27.2 C
Manila
Sabado, Pebrero 24, 2024

Pabahay ng mga LGU at DHSUD sa Kabisayaan pinuri ng PCUP

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Sa pagbibigay halaga sa pabahay at kabuhayan para sa mga sektor ng mahihirap sa bansa, partikular ang mga maralitang tagalungsod, pinapurihan ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) chairperson at chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang inisyatibo ng mga local government unit (LGU) sa Iloilo, Negros Occidental at Capiz na paigtingin ang mga socialized housing program na makakatulong sa milyun-milyon nating kababayan na walang tahanan.

Ayon sa mga ulat, ipapatayo sa Iloilo City sa Iloilo, Bacolod City sa Negros Occidental at Roxas City sa Capiz ang maraming mga socialized housing unit para sa mga walang bahay at yaong mga naninirahan sa mga danger zone at nangangailangan ng relokasyon sa tulong ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

“Sa nakalipas na ilang dekada, nananatili ang kakulangan sa pabahay bilang malaking usapin na kailangan ng atensyon mula sa pamahalaan dahil marami sa ating mga kababayan ang walang kakayahang magkaroon ng sariling tahanan. Dito, kailangan natin ng integrated approach sa pagtugon sa problema at bilang bahagi ng pamahalaan, kakailanganing mapaigting ang ating housing efforts,” pinunto ni Jordan.

“Umaasa tayo na ang DHSUD, na nilikha kailan lang sa ilalim ng administrasyong Duterte, ay magbibigay daan para matugunan ang mga isyu ng urbanisasyon at ang hamong ito ay matutugunan ng ating mga LGU,” dagdag nito.

Naging opinyon ng kalihim na kailangang mamuhunan ang gobyerno sa mga bagay na magpapalawig sa sektor ng konstruksyon at pabahay, na may direktang kaugnayan sa paglikha ng trabaho at oportunidad ng kabuhayan.

“For our part in the PCUP, committed kami na ipatupad ang aming mandato na mabigyan ang ating mahihirap na kababayan at maralitang tagalungsod na miyembro ng mga accredited urban poor organization ng access sa kaukulang mga ahensya ng pamahalaan, tulad ng DHSUD, na makakatulong sa paglutas ng kanilang mga problema, kabilang na ang housing at livelihood,” aniya.

Ayon sa DSHUD, layunin nilang matugunan ang kakulangan ng pabahay sa bansa at iba pang mga isyu na may kinalaman sa national shelter program upang mabawasan ang problema ng ating mga kababayang mahihirap.

“May mahalagang bahagi ang DHSUD sa programa ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na lutasin ang kahirapan dahil pinag-isa nito ang mga tungkulin ng dating Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB),” paglilinaw ni Jordan.

Sa kasalukuyan, nangunguna ang DHSUD sa inisyatibo ng administrasyong Marcos na makapagbigay ng pabahay sa mga walang tahanan at masuwerte ang mga lungsod ng Iloilo, Bacolod at Roxas na mapabilang sa unang mga lugar na ipapatupad ang housing program ng pamahalaang nasyonal at handang sumoporta rito ang DHSUD.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -