34.5 C
Manila
Sabado, Hunyo 15, 2024

Gatchalian itutuloy ang pag-usisa sa pagpapatupad ng kaukulang batas sa POGO

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means hinggil sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), sinabi ng chairman nito na si Senador Win Gatchalian na uusisain pa ang pagpapatupad ng mga batas sa bansa kabilang ang nararapat na nakokolektang buwis mula sa mga POGO at ang ligalidad ng third-party auditor consortium na Global ComRCI na kinuha ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) para matukoy ang tamang Gross Gaming Revenues ng mga lisensyadong POGO. PAGCOR ang regulator ng mga POGO.

Layon ng third-party auditor na tiyakin ang gross gaming revenues o kabuuang kita ng mga POGO. Ito ang basehan sa 2% na regulatory fee na kinokolekta ng PAGCOR at ang 5% na buwis na kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ayon kay Gatchalian.

Hiniling ng senador sa BIR na i-monitor ang pagbabayad ng buwis ng third party auditor gayundin ng mga POGO at kanilang mga accredited service providers para masabi talaga kung karapat-dapat dapat silang magpatuloy sa kanilang operasyon.

Ayon kay Gatchalian, mayroong consultancy contract ang Global ComRCI at PAGCOR na nagkakahalaga ng P6 billion para magsagawa ng third-party audit sa mga finances ng POGO.

“Mahirap magtiwala sa integridad ng third-party auditor, mga POGO, at accredited service providers kung patuloy silang bigong magpakita ng kredibilidad sa kanilang operasyon,” sabi ni Gatchalian.

Sa mga nakalipas na pagdinig, sinabi ng Chairman ng Senate Ways and Means Committee na maaaring kulang ang deklarasyon ng mga POGO sa ibinabayad nilang buwis tulad halimbawa ng magkaibang gross gaming revenue na kanilang isinumite sa BIR at PAGCOR.

Mas malaki sana ang buwis na nakolekta ng gobyerno kung naging mas tapat ang mga POGO sa kanilang deklarasyon ng gross gaming revenue sa BIR, dagdag niya.

Ibinunyag din ng senador sa kanyang mga nakaraang pagdinig na may tinatayang tax leakage na P9.1 bilyon dahil sa pagkakaiba ng gross gaming revenue na iniulat ng BIR, PAGCOR, at mga POGO mula Enero hanggang Agosto noong nakaraang taon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -