30.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 16, 2024

Gatchalian kinastigo ang pagbili ng mga outdated, overpriced na laptop para sa mga guro

- Advertisement -
- Advertisement -

Dismayado si Senador Win Gatchalian sa pagbili ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) ng mga luma at sinasabing overpriced na mga laptop para sa mga guro. Imbes kasi na makatulong sa mga guro, napagkaitan pa ang mga ito ng mga kinakailangang kagamitan para patuloy na makapagturo sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Sa ulat ng Commission on Audit (COA) sa Department of Education (DepEd) para sa taong 2021 , lumalabas na ang mga entry-level laptop na binili ng PS-DBM ay masyadong mahal, kaya naman nabawasan ang inaasahang bilang ng mga computer at mga gagamit sana nito. Ang budget ng DepEd para sa mga naturang laptop ay halos dalawa’t kalahating (2.4) bilyong piso mula pa sa pondo ng Bayanihan to Recover As One Act (Republic Act No. 11494) o Bayanihan 2.

Puna ng COA, ang presyo kada laptop na nilaan ng DepEd sa Agency Procurement Request (APR) nito ay mahigit tatlumpu’t limang libong piso (P35,046.50) ngunit ang inaprubahan ng PS-DBM na budget o approved budget for the contract (ABC) ay umabot sa mahigit limampu’t walong libo (P58,300) kada laptop. Ayon pa sa COA, hindi nito matukoy ang batayan ng PS-DBM sa halagang nakasaad sa ABC nito (P58,300).

Dahil sa mas mataas na halagang ipinambili ng mga laptop batay sa rekomendasyon ng PS-DBM, nabawasan din ang bilang ng mga laptop na dapat sana ay bibilhin: mula halos pitumpung libo (68,500) ay naging halos apatnapung libo (39,583) na lamang. Dahil dito, mahigit dalawampu’t walong libong (28,917) mga guro ang napagkaitan ng mga laptop.

Ayon pa sa COA, masyadong mahal ang mga laptop computers ngunit masyadong mabagal ang mga ito dahil ang processor ng mga ito ay ang outdated na na Intel Celeron.

“Ang ating mga guro ang lubhang naaapektuhan dahil hindi tiniyak ng PS-DBM ang tamang presyo at kalidad ng mga laptop na kanilang binili para magamit sana ng ating mga guro. Nakakabahalang hindi nagamit nang tama ang pera ng taong bayan para sa ating mga gurong nagsisilbing frontliners sa pagpapatuloy ng edukasyon,” ani Gatchalian.

Matatandaang ipinanawagan noong nakaraang taon ni Gatchalian ang pagbuwag sa PS-DBM. Aniya, nakaugalian na kasi ng mga ahensya na maglipat ng mga pondo sa PS-DBM upang hindi mapuna ang mababa o hindi nila pag-gastos sa nakalaan nilang budget.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -