28.6 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Imbestigasyon sa lihim ng POGO, lumalalim

- Advertisement -
- Advertisement -

PALALIM nang palalim ang imbestigasyon na ginagawa  ng mga awtoridad at ng Senado kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ngayon ay tinatawag nang Internet Gaming Licensees.

“Malawak at malapot.” Ito ang paglalarawan ni Senadora Risa Hontiveros kaugnay ng mga natutuklasan nila sa imbestigasyon.

 

Sa paglusob ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa apat  na POGO complex mula noong nakaraang taon, nadiskubre ng mga awtoridad ang mga ilegal na gawain gaya ng online scam at human trafficking, bukod pa sa pananakit sa mga biktima at posibleng kaugnayan sa money laundering.


Tinitingnan din ng mga imbestigador ang posibleng kaugnayan ng POGO sa money laundering dahil nahuli sa Singapore ang dalawa sa mga incorporators ng Baofu Land Development, ang umupa sa lupang kinatitirikan ng ni-raid na POGO hub sa Bamban, Tarlac noong Marso.

Sa ginanap na raid noong Marso, nakatakas ang isa, si Huang at umano’y umupa ng villa sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Clark Freeport, Pampanga.

Kung kaya, nilusob ng PAOCC ang ilang villa sa Fontana lalo pa’t nabalitaan nilang ginagamit din ito sa human trafficking.

Dito rin umano sa Fontana umupa ng villa ang mga incorporators na sina Zhang Ruijin at Lin Baoying na nahuli sa Singapore sa kasong money laundering.

- Advertisement -

May posibilidad, ani Senadora Risa Hontiveros, na isang malaking network lamang ang operasyon ng mga illegal na POGO kung saan tumatakbo at nagtatago ang mga operators sa isang hub kapag ni-raid ang isang POGO complex.

Noong Pebrero, nagsagawa ng raid ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang POGO hub sa Bamban, Tarlac. Pinapatakbo ang naturang POGO hub ng Hongsheng Gaming Technology, isang lisensyadong POGO, na nagsasagawa umano ng cryptocurrency investment scam sa halip na online games at entertainment, ayon sa awtoridad.

May 350 dayuhan at 500 Pilipino ang naaresto sa naturang raid.

Nang sumunod na buwan, muling nagsagawa ng raid ang mga awtoridad sa Bamban, base sa sumbong ng isang nakatakas na Vietnamese national na nagsabing may  nagaganap na krimen sa loob ng POGO complex.

Ayon sa mga awtoridad, bukod sa online scam, may nagaganap ring human trafficking, torture, at prostitusyon sa naturang lugar.

Sa pag-iimbestiga ng Senado, sinabi ni Senador Win Gatchalian sa isang interview sa telebisyon, na peke ang kompanyang Zun Yuan dahil hindi makita ang mga incorporators nito at ang address na ibinigay nila.

- Advertisement -

Kinansela na ng Pagcor ang provisional license na mayroon ang Zun Yuan.

Mula Marso 1 hanggang 10, 2024 na umano’y nagsagawa ng inspeksyon ang Pagcor, wala itong nakitang iregularidad, samantalang ang raid ay naganap noong Marso 13.

“In the case of Lucky South 99 Outsourcing Inc. in Porac, Pampanga, we have proof that this company is connected to Hongsheng which was licensed by Pagcor. ‘Yung mga walang lisensya, ginagamit nila ang may lisensya para makapasok dito sa Pilipinas ang foreign nationals na gumagawa ng mga krimen. At ‘pag may lisensya ka na sa Pagcor, mabibigyan ka na rin ng Alien Employment Permit mula sa DoLE pati na Alien Certificate of Registration Identity Card mula sa Bureau of Immigration,” ani Gatchalian sa isang press release.

Ni-raid ng PAOCC ang Lucky South 99 na matatagpuan sa Porac nitong Hunyo 3. Binawi ang lisensya nito bago ang raid ngunit maraming dayuhan at Pilipinong empleyado pa rin ang nadatnan ng mga awtoridad. Ayon sa PAOCC, sari-saring pambubudol online ang ginagawa ng kompanyang ito.

Umalma ang Lucky South 99 sa bintang na ito.

Ayon sa ulat ng The Manila Times, sinabi ng abogado nitong si Atty. Jovito Barte, natural lamang na hindi pa sila basta-basta makakaalis matapos kanselahin ang kanilang lisensya dahil kailangan pa nilang mag-alis ng mga gamit, at bayaran ang kanilang mga empleyado.

Patungkol naman sa pasa-pasang katawan ng kanilang empleyado, may nagaganap umanong mga gang war sa loob ng 10 ektaryang complex na tinutuluyan ng may 7,000 nitong mga tauhan.

Ang raid sa Porac ang tinaguriang “most notorious illegal POGO scam farm,” ayon sa ulat ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA Network. May video ito nang sumunod na gabing nagpunta ang mga awtoridad na may isang Chinese ang naiwan sa compound at humingi ng saklolo.

Samantala, noong Mayo 2023 naman, kinansela  ng Pagcor ang provisional accreditation ng isang POGO sa Sun Valley Clark ilang araw matapos nitong ipawalang bisa ang lisensya ng main service provider nito, ang CGC Technologies’ dahil umano sa illegal activities.

Sa isang pahayag, sinabi ni Pagcor Chairman and CEO Alejandro Tengco: “no longer suitable to maintain its provisional accreditation, nor be issued a full accreditation as an offshore gaming hub due to its failure to ensure a lawful and orderly conduct of offshore gaming by its occupants in its registered sites” ang Sun Valley Clark hub.

Ayon kay Senadora Hontiveros, nakakakita sila ng koneksyon sa ilegal na POGO sa Bamban at sa Porac, Pampanga, maging sa ni-raid na mga villa sa Fontana Leisure Parks and Casino at sa Sun Valley Clark hub.

“At kung dito rin, sa Fontana, nakita yung mga documentary evidence na napakabigat niyan na may co-incorporators or may interlocking directorates between Fontana and Bamban and Porac at yung nauna ng Clark Sun Valley. Ibig sabihin, hindi ito magkakahiwalay na kumpanya. Lumilitaw na talagang probable mayroong some kind of group of companies at kapag nare-raid yung isa at may mga nakakatakas ay talagang tumatakbo na lang sila dun sa kabilang mga hubs. Yan po yung isang teoryang lumilitaw during our investigation at mukhang sa mga raid na ito ng PAOCC napatutunayan na may mga mga ebidensya para diyan. So, we are really faced not with stand-alone POGO hubs or companies, pero posibleng isang network ng mga ito. Kaya yung sinasabi ng iba’t-ibang resource persons na whole of government or whole of society approach, kinakailangan talaga bago mahuli ang lahat,” saad ni Hontiveros.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -