24.7 C
Manila
Sabado, Marso 2, 2024

Gatchalian nabahala sa mga posisyong hindi napupunan, mababang suweldo sa BIR at BoC

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Senador Win Gatchalian sa mga posisyong hindi napupunan at mababang suweldo sa mga tax-collecting agencies sa bansa.

Senador Win Gatchalian nababahala sa mga posisyong hindi napupunan at mababang suweldo sa mga tax-collecting agencies sa bansa. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Ayon kay Gatchalian, may kabuuang 11,745 na posisyong hindi napunan noong 2022 sa  Department of Finance (DoF). Sa bilang na ito, may 7,724 na posisyonng hindi napunan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) habang may 2,761 naman sa Bureau of Customs (BoC).

“Malaking bilang ito lalo na’t ang BoC at BIR ay mga ahensyang nangungulekta ng buwis. Kung mas maraming tao, mas magiging maayos ang pangungulekta ng buwis,” ani Gatchalian, sa budget hearing ng DoF at mga ahensyang nasa ilalim nito.

“Ayaw natin ng sitwasyon na ang mga ahensyang nangongolekta ng buwis, na kabilang sa mga pinakamahahalagang ahensya ng gobyerno, ay naiiwan. Isa pang hindi magandang kahihinatnan nito ay ang tukso ng katiwalian kung ang mga professionals sa hanay ng mga abogado o mga accountant ay tumatanggap ng mababang suweldo. Panahon na para matugunan ang problema,” dagdag niya.

Hinimok ng mambabatas ang dalawang ahensya na magsumite ng kanilang mga mungkahi kung aling mga posisyon ang dapat i-reclassify upang mabigyan ng mas kaakit-akit na pasuweldo.

Inamin nina BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. at BoC Deputy Commissioner Michael Fermin na nahihirapan ang dalawang ahensya sa pagkuha ng mga tauhan tulad ng mga abogado at accountant dahil mas mataas ang alok na sweldo sa ibang mga ahensya.

“Ang aming pangunahing problema sa pag-recruit ng mga tauhan ay dahil sa mas mababang suweldo na inaalok ng BIR kumpara sa ibang mga ahensya ng gobyerno,” sabi ni Lumagui, na tinukoy na ang entry-level na suweldo para sa isang accountant ay P27,000 at ang entry-level na suweldo para sa isang ang abogado ay P46,725 kumpara sa P51,000 entry level sa Civil Service Commission.

Upang mapunan ang mga bakanteng posisyon, ang BIR ay nagpatibay ng mas madaling proseso kung anong regional office ang maaari nang kumuha ng sarili nilang mga empleyado at ang pag-apruba ng commissioner ay hindi na kailangan.

Pero binigyang-diin pa rin ni Gatchalian na ang dalawang ahensya ay hindi magkakaroon ng pagkakataon na kumuha ng pinakamahuhusay na empleyado kung ang kanilang pasuweldo ay hindi man lang pantay o competitive kung ikukumpara sa ibang ahensya ng gobyerno.

“Ang pangunahing konsiderasyon ay ang pasuweldo. Gaano man natin pagbutihin ang proseso, kung mababa ang pangunahing atraksyon o suweldo, magiging napakahirap para sa mga ahensya ng gobyerno na makaakit ng tao. Ang pinag-uusapan natin dito ay mga enforcement group at kailangan nating magkaroon ng tinatawag na industry-level packages para maiwasan ang tukso ng korupsiyon, makaakit ng pinakamahusay na mga talento, at mapabuti ang kredibilidad at integridad sa loob ng ahensya,” giit niya.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -