26 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Bakit parang pinagagalitan nila tayo? Ilang gabay sa pagbigkas ng talumpati (speech)

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

PANAHON ngayon ng pagtatapos. Kabi-kabila ang nagaganap na graduation ceremonies sa buong bansa. Bagama’t maulan, patuloy pa ring idinaraos ang milestone na ito sa buhay ng ating mga estudyante. Natapat na kasi sa tag-ulan ang graduation.

At siyempre, sa lahat ng commencement exercises o ano mang pormal na pagtitipon, lagi’t laging may imbitadong tagapagsalita na magbibigay ng mensahe. Ano kayang mensahe ang hatid nito upang lalo pang ma-inspire ang mga makikinig? Ano nga ba ang mga paraan upang mahusay na maipaabot sa mga tagapakinig ang bibigkasing talumpati o speech?

Ang 16 na kalahok sa Sulat-Bigkas ng Talumpati mula sa 16 na rehiyon ng bansa; kasama ang kanilang mga tagapagsanay (coaches)

Sa nakaraang Read-A-Thon exhibition (Filipino division), isang kategorya sa National Festival of Talents (NFOT) na itinataguyod taon-taon ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) upang itanghal ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagpapahayag sa Wikang Filipino, naglaan ang mga organizers ng paligsahan/eksibisyon sa pagsulat ng talumpati at pagbigkas nito. Tinawag nila itong ‘SulKas’ para tukuyin ang ‘Sulat-Bigkas ng Talumpati.’ Bawat rehiyon sa bansa ay nagpadala ng isang natatanging kalahok kasama ang kani-kanilang tagapagsanay. Layon nito na makabuo at makapaglahad ang mga mag-aaral sa Ikasampung Baitang (Grade 10) ng isang maikli at mapanghikayat na talumpati gamit ang mga teknik na nakahihikayat, mga berbal at di-berbal na estratehiya (verbal and non-verbal strategies) sa pagpapahayag, at iba pang mga pamamaraan sa mabisang pananalita.

Kung may creative industries domain na nais itampok ng eksibisyon, ito ay ang ‘performing arts domain’ dahil isang uri rin ng pagtatanghal ang pananalumpati.

Labing-anim na kalahok mula sa 16 na rehiyon ng bansa ang dumayo sa Cagayan De Oro City upang ipamalas ang kanilang galing. Binigyan sila ng isang paksa na noon lamang nila mababasa (on-the-spot topic). Ngayong taong ito, ang paksa ay tungkol sa ‘Paninindigan sa Katotohanan sa Gitna ng Daluyong ng Huwad na Pagbabalita (Fake News).’ Pagkatapos ay binigyan sila ng isang oras upang sulatin ang kanilang maikling talumpati at pagsanayan itong bigkasin.


Ang Technical Working Group (TWG) ng Department of Education sa ginanap na Read-A-Thon (sa Wikang Filipino) sa 2023 National Festival of Talents (NFOT) sa Cagayan De Oro City kasama ang mga hurado na sina Dr. Luis Gatmaitan (ang may akda) at si Glenn Sevilla Mas.

Kasama ko ulit na hurado si Glenn Sevilla Mas, ang dating artistic director at moderator ng Tanghalang Ateneo (ADMU) at isang Palanca award-winning playwright. Eksibisyon ang gagawin nila at hindi paligsahan. Pagkatapos ng lahat ng pagtatanghal ay kadalasang tinatawag kami upang magbigay ng aming feedback sa naganap na aktibidad.

Habang nanunuod at matamang nakikinig sa ginanap na eksibisyon, napansin namin ni Glenn ang ilang estratehiya ng mga kalahok na maituturing nang old-fashioned o makaluma. Heto ang ilang obserbasyon namin:

1. Pahiyaw lagi ang pagbigkas ng mga talumpati

2. Kadalasa’y puro motherhood statements o cliché ang binabanggit ng mga kalahok

- Advertisement -

3. Hindi akma sa edad nila ang mga nais puntuhin ng talumpati

Nang binigyan kami ng pagkakataong magbigay ng feedback, kinuha na namin ni Glenn ang pagkakataon upang ilahad ang sa tingin namin ay magpapalutang sa husay ng kanilang pagbigkas ng talumpati batay sa speech na isinulat nila. Nakatulong din na pinamahalaan ni Glenn ang Tanghalang Ateneo na nagsasanay sa mga kabataang estudyante sa sining ng pagtatanghal sa entablado.

“Bakit parang pinapagalitan nila tayo?” Gayon ang tanong sa akin ni Glenn habang nakikinig. Nakasanayan na yata natin na laging pahiyaw ang pagsasalita kapag may nagbibigay ng talumpati. Hindi naiba ang karamihan sa mga kalahok. Pagpasok pa lamang ng tanghalan ay waring nasa high point na agad sila. Mula sa unang bahagi ng talumpati, at hanggang dulo, ay malakas (na halos pahiyaw) na ang boses nila. Hindi na tuloy namin malaman kung anong bahagi ng speech ang pinakatampok sa lahat. Hindi malinaw na na-emphasize kung ano ang highlight nito. Ito ang nagiging problema kapag halos pahiyaw ang kabuuan ng talumpati. Isa pa, may tendency ang audience na mag-shut off sa sinasabi ng mananalumpati. Nawawalan ng saysay ang magandang nilalaman ng sinulat na talumpati. Mas convincing kung natural lamang ang daloy ng pananalita na maaari namang lakasan kapag nasa matinding punto na ng talumpati.

Dalawang kalahok sa kategoryang Sulat-Bigkas ng Talumpati

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan!” Ito pa rin ang paboritong linyang binabanggit ng mga estudyanteng mananalumpati. Bagama’t maganda ang mensahe nito, gasgas nang maituturing ang naturang linya mula kay Dr. Jose Rizal. Hinimok namin ang mga kalahok na humanap din ng mga quotes/quotation mula sa mga great thinkers, di lamang sa ating bansa kundi pati sa mga karatig-bansa o mga world personalities. Puwede rin namang ang linya ay may pagka-personal. Halimbawa’y mga linyang hiniram mula sa kanilang lolo’t lola, tatay o nanay, o di kaya’y mula sa isang kaibigan o guro. Mas pakikinggan ito ng audience.

Pinayuhan din namin sila na iwasan ang iba pang linyang maituturing nang gasgas (kasi’y paulit-ulit nang binibigkas). Cliché ang tawag natin sa mga linyang gasgas na. Isa pa, pinayuhan namin silang iwasan ang mga general statements o motherhood statements. Kung masyadong pangkalahatan ang mga linya, nawawala ang pagka-personal ng talumpati. Tandaan natin: what is most personal is most universal.

- Advertisement -

Huwag sanang mawala ang personal touch ng manunulat habang sinusulat niya ang talumpati. Mas magku-connect ito sa audience kung magbibigay ng personal na halimbawa ang nagsasalita. Halimbawa, kung tungkol sa ‘fake news’ ang paksa, paano ba naranasan ng kalahok ang mismong mabiktima ng fake news sa kanilang komunidad o eskuwelahan? Noong nasa kalagitnaan tayo ng pandemyang Covid-19, at namamahagi ng mga ayuda ang mga barangay captains, nabiktima ba tayo ng fake news? Gaya halimbawa ng napabalitang mamimigay daw ng isang kabang bigas kada pamilya si Kapitan pero ang totoo’y tatlong kilo lang pala! Kung personal na naranasan ito ng nagsasalita, mas kapani-paniwala ang dating ng kaniyang speech.

“Kung sa ganitong mas personal na paraan sisimulan ang talumpati, mas nakaeengganyong makinig sa talumpati,” yun ang paalala ni Sir Glenn. Dito na rin papasok ang pagiging akma ng piyesa sa edad ng kabataang manunulat (age-appropriate speech). Mas nakahihikayat ang talumpati kung alam mong malapit ito sa karanasan ng mananalumpati.

Pinayuhan ko rin ang mga tagapagsanay (coaches) at mga kalahok na matamang pagmasdan ang mga lider ng ating bayan o ang mga kababayang nagbibigay ng mahuhusay na talumpati, personal man nilang napakinggan o kaya’y napanood sa telebisyon, at subukang suriin kung bakit sa tingin nila ay naging epektibo o di-epektibo ang naturang speech, sa nilalaman (content) man o sa paraan ng pagpapahayag nito sa tagapakinig.

Malaki ang ginagampanang papel ng mga tagapagsanay sa pagpapahusay ng ating mga kabataan sa kasanayan sa pananalumpati. Kung ano kasi ang sabihin nila, ito ang susundin ng mga kabataang kalahok. Mabuti na lamang at nakita kong matamang nakikinig ang mga dumalong tagapagsanay (at mga kalahok) sa naganap na eksibisyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -