SANDOSENANG bagong aklat pambata ang inilunsad kamakailan ng Room To Read (RTR), isang international organization na naniniwalang ang pagbabago ng daigdig ay magmumula sa mga batang nakapag-aral. Layon din nito na pag-alabin ang praktis ng pagbabasa ng mga kabataan sa kani-kanilang tahanan. Ang Room To Read ay isang non-profit global organization na ang tuon ay children’s literacy at gender equality in education. Ang organisasyong ito ay ipinanganak sa San Francisco, USA, kumalat sa maraming panig ng daigdig, at ngayon ay nakarating na rin sa ating bansa.
Ang Room to Read Philippines ay pinamamahalaan ni Al Santos, isang Pilipino na tumatayong Program Manager ng Room To Read sa Southeast Asia. Noong 2019, bago pa nangyari ang pandemyang Covid-19, pinamunuan ni Al Santos ang isang workshop o pagsasanay sa pagsulat at pagguhit ng mga kuwentong pambata na ginanap sa Bohol Bee Farm sa Bohol. Apat na publishers ng mga aklat pambata ang una nilang inanyayahan dito sa Pilipinas: Adarna House, OMF Literature-Hiyas, Lampara Books, at Anvil Publishing. Ang bawat publishing house ay namili naman ng tigli-limang manunulat ng kani-kanilang kumpanya na magiging kabahagi ng proyektong ito. Mapalad akong napasama sa unang batch ng mga manunulat nito (mula sa publishing house na OMF Literature-Hiyas). Dahil ang mga intended readers ng mga aklat na ito ay ang mga batang nagsisimula pa lang magbasa, ang mga picture books na ito ay puno ng makukulay na ilustrasyon bagama’t matipid sa salita.
Natatandaan ko pa na hinamon kami ni Al Santos na gumawa ng mga picture books na angkop sa mga beginning readers. Heto ang kanyang kahingian sa amin sa paggawa ng kuwento para sa Room To Read:
- Maikli lamang ang kuwento (100-150 salita)
- Tumatalakay ito sa isang maituturing na ‘difficult topic’
- Ang target audience ay mga batang ‘beginning readers’
Kung inaakala nating mas madali ang magsulat ng maikling-maikling kuwento para sa mga bata, nagkakamali kayo. Para sa aming mga manunulat, na ang sandata ay ang panulat at mga salita, hindi ito madali. Kinakailangang maging matimpi sa pagpili ng mga salitang gagamitin sa kuwento. Kung kakayanin na ng ilustrasyon ang gustong sabihin ng mga salita, hahayaan na lamang na ang ilustrasyon ang magpakita nito. Dito lalong lulutang ang maayos na collaboration sa pagitan ng manunulat at ilustrador.
Nang maisulat namin ang mga kuwento, isa na namang hiwalay na workshop ang ginawa. Ito’y para naman sa mga ilustrador na siyang napiling guguhit ng aming mga kuwento. Pinamahalaan nina Robert Alejandro at Liza Flores, parehong miyembro ng Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang INK), ang workshop sa mga ilustrador sa Baguio City.
Ilan sa mga paksang tinalakay sa unang batch ng RTR books sa Pilipinas ay ang sumusunod: coping with death, autism, paggamit ng sign language para sa mga hard of hearing o bingi, gender equality, video game addiction, pagbibitaw ng nakasasakit na salita, batang may bilanggong magulang, batang kabilang sa maraming magkakapatid, batang nag-aalaga sa kanyang lolo, batang kailangang mag-adjust sa kahirapan, at marami pang magagandang iba. Dalawampung (20) aklat pambata ang naunang ani ng Room to Read sa ating bansa.
Nitong nakaraang taon, 2023, nagkaroon ang Room To Read ng pangalawang batch ng workshop sa pagsulat ng aklat pambata. Ang naging paksa ay ang mga batang migrante o ang mga batang nangibang-bayan (dulot ng nagpapatuloy na OFW migration). Kung tutuusin, bihira tayong makabasa ng kuwento tungkol sa mga batang nag-abroad at kung paano sila namuhay sa bansang napuntahan nila. Madalas na ang nababasa natin ay mula sa pananaw ng mismong mga magulang na OFW.
Ang bansang Hong Kong ang naging venue ng ikalawang workshop. Kinailangang maglakbay ng karamihan sa mga manunulat papuntang Hong Kong. Ang iba naman na hindi na makapagbiyahe sa Hong Kong ay nakibahagi na lamang sa pamamagitan ng Zoom meeting. Bale, naging ‘hybrid’ ang naturang workshop. Hindi lamang puro Pinoy ang awtor at ilustrador ng ikalawang batch ng workshop: may Hong Kong Chinese, may Indian, at Indonesian. Apat na nationalities ang kabahagi sa project na ito!
Pinamahalaan ni Al Santos ang team ng writing workshop sa Hong Kong, kasama sina Alex Lee at Alyson Moskowitz. Sa panig naman ng illustrations, ang naging mentor nila ay si Liza Flores, kilalang children’s book illustrator, co-founder ng Studio Dialogo at dating pangulo ng Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang INK); at si Tanya Kotnala, isang Indian national. Ang disenyo ng 12 bagong RTR books ay pinamahalaan ng children’s book illustrator na si Jamie Bauza (sa suporta na rin nina Abi Goy at Fran Alvarez, parehong mahuhusay na ilustrador).
Sa mga manunulat na napasama sa batch na ito, ilan sa kanila ay naninirahan mismo sa Hong Kong gaya ni Corazon Amaya-Canete na 30 taon nang residente dito kasama ang kanyang asawa at dalawang anak. Co-publisher din siya ng isang online news platform for OFWs sa HK. Siya ang awtor ng aklat na ‘Maraming Nanay sa Hong Kong’ na iginuhit naman ng isang Indonesian illustrator na si EorG. Isa pang awtor na nanirahan din sa Hong Kong na napasama sa Room To Read project na ito ay si Eny Bawse, founder ng ‘Self Love Cupid’ na nagbibigay ng mental health support sa mga kagaya niyang migrant workers sa Hong Kong. Ang picture book niya ay pinamagatang ‘Kaya ba ni Maya?’ na iginuhit naman ni Maia Hermosa, creative director ng Supermaya branding and design studio at founder ng ‘The Eleanor Library’ para sa mga kabataan ng Masbate.
Ang first time author na si May Lee, na sumulat ng kuwentong ‘Ang mga Kulay ng Hong Kong’ ay 13 taon nang naninirahan sa Hong Kong. Bukod sa pagiging yoga teacher at entrepreneur, si May ay part time model din sa Manila. Ang aklat niya ay iginuhit ni Libby Lam, isang popular na author-illustrator sa Hong Kong.
Heto pa ang ilang aklat na napasama sa RTR batch 2:
“Ang Malungkot na Lungsod ni Sam,” kuwento ni Christine S. Bellen-Ang; guhit ni Rain Haze, isang ilustrador mula sa HK.
“Ang Laro nina Rona at Powa,” kuwento ni Becky Gerodias; guhit ni Joanne Wong, na kasamang naninirahan sa HK ang asawa at anak.
“Kokak!,” kuwento ni Maloi Malibiran-Salumbides; guhit ni Dione Kong
“Ang Sumasayaw na Chopsticks,” kuwento ni Mary Ann Ordinario; guhit ni Ivan Reverente
“Ang Baul ni Emil,” kuwento ni Yna Reyes; guhit ni Felix Mago Miguel
“Teka Muna, Don Don!,” kuwento ni Joshene Bersales; guhit ni Coco Choi
“Sorpresang Bertdey ni Tin-Tin,” kuwento ni Rhandee Garlitos; guhit ni Marcus Nada
“Beyond the Clouds,” kuwento at guhit ni Samidha Gunjal
“Quest for Bindi,” kuwento ni Palkar Purnima; guhit ni Daud Nugraha, isang Indonesian illustrator.
Lahat ng aklat sa koleksyong ito ay bilingual, nakasulat sa dalawang wika ng daigdig: Filipino-Chinese, Hindi-Chinese, at Urdu-Chinese. Sa ngayon, ang mga naturang aklat ay ipinamamahagi nang libre ng RTR sa mga batang nangibang-bayan sa Hong Kong. Ang printing ng mga aklat ay naging posible sa tulong ng Julius Bar Foundation.
Hindi pa ito available ngayon sa ating bansa. Pero kung may mga lokal na publisher na magiging interesadong ilathala ito sa Pilipinas, magkakaroon tayo ng pagkakataong mabasa ito. Lalong higit na mahalaga ito sa isang bansang gaya natin na karamihan sa mga pamilyang Pilipino ay may family member na nangingibang-bayan.
Mabuhay ang mga aklat pambatang tumutugon sa mga hamon ng nagbabagong panahon. Mabuhay ang Room To Read sa kanilang napakalaking puso para sa mga bata sa lahat ng dako ng daigdig.