27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Gatchalian gustong imbestigahan ang human trafficking, kung anu-anong scam na galing sa loob ng Multinational Village

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIS ni Senador Win Gatchalian na imbestigahan ang human trafficking at mga online scamming activities na sinasabing nangyayari at nagmumula sa loob mismo ng Multinational Village sa Parañaque.

“Kailangang matukoy ang mga lapses at butas sa mga proseso sa gobyerno at pambansang seguridad na humantong sa pagtaas ng bilang ng krimen na kadalasang kinasasangkutan ng mga dayuhan. Ang mga ito ay nagdudulot ng malubhang banta sa seguridad at kaligtasan ng mga mamamayang Pilipino,” sabi ni Gatchalian, kasunod ng paghain niya ng Senate Proposed Senate Resolution No. 1032.

Ayon sa kanya, nakatanggap ang kanyang opisina ng sulat na may petsang Mayo 8, 2024, mula sa isang grupo ng homeowners sa Multinational Village, kung saan umaapela sila sa mga awtoridad para sa kanilang seguridad at magsagawa ng imbestigasyon sa sinasabi nilang lumalaking populasyon ng mga kahina-hinalang dayuhan sa kanilang komunidad.

Ayon sa mga homeowners na ito, mayroong isang lugar sa loob ng naturang subdibisyon na tinatawag na “City Garden”, isang enclave na eksklusibong pinupuntahan at tinitirhan ng mga dayuhan, kung saan hindi bababa sa 50 dayuhan ang nagsisiksikan sa loob ng mga inuupahang unit ng pabahay dito.

Kamakailan lang ay sinalakay ang isang bahay sa 18 Tejeran Street sa loob ng subdibisyon at nahuli ang 10 Chinese nationals na umano’y nagsasagawa ng mga aktibidad ng pang-iiscam, tulad ng love at cryptocurrency scam. Arestado rin ang isang bodyguard na Pinoy dahil sa kanyang undocumented .45 caliber pistol.

Ang mga naarestong dayuhan ay hinihinalang mga pugante mula sa naunang ni-raid na POGO compound sa Bamban, Tarlac noong nakaraang Marso. Isinagawa ang nasabing raid dahil sa umanoy paglabag ng kumpanya sa Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; RA 562, kilala rin bilang Alien Registration Act of 1950; at RA 10175, na kilala rin bilang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ayon sa senador, “magiging isang malaking kapinsalaan sa mga tao at pagwawalang-bahala sa tungkulin batay sa mga internasyonal na kasunduan at mga kumbensyon na nilagdaan o kung saan miyembro ang Pilipinas kung hindi po-protektahan ng pamahalaan ang mga mamamayan nito mula sa mga iligal na mga aktibidad na umiiral sa loob ng isang gated village.”

Larawan kuha ni  Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -