LUNGSOD NG TOLEDO, Cebu — Pinapurihan ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) chairperson Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang lungsod ng Toledo sa Cebu sa kakaibang pagdiriwang nito ng Urban Poor Solidarity Week (UPSW) sa pamamagitan ng tree planting activity na pinangunahan ni Toledo City mayor Marjorie Perales sa Barangay Canlumampao.
Nagpahayag ng paghanga si Usec. Jordan sa nasabing aktibidad na, ayon sa pangalawang kalihim, ay hindi lamang sumusuporta sa adhikain ng PCUP na makapagbigay ng serbisyo sa maralitang populasyon ng bansa kundi makatulong din sa inisyatibo ng administrasyong Marcos na matugunan ang problema ng climate change.
Tumulong din sa nasabing tree-planting activity ang Carmen Copper Corporation (CCC), na siyang namahagi ng mga seedling, at gayun din ang Federation of Urban Poor Organizations (FUPOs), Toledo City Environment and Natural Resources Office (CENRO), PCUP Visayas, Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cebu Chapter at Philippine Movement for Climate Change (PMCC).
Dinaluhan ang inisyatibo ng mga Urban Poor Federation Officer, kinatawan at opisyal ng 33 accredited urban poor organization (UPO) ng lungsod, bukod sa mga miyembro ng IBP Cebu Chapter.
Bilang bahagi ng aktibidad, isang lecture ukol sa Climate Emergency and Environmental Conservation/Protection ang ibinigay ni environmental lawyer Atty. Aaron Pedrosa ng PMCC bago ang tree-planting.
Sa pagpapasalamat kay Mayor Perales, binigyang diin ni Usec. Jordan ang halaga ng pagkakaisa ng mga stakeholder at mga partner ng PCUP na suportahan ang poverty alleviation program ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Romualdez Marcos Jr. para maging matagumpay ang nation-building ng pamahalaan.