30.2 C
Manila
Sabado, Hulyo 27, 2024

Ano ang kahihinatnan ng pagdausdos ng piso at mataas na interest rates sa panlabas na utang ng Pilipinas?

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pangungutang ay isang paraan para mapabilis ang paglago ng ekonomiya. Kung maganda ang proyektong pinaggamitan ng mga utang na ito, maisusulong ang pag-unlad na sana ay sa susunod pa na mga taon darating. Ngunit kailangang imaneho ang pangungutang para hindi maperwhisyo ang bayan pag may sakuna o pagbagsak ng ekonomiya na darating.

Ang 2023 ay sumalubong sa bumulusok na exports of goods, nagtataasang interest rates at malikot na exchange rates habang binabaka ng mga bansa ang pagtaas ng inflation.  Ang mga pangyayaring ito ay puedeng maging mitsa ng balance of payment (BOP) crisis gaya ng nangyari noong tequila crisis (1983-84) at Asian crisis (1997-98). Kasi, pag bumaba ang exchange earnings gaya ng nangyayari ngayon sa buong mundo, maaaring magipit ang bansa sa kailangang foreign exchange na pambayad ng utang. Ganoon din pag tumaas ang interest rates. Baka magkulang ang foreign exchange receipts na pambayad sa utang. Ang nangyari sa Sri Lanka na naubusan ng foreign exchange reserves noong nakaraang taon ay isang masaklap na halimbawa.

Maraming salik na nakatutulong sa bansa sa panahon ng kagipitan. Ang una ay ang mga remittances ng mga OFWs na bumabalik na sa kanilang mga trabaho sa labas ng bansa pagkatapos ng pandemya.  Napakatatag ng foreign exchange earnings mula sa mga OFW remittances. Maski noong panahon ng global financial crisis (2008), di natinag ang pagtaas ng OFW remittances. Noong Covid-19 crisis, bumaba lang ito nang bahagya (mas mababa sa 1 porsiyento ang pagbaba) maski maraming OFWs ang bumalik sa bansa at nawalan ng trabaho.  Ang isang dahilan ay ang mga serbisyong ibinibigay ng OFWs ay tinatawag na socially necessary maski may krisis sa mundo. Ang pagsisilbi ng mga nars, doctor, guro at mangagawa ay hindi puedeng isantabi maski masungit ang panahon.

Ikalawa ay ang mga investor na Pilipino na nagsimula nang kumikita na sa kanilang pamumuhunan sa ibang bansa. Tumataas na ito — mula  $11.8 bilyon noong 2005, umabot na ito sa $32.2 bilyon noong 2022.

Dahil sa mga ito, bumibilis ang paglago ng Gross National Income (GNI) na kung saan kasama ang income ng mga Pilipino na nanggagaling sa labas ng bansa. Noong unang tatlong quarter ng 2023, umarangkada ang real GNI ng bansa sa 10.2 porsiyento, ang pinakamataas na GNI growth na na-attain ng bansa.

Dahil sa malagong GNI, bumababa ang ratio ng external debt sa GNI. Maski tumaas ang external debt nang 9.5 porsiyento noong 2023, bumaba ang ratio ng utang sa GNI sa 25.5 porsiyento, mas mababa kaysa 26 porsiyento noong nakaraang taon. (Table 1)

Tumaas ang average interest rate ng mga utang ng National Government (NG) sa 5.34 porsiyento mula Enero hanggang Oktubre 2023 kumpara sa 3.97 porsiyento noong nakaraang taon.  At tumaas din ang ratio ng interest expense sa revenues at expenditures sa 18.3 porsiyento at 13.6 porsiyento, ayon sa pagkakasunod, mula sa 14.2 porsiyento at 9.7 porsiyento, ayon sa pagkakasunod. Ngunit mababa ang mga ratios na ito kumpara sa 24.4 porsiyento at 19.7 porsieynto, noong 2019, ang huling normal na taon bago ang  pandemya. Ang ibig sabihin nito ay hindi masyadong malakas ang impact sa ekonomiya ang dagok  ng external crisis.

Ang dahilan nito ay una, mahaba ang average maturity ng mga Treasuries at mayroong interest rates na naka-fix noong araw na sila’y naisyu.  Nangungutang din tayo sa mga multilateral financial institutions gaya ng ADB at World Bank na mas mahaba ang maturity at mas mababa ang interest rates kaysa pandaigdig na merkado. Ang ikalawa ay ang magandang alokasyon ng badyet.  Malaki ang ponding galing sa utang ang ginamit para sa imprastruktura o capital outlays na siya ring nagpapalago sa pamumuhunan ng pribadong sektor. Napakataas kasi ang economic rate of return ng imprastruktura at capital outlays. Mula 1990 hanggang 2022, average rate of return ng capital outlays ng National Government ay 39 porsiyento kada taon, sadyang napakataas kumpara sa 3 porsiyento na average na interest rate ng mga utang ng gobyerno noong panahon na iyan.

Ang ikatlong dahilan, kapag may sakuna o economic recession, kailangang umutang ng dagdag na kapital para makausad palabas mula rito. Noong panahon ng pademya, umutang ang bansa ng P3 trilyon para maibsan ang epekto ng pandemya. Nagbigay ang pamahalaan ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho at bumili ng bakuna para panlaban sa nakamamatay na sakit. Kailangan lang pag umutang para sa consumption (at higit sa kailangan ng imprastruktura), kailangang magtipid sa mga sumusunod na taon. Kailangan ng tinatawag na fiscal consolidation o panahon para bawasan ang gastusin para mapababa ang lebel ng utang. Dapat mabigyan ng panahon ang ekonomiya na lumago at palakasin ang capacity to pay o kapasidad para magbayad ng utang.

Para hindi mahulog sa debt trap o patibong ng pangungutang, kailangan ng mahusay na pangangasiwa sa mga proyekto at ang masinsin na pagmonitor o pagsubaybay sa mga bayarin sa hinaharap. Nakapag-develop na ang mga bansa sa Asean ng debt ratios na kung saan, malalaman kung sumosobra na ang pangungutang at mahihirapan na ang bansang magbayad nito. Dahil sa kahirapang naranasan ng mga bansa noong tinatawag na Asian financial crisis noong 1997-1998, nagtayo ang Asean ng mekanismo na siyang susubaybay sa mga debt ratios na ito para para di na maulit ang mga krisis pang-ekonomiya na dinaanan ng Asean. Itinayo ang Asean Macroeoconomic Research Office (AMRO) na sumusubaybay sa mga economic indicators ng mga miembro ng Asean. Sa buong daigdig, nagtayo ang mga multilateral agencies na gaya ng World Bank, International Monetary Fund (IMF) , at Asian Development Bank (ADB) ng research offices para masubaybayan ang pag-implementa ng kanilang lending programs. Nagtayo rin ng pribadong sektor ng mga international credit rating agencies gaya ng Standard & Poors, Moody’s at Fitch Ratings na tinaguriang Big 3 kasi sila ang mga pinakamalaking credit rating agencies. Ang mga nakakariwasang  bansa na may bilateral lending programs ay nagtayo rin ng mga credit rating offices na gaya ng Japan Credit Rating Agency (JCRA) at Rating & Investment Information (R&I),  RAM Rating Services ng Malaysia, at NICE ng South Korea. Ang mga bansa at korporasyon ay binibigyan nila ng credit rating na siyang gabay ng mga investors sa pagpapautang. Ang pinakamataas na rating ay AAA o Aaa at ang pinakamababa ay D sa S&P at Fitch at C sa Moody’s na ang ibig sabihin ay mahinang creditworthiness

Ang pinakamataas na rating ng  Pilipinas sa tinaguriang Big 3 ay BBB+ na ibinigay ng Standard & Poors; ito ay one level na mas mababa kaysa minimum A rating. Ang A, AA at AAA rating ay ibinibigay lamang sa mga developed na bansa at mangilan-ngilang emerging economies na may mataas na per capita GDP.  Nasa baba ang rating natin sa Moody’s na BAA2 at n Fitch na nagbigay sa atin ng rating na BBB na ang ibig sabihin ay good creditworthiness. Ang mga rating na ito ay investment grade  lahat na ang ibig sabihin ay pinapayagang mag-invest ang mga pension funds ng mga bansang ito sa mga bonds at stocks na na-isyu ng ating gobyerno at mga korporasyon. Noong 2020, binigyan ng JCRA ang rating ng Pilipinas na A- at ang sabi ay matatag ang ekonomiya sa gitna ng pandemya.

Noong pandemya na kung saan bumaba an gating GDP growth sa -9.7 porsieynto at lumobo ang depisit ng National Government (NG) sa average na -7.8 porsiyento ng GDP sa tatlong magkasunod na taon mula 2020 hanggang 2022, at ang utang ay lumobo rin sa 62.5 porsieynto , hindi nagbago ang credit rating ng bansa. Natapyasan lang ang outlook ng rating sa negative ng Fitch na binawi nila noong 2023 (naging stable) pero nanatili ang rating sa investment grade.

Ang dahilan ng magandang rating ng Pilipinas ay ang external debt-GDP ratio ay tumaas lang nang bahagya, mula 20.2% ng Gross National Income (o Gross Domestic Product plus Net factor Income from Abroad) noong 2019 sa 26.1% noong 2021 na kasagsagan ng pandemya. Ito ay bumaba nang bahagya sa 26.0% noong 2022 at sa seasonally adjusted level na 25.5% . Ngunit ito ay sadyang mababa pa rin kung ikumpara sa 50.7 porsiyento noong 2000. (Table 1)

Noong kasagsagan ng pandemya, tumaas din ang ratio ng external debt sa Exports of Goods & Services, Primary Income and Secondary Income na kung saan kasama ang US$31 bilyon na kita ng OFWs at US$13 bilyon na kita ng mga Filipino investments sa labas ng bansa. Mula 61.1 porsiyento noong 2019, ito ay umakyat sa 82.2 porsiyento noong 2020, pero mabilis itong bumaba sa 77.7 porsieynto noong 2022 at 70.5 porsiyento noong Hunyo 2023. Kumpara sa 107.0 porsiyento noong 2000 at 92.9 porsieynto noong 2010, mas magaan pa rin ang ang debt ratio sa 2023.

Pag ikumpara ang debt-GNI ratios ng mga bansa mula 2020 hanggang 2023, mas mababa ang ratio ng Pilipinas kumpara sa mga kapitbansa sa Asia. Umakyat ang ratio ng Pilipinas nang bahagya, mula  25.3 porsiyento noong 2020 sa 26.4 porsieynto noong Hunyo 2023. Ngunit pang-apat na pinakamababa ang ratio ng Pilipinas kumpara sa siyam na Asian countries.

Table 1. EXTERNAL DEBT
2000 2010 2019 2020 2021 2022 2023
June
External debt outstanding, US$ Billion 52.06 73.594 83.618 98.49 106.428 111.268 117.92
% of Gross National Income 50.7% 27.3% 20.2% 25.3% 26.1% 26.0% 25.5%*
% of Exports of Goods & Services, Primary Income & Secondary Income 107.0% 92.9% 61.1% 82.2% 81.8% 77.7% 71.4%
Sources: Bangko Sentral ng Pilipinas & Philippine Statistics Authority
 

*/ Seasonally adjusted

 

Table 2. EXTERNAL DEBT-GROSS NATIONAL INCOME (GNI) RATIOS 2020 2021 2022 2023 As of
Philippines 25.3% 26.1% 26.1% 26.4% Jun
Indonesia 40.5% 36.1% 31.5% 31.4% Jun
Malaysia 68.7% 67.8% 64.9% 58.2% Jun
Thailand 42.0% 43.2% 38.6% 37.2% Jun
China 16.0% 14.1% 13.5% 13.7% Mar
South Korea 31.8% 33.7% 35.8% 35.8% Jun
Taiwan 27.3% 27.5% 26.5% 24.7% Mar
India 21.5% 19.6% 18.2% 18.7% Jun
Vietnam 38.2% 39.3% 36.8% 36.0% Mar
AVERAGE 34.6% 34.2% 32.4% 31.3%
Source: World Bank  & Bangko Sentral ng Pilipinas

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -