27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Payapa ang puso ng batang nagbabasa

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa 2-bahagi

KAY ganda ng naging tema sa pagdaraos ng National Children’s Book Day kamakailan sa Tanghalang Ignacio Gimenez ng Cultural Center of the Philippines: ‘Payapa ang Puso ng Batang Nagbabasa.’ Hindi makakailang puno ng ligalig ang daigdig. Kamakailan ay muling na-disrupt ang kaayusan ng paligid nang magdulot ng malawakang pagbaha ang bagyong Carina. Maraming kabahayan ang nalubog sa baha. Maraming tao ang apektado. Kay sarap pa naman sanang magbasa ng aklat habang umuulan at humihigop ng mainit na kape (o sopas).

Sa kasaysayan ng daigdig, napakarami nang digmaan ang naganap. Mula noon hanggang ngayon, hindi natatapos ang mga digmaan. Ang pinakahuli nga ay ang hidwaan sa pagitan ng Israel at Palestine. Nitong mga nagdaang taon, sa Islamic City of Marawi ay sumabog din ang isang digmaan sa pamamagitan ng Maute brothers na nakianib sa mga terosristang ISIS. Nadurog ang buong siyudad ng Marawi. May nangyayaring tensyon na rin sa mga dispute na di masolusyunan. Isa na rito ang isyu nang pag-angkin ng Tsina sa West Philippine Sea. Isang global na giyera rin ang iniharap sa atin ng pandemyang Covid-19.

Isang aklat na pangkabataan na tumatalakay sa isyu ng giyera o conflict (isinulat ng inyong lingkod; iginuhit ni Danielle Florendo). Inilathala ng OMF Lit-Hiyas.

Ang aklat, at ang pagbabasa nito, ay isang mabisang kanlungan para sa lahat. Lalong higit sa mga bata na tiyak na maraming tanong sa nagaganap sa paligid. Nitong mga nagdaang taon, nagkaroon ako ng pagkakataong makapaglathala ng isang nobelang pangkabataan (isang chapter book) tungkol sa naganap na giyera sa Marawi: ang ‘Maselan ang Tanong ng Batang si Usman.’ Tumalakay ang aklat sa nangyaring pagbakwit ng isang pamilya mula sa Marawi nang magkagiyera rito. Ang tanong na nasa isip ng batang si Usman ay kung sino ba ang dapat nilang kampihan sa giyerang iyon — kung  ang mga sundalo bang Kristiyano na tumutulong sa kanila o ang kapwa nila Muslim (na gaya ng Maute brothers) nana-brainwash na ng teroristang grupong ISIS. Sa dulong bahagi ng aklat ay may gabay sa diskusyon tungkol sa kung paano dapat harapin ang giyera at iba pang sensitibong isyu.

Si Kristine Canon, isang guro, awtor, at peace educator; ang panauhing tagapagsalita sa National Children’s Book Day celebration sa Cultural Center of the Philippines

Tamang-tama na naging panauhing tagapagsalita si Kristine Canon, isang guro, awtor ng mga aklat pambata, at peace educator, sa naganap na pagtitipon ng mga awtor, ilustrador, publishers, at mga reading experts upang ipagdiwang ang National Children’s Book Day. Ibinahagi niya ang kaniyang naging karanasan sa kanyang mga ginagawa sa ngalan ng kapayapaan.   Bungad niya, “Marami ang nagsasabi sa akin na hindi makabuluhan ang sinusubukan kong gawin dahil ang tunay na buhay natin ay marahas. Maraming masamang tao sa mundo. Ang reyalidad natin ay puro paghihirap, kawalan o ubod na bagal na hustisya, pagkakait at pagtapak sa karapatan ng mga bata, pagmamalupit at kung anu-ano pa.  Sa katunayan, agree po ako sa kanila.  Ang buhay ay punung-puno ng gulo o conflict at karahasan na maaring direktang nararanasan  o  hindi man, pero nasa ating kamalayan.  Ang conflict ay nararanasan nating lahat araw-araw. Ito ay normal na bahagi ng buhay. Ito ay hindi maiiwasan o mahirap maiwasan.”


Kasama ni Teacher Tin Canon ang bumubuo ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY); kasama rin si Dante ‘Klink’ Ang (dulong kaliwa, unang row), ang chairman ng National Book Development Board (NBDB)

Halos dalawang dekada na mula nang tinahak ni Teacher Tin, tawag ng marami kay Kristine Canon, ang daan tungo sa inclusive education. Nagbigay-daan dito ang kanyang pagiging guro ng mga batang may special needs at ang pagpapalaki niya sa kanyang anak na PWD. “Mula sa kanila nakita ko na bagama’t maganda naman ang intensyon ng mga paaralan, marami pa rin tayong mga kaugalian na hindi makatarungan para sa lahat ng batang mag-aaral,” ayon pa kay Teacher Tin. “Mabuti na lang, napaliligiran ako ng mga taong malalawak ang isip at naipakita sa akin ang maraming paraan upang maibigay ang nararapat na kaukulang atensyon sa bawat mag-aaral na neurotypical o neurodivergent man.”

Si Teacher Tin ay kabilang sa grupong ‘Teach Peace, Build Peace Movement.’ Tumutulong siya sa pagdidisenyo at pagde-develop ng mga peace education training materials para sa public school teachers ng Bangsamoro region at Metro Manila

Si Teacher Tin ay isa sa founding directors ng Creative Learning Paths School, isang progressive at inclusive school for peace education. “Dahil sa mga gurong nakasama ko, nakita ko na ang inclusion ay hindi para lamang sa mga batang may special needs. Ang Inclusion pala ay para sa lahat, dahil ang bawat bata ay may karapatan na matugunan ang kanyang pangangailangan upang mabuhay ng may kapayapaan sa puso. Magkakaiba ang bawat bata. May sariling angking talino na kanyang inihahandog sa mundo,”kuwento ni Teacher Tin.

Si Teacher Tin at ang mga kasamahan niyang awtor ng mga aklat pambata: Luis Gatmaitan (ang may akda ng kolum na ito, dulong kaliwa), Alyssa Judith Reyes-Gatmaitan, Zarah Gagatiga, at Augie Rivera

Dagdag pa ni Teacher Tin, “ipinagmamalaki ko na sa panahon ngayon, mas marami na tayong kuwentong pambata tungkol sa mga kakaibang ideya at pag-iisip, kakaibang damdamin at emosyon, kakaibang daan na pinipili para sa kanilang buhay. Natutuwa ako dahil ito ay patunay sa nais nating lahat na tahakin ang inclusion dahil ito ay ang sadyang pagbuo at pagtataguyod ng mga lugar at okasyon para maramdaman ang kapayapaan sa puso ng bawat bata dahil tanggap sila ng buong-buo kahit kakaiba sila.”

Dahil sa ginawang pag-aaral ni Teacher Tin tungkol sa sinasabing “inclusion,” naisip niyang sumali sa ‘Teach Peace, Build Peace Movement’ bilang isang volunteer teacher-trainer at module writer. Dito niya nakita na malalim at matarik ang daan tungo sa pagkakaroon ng payapang puso ng mga kabataan. “Ang kapayapaan ay hindi lamang pala sa pagpapalaganap ng inclusion, marami pa itong kasabay. Napasubo yata ako,” bahagi niya.

- Advertisement -

Bilang core formator ng ‘Teach Peace, Build Peace Movement,’ humaharap sina Teacher Tin sa mga returnees o mga batang sumanib sa violent groups na ngayo’y nagbabalik sa pamilya nila. “Nakikipagkuwentuhan kami sa mga guro at mag-aaral na umiiwas sa bala habang nasa loob ng paaralan. Nakikipag-usap kami sa mga magulang na naiipit sa gulo dahil sapilitang inaagaw ang kanilang mga anak upang lisanin ang pag-aaral at sumanib sa marahas na mga pangkat,” malungkot na kuwento ni Teacher Tin.

Noong una, ayaw raw maniwala sa kanila ng mga magulang na ito. Wala raw interes sa ginagawa nila. “Negatibo ang pagsalubong nila sa mga programang nais namin isulong. Pero pagkatapos ng mahabang pakikinig at masinsinang usapan, napapawi at napapalitan naman ito ng kasiyahan at kaluwagan ng dibdib.” Aniya, ang peace education programs na ibinabahagi nila sa kanila ay naghahatid ng bagong pag-asa sa kanila. Napagtanto ni Teacher Tin na ang ano mang conflict, bagama’t nakaka-stress, ay maaari ring magbunga ng pagbabago para sa ikabubuti ng lahat lalo na kung pipiliin natin ang maayos na usapan kaysa sa marahas na paraan.

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -