28.2 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Mga dahilan ng pag-akyat ng YOY inflation sa 4.4% noong Hulyo

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

LUMOBO ba ang mga presyo pagkatapos ng paghaplit ng bagyong Carina? Maantala kaya ang planong pagbalik sa mataas na growth trajectory sa ikatlo o ikaapat na quarter?

Noong Hulyo, tumama ang malakas na bagyo na sumira sa P1 bilyong pananim. Biglang umakyat ang year-on-year (YOY) inflation sa 4.4% noong Hulyo. Ito ang pinakamataas na antas ng YOY inflation ngayong taon.

Dalawa ang dahilan ng pag-akyat na ito.

Una at ang dati nang nagpapa-akyat ng inflation–ang pagkain. Umakyat ang food inflation mula 6.1% noong Mayo, 6.5% noong Hunyo at 6.7% noong Hulyo. Sinimulan ng El Niño noong Mayo at Hunyo ang matinding tagtuyot at itinuloy ng mapanirang hangin at pagbaha ng Typhoon Carina at Habagat. Bumaba ang produksyon ng pananim at palaisdaan ng 3.3% noong ikalawang quarter ng 2024. Ang pinakamalaking pag-akyat ng presyo ay dahil sa bigas na bumagal nang bahagya ngunit hindi natinag sa mataas na 20.9% YOY inflation dahil sa 9.5% na pagbaba ng ani. Sumunod ang vegetables ng 6.1%, mas mababa kaysa 7.2% noong nakaraang buwan ngunit mas mataas pa rin kaysa 2.7% noong Mayo. Bumaba rin ang produksyon ng gulay mula sa range na pinakamababang 1.0% inflation ng patatas sa pinakamataas na 37.4% ng onions. Pumangatlo ang karne na umakyat ng 4.8% dahil sa patuloy na pagragasa ng African swine fever sa mga kanayunan. Nakaranas din ng bahagyang 0.3% na pagbagsak ng livestock output.

Tumaas ang import volume ng bigas ng kumpara sa nakaraang taon. Ngunit patuloy ang pagratsada ng presyo ng bigas sa world market dahil apektado rin ng El Niño ang maraming bansa na nagtatanim at nage-export ng palay. Umakyat ang export price ng Thailand rice 5% brokens sa P34.93/kg noong ikalawang quarter, 23.8% na mas mataas kumpara noong kaparehong quarter noong 2023. Ang average wholesale price sa Pilipinas na P50.43 kada kilo noong ikalawang quarter ay 44.4% na mas mataas kaysa export price ng Thailand.  Ito’ý dahil sa proteksyon na ibinibigay natin sa mga Pilipinong magsasaka at ang shipping costs. May 35% na taripa ang bigas na inaangkat mula sa ibang bansa na binabaan sa 15% noong Hunyo 21.


Naging matatag ang presyo ng tatlong food items sa merkado. Tuloy ang pagbaba ng YOY inflation ng isda at asukal. Bahagyang umakyat sa 1.8% YOY ang presyo ng gatas.

Ang ikalawang sanhi ng pagragasa ng inflation ay ang gastos sa transport dahil sa 4.3% na pag-angat ng pandaigdig na presyo ng Dubai crude oil sa US$83.94 na sinapian ng 6.5% na paglagapak ng halaga ng piso. Pagkatapos mapako ang non-food inflation sa loob ng tatlong buwan, bigla intong nagulantang at lumukso sa 3.1%. Naging magalaw ang presyo ng Dubai crude oil dahil sa patuloy na kaguluhan sa Middle East.

Sinabayan ng month-on-month (MOM)  inflation ang galaw ng YOY inflation.  Umakyat ito sa 0.7% mula sa hindi gumagalaw na lebel noong nakaraang buwan.  Patuloy ang pagbaba ng MOM inflation ng bigas, isda at asukal. Ngunit patuloy na umakyat nang malakihan ang presyo ng  vegetables sa 5.0%, karne sa 1.0% at gatas sa 0.6%.

Sa non-food category naman,  biglang rumatsada ang MOM inflation sa 0.7% dahil sa lakas ng sipa ng 1.4% MOM inflation na naitala ng housing, water, electricity and other fuels at 0.6% ng transport, parehong dahil sa pagsipa ng presyo ng langis. Nanatiling matatag ang clothing at footwear; furnishings, household equipment at routine household maintenance; at health at information and communication na halos di gumagalaw sa pagitan ng 0.0% at 0.2%.

- Advertisement -

Sa hinaharap, inaasahang bababa ang inflation dahil sa pagbaba ng tariff sa bigas at ang bahagyang pagnormalisa ng presyo ng bigas sa Thailand. Ngunit depende ito sa pagbalikwas ng agrikultura mula sa malalaking pagbagsak ng ani sa unang kalahati ng taon. Sa langis naman, pababa pa rin ang Dubai futures price mula $82 kada bariles ngayon sa $74 sa Disyembre 2024. Hihilahing pababa ng presyo ng langis ang paghina ng ekonomiya ng China at ang posibleng hard landing sa recession ng Estados Unidos. Idagdag natin nakapaligid pa ring mga dating kaguluhan sa Middle East at ang patuloy na giyera sa Rusya at Ukraine.

Dahil sa pag-akyat ng YOY inflation sa 4.4% noong Hulyo, maaaring maantala ang pagnormalisa ng interest rates. Ngunit sinabi naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maaaring magkaroon ng off-cycle  na rate cut kung hindi magpapatuloy ang pag-akyat ng inflation. Isang maaaring salik sa desisyon ng BSP ay ang patuloy na pagbaba ng core inflation sa 2.9%, ang pinakamababa nitong antas mula noong Hulyo 2022.

CONSUMER PRICES
    In Percent YEAR-ON-YEAR (YOY) MONTH-ON-MONTH (MOM)
May Jun Jul May Jun Jul
ALL ITEMS 3.9 3.7 4.4 0.1 0.0 0.7
I. FOOD AND NON-ALCOHOLIC BEVERAGES 5.8 6.1 6.0 0.0 0.6 0.7
    Food 6.1 6.5 6.7 -0.1 0.7 0.7
       Rice 23.0 22.5 20.9 -0.2 0.1 -0.3
       Meat 1.6 3.1 4.8 0.5 0.8 1.0
      Fish 0.0 -1.4 -0.8 -1.8 -0.5 -0.2
      Milk 1.4 1.3 1.8 -1.0 -0.2 0.6
     Vegetables 2.7 7.2 6.1 2.1 6.1 5.0
     Sugar -2.8 -3.0 -3.4 -0.1 0.0 -0.3
II. ALCOHOLIC BEVERAGES AND TOBACCO              4.2       3.8       3.4 0.2 0.1 0.0
NON-FOOD 2.6 2.3 3.1 0.2 -0.3 0.7
III. CLOTHING AND FOOTWEAR 0.2 3.2 3.1 0.2 0.1 0.2
IV. HOUSING, WATER, ELECTRICITY, GAS AND OTHER FUELS 0.5 0.1 2.3 0.5 -0.2 1.4
V. FURNISHINGS, HOUSEHOLD EQUIPMENT AND ROUTINE HOUSEHOLD MAINTENANCE 0.2 2.8 2.8 0.2 0.1 0.2
VI. HEALTH 0.2 2.9 2.8 0.2 0.2 0.2
VII. TRANSPORT -0.5 3.1 3.6 -0.5 -0.3 0.6
VIII. INFORMATION AND COMMUNICATION 0.0 0.5 0.5 0.0 0.0 0.0
Source: Philippine Statistics Authority

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -