25 C
Manila
Lunes, Enero 6, 2025

Problema ng desempleyo: Ano ang mga dahilan?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -
UMABOT na sa 2 milyong katao ang walang trabaho ngunit naghahanap ng trabaho noong Marso 2024 ayon sa Philippine Statistical Authority (PSA). Ang bilang na ito ay naghahayag na 3.9% ang porsiyento ng desempleo sa halos 51.2 milyong hukbong paggawa ng Pilipinas. Bilang mga ekonomista, sinusuri namin ang iba’t ibang dahilan ng desempleo dahil ang sitwasyong ito ay nagpapakitid sa kakayahan ng ekonomiya na lumaki at sumulong sa hinaharap. Kung malawak ang desempleo, ang potensyal ng ekonomiya na makapagprodyus ay hindi natatamo dahil malaking bahagi ng hukbong paggawa ay hindi nakapag-aambag sa produksiyon. Sa pananaw naman ng kabuoang demand, dahil malawak ang desempleo maraming pamilya ay may maliliit na kita o halos walang kita. Ang makitid na kita ay humahadlang sa kanila upang bumili ng mga produkto at serbisyo na gawa sa ating bansa. Dahil dito, lumiliit ang kabuoang demand na nauuwi sa maliit na produksiyon sa hinaharap at pagbagal ng paglaking ekonomiko.
Isa sa mga pangunahing dahilan ng kawalan ng trabaho ay ang kakulangan sa capital ng isang ekonomiya. Ang capital ay ginagamit na katuwang na sangkap ng paggawa sa produksiyon ng mga produkto at serbisyo. Hindi lahat ng produksiyon ay magagawa nang episyente ng mga manggagawa. Kakailanganin nila ng capital tulad ng mga makina, instrumento at iba pang kagamitan upang maging produktibo sila sa paglikha ng mga produkto at serbisyo. Kung kulang ang capital na nalilikom ng isang ekonomiya, ang lumalaking hukbong paggawa ng ekonomiya ay hindi kayang mabigyan ng sapat na trabaho. Sa kabilang dako, ang kakulangan sa capital ay bunga ng maliit na pag-iimpok ng mga mamamayan at ekonomikong sector. Ang pondong nalilikom sa pag-iimpok ay ginagamit sa pagbili ng karagdagagang kagamitan, instrumento at iba pang kasangkapan. Maliit ang nalilikom na pondo sa pag-iimpok sa ating bansa dahil mababa rin ang katamtamang kita ng mga mamamayan. Dagdag pa rito dahil maliit lamang ang kita ng mga pamahayan, malaking bahagi nito ay inilalaan nila sa pagkonsumo. Ang capital ay makukuha rin sa mga dayuhan ngunit kahit may pumapasok na dayuhang capital (FDI) sa ating bansa hindi ito kasing dami ng pumapasok na dayuhang kapital sa mga ibang bansa sa Asean.
Ang ikalawang sanhi ng desempleo ay ang mababang antas ng kabuoang demand. Ang pagbabago sa kabuoang demand ay naipaliliwanag ng teorya ng business cycle o ikot ng negosyo. Ayon sa pananaw na ito, ang ikot ng negosyo ay dumaraan sa apat na yugto. Mula sa unang yugto na paglaki natatamo ang tuktok na itinuturing ikalawang yugto. Pagkatapos ng tuktok ang lagay ng ekonomiya ay pumapasok na sa ikatlong yugto kung kailan nagsisimulang bumaba ang mga gawaing ekonomiko hanggang matamo ikaapat na yugto na may pinakamababang  antas at pagkatapos ay papasok muli sa yugto ng  paglaki ang ekonomiya.
Ayon sa ikot ng negosyo, ang pagbaba ng kabuoang demand ay nararanasan sa ikatlong yugto kung kailan bumababa ang mga gawaing ekonomiko. Bumababa dahil sa yugto ng tuktok nagtataasan ang mga presyo ng mga produkto at mga produktibong sangkap dahil ganap ng nagagamit ang mga produktibong sangkap. Dahil dito, napipilitan magbawas ng produksyon ang mga kompanya at magbawas din ng mga manggagawa. Dahil sa maliit na kita ng mga mamamayan bunga ng kawalan ng empleo ang kabuoang demand ay bumababa at nagpapatuloy ang desempleo ng mga manggagawa sa mga sumusunod na panahon.
Ang paglala at paglawak ng desempleo noong Great Depression ay bunga ng kakulangan ng demand mula sa mga nawalan ng trabaho sa mga naunang taon. Sa mga susunod na taon, ang produksiyon ay bumababa at ang demand sa mga produktibong sangkap lalo na ang mga manggagawa ay bumamaba rin. Kaya’t isa sa mga programa inilunsad ng Pangulong Franklin Roosevelt ng Estados Unidos sa problema ng malawakang desempleong naranasan ng bansa ay ang pagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga nawalan ng trabaho sa paggamit sa kanila bilang manggagawa sa pagpapalawak ng mga daan, tulay at iba pang imprakstruktura sa buong bansa. Ang kanilang sweldo mula sa pansamantalang trabahong publiko ay nagamit sa pagbili ng mga produkto at serbisyo na unti unting nagpasigla sa ekonomiya.
Ang ikatlong dahilan sa desempleo ay ang pagpapatupad ng pamahalaan ng patakarang nagtatakda ng pinakamababang pasweldo. Dahil ang pasweldong itinakda ay mas mataas sa ekilibriyong pasweldo maraming manggagawa ang nagnanais magsuplay ng kanilang serbisyo samantalang mas kaunting manggagawa naman ang kinakailangan ng mga negosyante. Ang ganitong sitwasyon ay nauuwi sa surplus na manggagawa. Kahit may malawak na surplus, hindi pwedeng bumaba ang pasweldo dahil hindi ito pinapayagan ng patakaran ng pamahalaan. Kayat ang surplus ay mananatili ay lumalabas bilang desempleo ng mga manggagawa. Sa ganitong sitwasyon, kinakailangang tanggalin ng pamahalaan ang pagtatakda ng pinakamababang pasweldo upang maraming manggagawa ang mabigyan ng trabaho.
Batay sa ating pagsusuri dapat alamin kung ano ang sanhi ng desempleo dahil nag-iiba rin ang patakarang ipinatutupad kapag ang desempleo bunga ng kulang na capital, kakulangan ng kabuoang demand, at ang patakaran ng pagtatakda ng pinakamababang pasweldo.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -