TINIYAK ni Palawan Governor Victorino Dennis Socrates na hindi magkakaroon ng giyera sa pagitan ng China at Pilipinas.
Binigyan diin din ng gobernador na maganda ang tinuran ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kamakailan nang bumisita ito sa Western Command (Wescom) na “hindi tayo makikipaggiyera.”
“Ang sabi ni Pangulong Bongbong Marcos, peace is our drumbeat. Hindi tayo makikipag-giyera. Apparently, ang order sa ating kasundaluhan ay walang gagamit ng armas, walang gagamit ng dahas. At, puwede silang lumaban lamang ‘pag threatened ang personal physical integrity nila.’ So, aasa tayo doon sa direksiyon ng ating Pangulo,” pahayag ni Socrates sa pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) noong Hunyo 27 kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Naglabas din ng “collective statement” ang PPOC upang labanan ang misinformation kaugnay ng pagkakaroon ng giyera sa pagitan ng China at Pilipinas, at upang mapawi ang pangamba o panic ng mga Palawenyo kaugnay sa kumakalat sa social media na pinaghahandaan na ang giyera.
Hinihikayat din ng PPOC ang publiko na maging mapanuri sa mga nababasa sa social media at mag-ingat sa pagpapakalat ng maling impormasyon dahil may kaakibat itong kaparusahan.
Samantala, sinabi naman ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Jerry Alili na iba ang paghahanda sa giyera kumpara sa paghahanda sa mga “natural hazards” na nararanasan na ng lahat.
Dagdag pa ni Alili na tuloy-tuloy din ang kanilang education campaign on family community-based disaster preparedness program sa mga munisipyo, kung saan itinuturo dito ang mga evacuation centers na dapat puntahan, ano ang dapat gawin, ano ang mga dapat dalhin at iba pa.
Ayon pa sa kanya na tuloy-tuloy din ang pag-recruit at pagpapalakas ng civil defense capability ng mga volunteer civil defense auxillary, kung saan tinuturuan ang mga ito kung paano tumulong at mag-react kapag may natural hazard
Sa kasalukuyan, mayroong 6,500 hanggang 7,000 na mga volunteers na nasanay ng iba’t-ibang mga munisipyo sa Palawan maging ng PDRRMO. (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)