28.1 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Mga pambatang palabas sa ‘Makabata Block,’  sakto sa Buwan ng Wika

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

MAY magandang balita para sa Buwan ng Wika. Ngayong Agosto, mapapanood na ang mga de-kalidad na pambatang palabas sa tinatawag na “Makabata Block” ng Knowledge Channel. Ito’y sa pakikipagtulungan ng Knowledge Channel Foundation INC (KCFI) at ng National Council for Children’s Television (NCCT), isang attached agency ng Department of Education. Ang mga ipalalabas na children’s shows ay nasa wikang Filipino at may kaakibat na Filipino Sign Language (FSL) upang maabot din ang mga kabataang ‘bingi’ o ‘hard of hearing.’

Ang paglulunsad ng ‘Makabata Block’ sa Knowledge Channel

“The Filipino children need to have these kinds of quality, educational shows that are also entertaining and engaging,” bungad ni Rina Lopez Bautista, ang President at Executive Director ng Knowledge Channel Foundation Inc., nang idaos ang media launch ng MAKABATA BLOCK sa Rockwell Corporate Center sa Ortigas Ave noong Agosto 1. Dumalo ang inyong lingkod bilang Chairperson ng NCCT kasama ang isa pang council member ng NCCT na si Teacher Sally Lopez. Ipinahayag namin ni Sally Lopez ang kasiyahan sa nangyaring partnership na ito. Alam naming maraming bata’t kabataan, pati na mga nakatatandang miyembro ng pamilya, ang makikinabang dito.

Mga opisyal ng NCCT at Knowledge Channel Foundation: Edric Calma, Sally Lopez, Rina Lopez, Dr. Luis Gatmaitan (ang may akda), at Chrystal Abelgas

Bukod sa partnership ng NCCT at KCFI, ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ang Office of Senator Loren Legarda ay may isa ring culture-rich program na inihahandog sa publiko sa pamamagitan ng Makabata Block. Bagama’t hindi ito masasabing isang children’s TV show, ang ‘Buhay na Buhay’ ay maituturing naman na isang ‘child-friendly show.’ Hindi saktong pambata ngunit masasabi namang pampamilya; tunay na makatutulong sa holistic development ng bata.

Nagagalak ang inyong lingkod, bilang chairperson ng NCCT, sa pagsasanib-puwersa ng dalawang makabatang ahensiya para itampok ang Makabata Block

Sa panahon ngayon na halos sa mga gadgets at social media nakatutok ang mga bata’t kabataan, isa itong magandang development. Maraming mga magulang at guro ang laging naghahanap ng mga child-friendly shows sa telebisyon upang may maging alternatibo naman sa nakagawiang pagtutok sa facebook, youtube, at tiktok, ng mga kabataan. Ito na ang isang tugon diyan – ang pagtunghay sa ‘Makabata Block.’

‘Makabata all’ kasama ng inyong lingkod sina Danie Sedilla-Cruz ng Yey Channel, Sally Lopez (NCCT), at Edric Calma (KCFI)

Ano-ano ba ang aasahan nating mga makabatang palabas sa Makabata Block?


Una, nandiyan ang koleksiyon ng mga award-winning documentary videos na ginawa mismo ng mga kabataan sa ilalim ng taunang paligsahan sa video-making ng NCCT. Taon-taon, isinusulong ng NCCT ang programang ‘Dokyubata’ kung saan ang mga kalahok sa tatlong kategorya ng video-making ay nagsa-submit ng entry batay sa isang ibinigay na paksa ng NCCT. Sa mga nagdaang taon, tumalakay na ang  DokyuBata sa nutrisyon, mental health, kalikasan at climate change, culture at heritage, at iba pa. Ang mga nanalo sa kumpetisyong ito ay itinatampok ngayon sa DokyuBata TV.

Kinakatawan namin ni Rina Lopez ang aming mga ahensiya

“Magugulat kayo sa mga lahok ng mga kabataan sa kanilang ginawang dokumentaryo,” sabi ni Judi Galleta, senior officer sa NCCT at namamahala sa DokyuBata contest. “Iba rin kasi kung paanong tinitingnan ng mga bata’t kabataan ang mga isyu sa ating paligid,” dagdag pa niya. Totoo, ibang-iba ang Gen Z at ang Gen Alpha. They look at today’s issues with fresh eyes, at ‘yun ang malinaw nating makikita sa mga diokumentaryong ito. Mapapanuod ang mga DokyuBata entries mula Lunes hanggang Biyernes ng umaga.

Pangalawa ay ang tinatawag na “NCCT Originals” kung saan itinatampok ang mga shows na nilikha ng mga independent producers sa ilalim ng NCCT Grants Program na kung tawagin ay  National Endowment Fund for Children’s Television (NEFCTV). Noong kalagitnaan ng pandemyang Covid-19, ilang producers ang tumugon sa panawagan ng NCCT na mag-submit ng kanilang konsepto para sa iniisip nilang TV shows. Sila ang nabigyan ng NCCT ng grant upang tuluyan nang mai-produce ito. Mapapanood natin ang mga produksiyong ito ng NCCT fund grantees tuwing Sabado at Linggo (alas-nuwebe pa rin ng umaga).

Sakto sa Buwan ng Wika ang paglulunsad ng Makabata Block (Screenshot mula sa TV Patrol ng ABS-CBN)

Sa ilalim ng NCCT Originals ay mayroon tayong apat na programang mapapanuod. Una rito ay ang Merian’s Oonline World mula sa isang production outfit sa UP Los Banos. Dito ay susundan natin ang buhay ni Meriam habang patuloy niyang dinaraan ang ‘online world.’ May kasama siyang isang adult na gumagabay sa kaniya. Sa dami ng mga ganap at development sa ating online world (na constantly evolving), hindi kakayaning matalakay lahat ito sa naturang programa. Ngunit maganda itong pasimula.

- Advertisement -

Ikalawa ay ang Wellness’kada na ginawa ng Lovelife Project sa pangunguna ni Direk Cris Pablo. Tumalakay ito sa isang grupo ng barkadahan ng mga teenagers habang dinaraanan nila ang Covid at sila’y naka-lockdown. Itinampok dito ang kahalagahan ng physical at mental wellbeing sa mga kabataan. Magandang pati ang age-group na ito ay nahahainan din ng mga programang akma sa edad nila. Tandaan natin na kasama sa depinisyon ng sinasabi nating ‘bata’ ang mga teenagers below 18 years old. Pero halos wala o kakaunti ang TV program na nakalaan para sa kanila.

Ikatlo ay ang Manglalakbay, isang travel show na pinagbibidahan ng stage actor na si Vic Robinson bilang si Mang Bay o Kuya Bay. Kasama niya rito ang dalawang puppets na kasa-kasama niya sa paglalakbay sa mga piling lugar sa Luzon. Umaasa sila na kung mabibigyan silang muli ng NCCT ng panibagong grant ay magawa naman nilang itampok ang ilang scenic places sa Visayas at Mindanao.

Ang NCCT ay binubuo ng mga sumusunod na opisyal: Mga council members (nakaupo mula sa kaliwa): Teacher Sally Lopez (broadcast media sector), Atty Leika San Juan (parents’ sector), Sister Marivic Sta Ana (child-focused NGO sector), Dr. Luis Gatmaitan (child development specialists sector), at Atty Santiago Gabionza Jr (academe sector); Nakatayo ang ilang miyembro ng NCCT secretariat sa pangunguna ni Exec Director Daisy Atienza)  

Pang-apat ay ang Mga Awit ni Pina,  isang animated series na tumalakay sa mga isyu ng environment mula sa muling pagsasalaysay ni Pina, ang batang tauhan sa ‘Ang Alamat ng Pinya.’ Itinampok dito ang ‘Bahay Kubo,’ ‘Sarungbanggi,’ at iba pang awiting-bayan. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Ateneo De Naga University sa Bikol.

Ang isa pang programang kaabang-abang ay mula sa NCCA at sa Office of Senator Loren Legarda – ang ‘Buhay na Buhay’ na isang serye ng walong episodes na nagtatampok sa “eight living cultures” of the Philippines: pagdidiwata, pag-uukir at pag-uuma; pamamanata; pananahan; paglilining; pangangatwiran; pag-aaliw; pamumuna at pagtutol; at pagkabansa. Ang tampok na serye ay bunga ng academic at scholarly work ni Prof. Felipe De Leon Jr, dating NCCA Chairperson.

Ibinahagi ni Senator Legarda na sa panahon ng pandemya, siya at ang kanyang mga katuwang sa DepEd, NCCA, at Knowledge Channel, ay naglabas din ng mga video lessons tungkol sa pagbabasa sa pamamagitan ng proyektong ‘Wikaharian,’ kung saan ay gumamit sila ng mga kuwentong lokal at kultural upang mapayabong ang pagpapahalaga sa mga tradisyong Pilipino.

Nagsimula noong Agosto 5 ang pagpapalabas ng mga makabuluhang TV shows sa Makabata Block ng Knowledge Channel. Araw-araw, tuwing alas nuwebe ng umaga, ay may mapapanood na programang swak sa itinakdang standard ng NCCT. Makasisiguro tayong ito ay educational/informative, value-laden, at age-appropriate (angkop sa edad). Magtatagal ang mga palabas na ito sa Makabata Block hanggang sa Agosto 31.

- Advertisement -

Inaanyayahan ko kayong lahat na bisitahin ang Knowledge at panoorin ang aming alay na palabas sa batang Pilipino. Malay natin, marami pang producers at TV networks ang maengganyong gumawa ng mga child-friendly TV shows.

Narito ulit ang schedule ng airing ng mga child-friendly shows tuwing alas-nuwebe ng umaga sa Knowledge Channel:

Mula Agosto 5 hanggang Agosto 25: mapapanood ang Dokyubata with replays mula Lunes hanggang Biyernes; tapos, ipapalabas din ang NCCT ORIGINALS na “Mga Awit ni Pina” at “Wellness’kada” tuwing Sabado at Linggo.

Mula Agosto 26 hanggang Setyembre 22: mapapanood ang BUHAY NA BUHAY (hosted by Senator Loren Legarda) mula Lunes hanggang Biyernes; at tuwing Sabado at Linggo, matutunghayan naman ang NCCT ORIGINALS na “Meriam’s Online World” at “Mang Lalakbay.”

Ang Knowledge Channel ay mapapanood sa Sky at iba pang cable service, gayon din sa mga direct-to-home satellite services. Nai-stream din ito sa iWantTFC.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -