OPISYAL nang iginawad sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang 2023 Seal of Good Local Governance (SGLG) sa isang Awarding Ceremony na ginanap noong Disyembre 13, 2023.
Tinanggap ng delegasyon sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto ang prestihiyosong award na ito na may temang Pagkilala sa Katapatan at Kahusayan ng Pamahalaang Lokal mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Para sa assessment ng mga lokal na pamahalaan ngayong taon, ginamit pa rin ang “All-in” approach, kung saan para mgawaran ng SGLG ang isang LGU, kinakailangang makapasa ito sa 10 governance areas: Financial Administration and Sustainability; Disaster Preparedness; Social Protection and Sensitivity; Health Compliance and Responsiveness; Sustainable Education; Business Friendliness and Competitiveness; Safety, Peace, and Order; Environmental Management; Tourism, Heritage Development, Culture and Arts; and Youth Development.
Isa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa 11 LGUs sa Metro Manila at 493 LGUs sa buong bansa na nakasungkit ng SGLG ngayong 2023. Simula noong unang paglabas ng award na ito noong 2010 (ang naunang pangalan ay Seal of Good Housekeeping), ay nagkaroon pa ng mga pagbabago rito at naging pahirap nang pahirap ang naging assessment.
Ang pagkilala na ito ay patunay na nagbubunga ang foundational reforms na ipinatupad ng kasalukuyang administrasyon. Katulad ng karaniwang sinabi ni Mayor Vico Sotto tungkol sa mga parangal, ang mga ito ay nagsisilbing inspirasyon para patuloy pang pagbutihin ang mga serbisyo at proseso ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig – para patuloy na umagos ang pag-asa sa Pasig.