng kagalingan ng mga mamamayan at ang kanilang potensyal na kakayahang makapagkonsumo na nakapagpapataas sa kanilang kagalingan, ang GDP ay nagpapahiwatig ng kapasidad sa produksyon at pagsulong ng ekonomiya. Ito ay nakabatay sa lawak ng mga produktibong sangkap tulad ng paggawa, capital, lupa at teknolohiya. Sa antas ng paggawa, ang Pilipinas ay mayroong 50.3 milyong manggagawa noong 2023 samantalang mayroon lamang 3.47 milyong manggagawa ang Singpore. Ito ay nagpapahiwatig na mas produktibo ang mga manggagawang Singaporean kaysa mangagagawang Filipino. Maraming dahilan ang nagtatalaga sa produktibidad ng mga manggagawa sa isang ekonomiya kasama na ang antas ng edukasyon ng mga mangagagawa, at lawak ng capital at teknolohiya na ginagamit sa proseso ng produksiyon.
Sa aking palagay, ang antas ng capital na katuwang ng mga manggagawa sa proseso ng produksiyon ang pinakamahalagang dahilan sa pagiging produktibo ng mga manggagawa. Ayon sa St. Louis Federal Reserve sa Estados Unidos, ang lawak ng istak o laan ng capital sa Singapore ay umabot na sa $ 2 trilyon noong 2019 samantalang mas mataas nang kaunti ang istak ng capital ng Pilippinas na umabot na sa $ 2.6 trilyon sa parehong taon. Ngunit batay sa aking kompyutasyon, ang dami ng capital sa bawat manggagawa sa Singapore ay halos $ 580,000 samantalang ang bawat manggagawa sa Pilipinas ay tinutulungan lamang ng capital na nagkakahalaga ng $ 60,000. Ang malawak na capital na kasangkap ng bawat manggagawa ang susi kung bakit produktibo ang mga manggagawang Singaporean at kung bakit napakataas ng kita bawat tao sa Singapore.
Kung titignan natin ang ibang ekonomiya, ang bawat manggagawa sa Malaysia ay may katuwang na capital na nagkakahalaga ng $ 200,000 samantalang ang panukat na ito ay $ 110,000 sa Thailand at $ 120,000 sa Indonesia. Ang mga bansang nabanggit ay may matataas na kita bawat tao kaysa sa Pilipinas dahil mas produktibo ang kanilang manggagawa.
Samakatuwid, kung ang capital ang susi sa pagiging produktibo ng mga manggagawa papaano ito napalalawak. Una, sa pamamagitan ng pag-iimpok na nakalilikom ng pondo na ginagamit upang bumili ng iba’t ibang uri ng capital at teknolohiya. Ayon, sa World Bank ang proporsyon ng pag-iimpok sa Singapore ay umaabot sa 60 porsiyento. Samakatuwid, sa bawat $ 100 na kita ng ordinaryong mamamayan sa Singapore ito ay naglalaan ng halos $ 60 sa pag-iimpok. Samantala, sa Pilipinas noong 2022 ang ating porsiyento ng pag-iimpok ay umabot lamang ng 22.5 porsiyento.
Higit pa sa pag-iimpok ang pinagkukunan ng capital ng mga bansa sa Asean ay mula sa mga dayuhang mamumuhunan o foreign direct investment (FDI). Noong 2022, ayon sa Statistica Research Department, ang Pilipinas ay tumanggap ng $ 9.2 bilyon na FDI samantalang ang mas maliit na bansa tulad ng Singapore ay tumanggap ng $ 141.2 bilyon na FDI o mahigit sa 15 beses na mas malaki kaysa Pilipinas.
Huwag nating maliitin ang kakayahan ng Pilipinas na makapagprodyus dahil ang Pilipinas ay isa sa mga nangungunang 20 porsiyento ng ekonomiya sa buong mundo. Ganoon pa man maraming hamon ang hinaharap ng ating ekonomiya ngunit matutugunan ito kaya’t huwag mawalan ng pag-asa sa Pilipinas nating mahal.
Wala na ba talagang pag-asa ang ekonomiya ng Pilipinas?
BUHAY AT EKONOMIYA
- Advertisement -
- Advertisement -