26 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Bakit ang bilis ng paglaki ng GDP noong ikalawang kwarter ng 2024?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BUONG pagbubunying inihayag ni Secretary Arsenio Balisacan ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong nakaraang linggo ang mabilis na paglaki ng ekonomiya sa ikalawang kwarter ng kasalukuyang taon. Ayon sa kanya, ang 6.3% paglaki ay isa sa pinakamataas sa rehiyon. Dapat ba tayong magbunyi sa balitang ito ng NEDA Director General?

Ang Gross Domestic Product (GDP) o Kabuoang Produksiyong Panloob ay ang halaga ng mga huling demand sa mga produkto at serbisyong  prinodyus sa loob ng bansa. Ang huling demand ay binubuo ng pagkonsumo ng mga pamahayan, gugulin o pagkonsumo ng pamahalaan, pangangapital at netong exports. Ang GDP ay maaari ding tignan bilang pinagsamang kita o karagdagang halagang inambag ng mga pangunahing ekonomikong sector tulad ng agrikultura, industriya at serbisyo sa pagbuo ng mga produkto at serbisyo.

Upang malaman natin kung may batayan sa pagbubunyi sa mabilis na paglaki ng ekonomiya  suriin natin ang iba’t ibang bahagi ng GDP sa pananaw ng mga huling gugulin at sa pananaw ng mga kontribusyon ng mga ekonomikong sector.

Unahin natin ang mga huling demand o gugulin. Ang milyung milyong pamahayan ay nagtala ng kabuoang pagkonsumo na nagkakahalaga ng PHP 3.7 trilyon  noong ikalawang kwarter ng 2024 (Q2 ng 2024) batay sa takdang presyo noong 2018. Ang halagang ito ay 4.6% na mas mataas kung ihahambing sa naitalang pagkonsumo ng pamahayan noong Q2 ng 2023. Kahit may naitalang paglaki ang pagkonsumo ng pamahayan sa Q2 ng 2024, ang halaga nito ay mababa sa naitalang halaga noong Q4 ng 2023 at Q1 ng 2024. Nagbabadya ba ito ng pagtamlay ng ekonomiya o talagang ganito ang lagay ng pagkonsumo ng pamahayan sa ikalawang kwarter ng taon?

Samantala, ang guguling pagkonsumo ng pamahalaan ay naitala sa PHP 930 bilyon noong Q2 ng kasalukuyang taon. Mas malaki ito ng 10.7 % kung ihahambing sa Q2 ng 2023. Ang naitalang halaga ay patuloy na tumataas simula pa noong  Q4 ng 2023. Ang halagang PHP 930 bilyon ay ang pinakamataas na guguling pagkonsumo ng pamahalaan sa isang kwarter simula pa noong Q1 ng 2022. Maipagpapatuloy ang paglaki ng guguling ito kung ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga gugulin sa imfrastruktura at ipa pang guguling panlipunan at ekonomiko.

Ang guguling pangangapital o investment ay naitala sa halagang PHP 1.5 trilyon noong Q2 ng 2024 at nagtala ito ng 11.5% paglaki kung ihahambing sa parehong kwarter noong 2023. Ito rin ang pinakamataas na naitala simula pa noong Q1 ng 2022. Ito ay naghahayag na patuloy na lumalawak ang pangangapital ng mga local at dayuhang negosyante at nagpapabilis sa paglaki ng ekonomiya.

Ang netong eksport ay nagtala ng negatibong PHP 61 bilyon na nagpapahiwatig na mas mataas ang ating inaangkat na naitala sa halagang PHP 2.1 trilyon kaysa ating iniluluwas na naitala sa PHP 1.49 trilyon lamang. Mas mabilis din ang porsiyento ng paglaki ng inaangkat kaysa porsiyento ng paglaki ng ating eksport. Hindi masama ang malaking inaangkat dahil isa sa mga dahilan kung bakit ang pagkonsumo ng pamahayan at pamahalaan at pangangapital ay mabilis na lumalaki ay dahil malaking bahagi ng mga guguling ito ay galing sa mga inaangkat na mga produkto at kagamitan at teknolohiya.

Sa pananaw ng mga ekonomikong sector, mapanglaw ang lagay ng  agrikultura na nagtala ng kita o karagdagang halaga ng PHP 407 bilyon lamang at nagpakita ng negatibong 2.3% paglaki kung ihahambing sa Q2 ng 2023. Ang naitalang ambag ng agrikultura sa Q2 ng 2024 ang pinakamababang halaga at patuloy itong bumababa simula pa noong Q4 ng 2023. Maraming dahilan kung bakit mapanglaw ang lagay ng ating agrikultura kasama na ang tagtuyot at iba pang kalamidad.

Bumabawi tayo sa sector ng industriya at mga serbisyo. Ang industriya ay nakapag-ambag ng PHP 1.67 trilyon sa GDP at ito ay nagtala ng 7.6% na paglaki kung ihahambing sa parehong kwarter ng 2023. Kahit na ang halagang ito ay mas mababa sa Q4 ng 2022 at Q4 ng 2023 nagpapahiwatig ba itong lalagpas pa tayo sa PHP 1.67 trilyon sa Q4 ng 2024? Kung ito ang mangyayari makapag-aambag  ang sector ng industriya sa mas mabilis na paglaki ng ating ekonomiya sa taong ito.

Ang sector ng mga serbisyo ay nagtala ng PHP 3.45 trilyon na ambag na kita sa GDP. Ito ay mas mataas ng 6.7% sa parehong kwarter noong 2023. Ang halagang ito ang pinakamataas na ambag ng serbisyo sa lahat ng mga kwarter simula pa noong 2022 maliban sa Q4 ng 2022. Patuloy itong lumalalaki simula pa noong Q4 ng 2023. Kayat tulad ng industriya, inaasahan natin ang malaking ambag ng mga serbisyo paglaki ng ekonomiya sa mga susunod na kwarter ng taon.

Batay sa ating pagsusuri dapat tayong magbunyi dahil may pag-asang lalagpasan pa ng ating ekonomiya ang 6.3% paglaki ngayong Q2 ng 2004 sa mga susunod na kwarter at sa buong taon. Sana nga.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -