31.8 C
Manila
Linggo, Marso 3, 2024

Caravan for a cause nakalikom ng P3.4M para sa mga kidney patient sa Mt. Province

- Advertisement -
- Advertisement -

MULING ipinamalas ng mga residente ng Mountain Province ang kapangyarihan ng pagkakaisa sa komunidad at pinagsama-samang pagkilos para maging matagumpay ang ika-walonbg Kataguan Drive for Life.

Pinamunuan ng Maximo Dalog Foundation Inc. (MDFI), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor, pribadong grupo at mga indibidwal, ang nasabing caravan for a cause na ginanap noong Disyembre 10, 2023. Ito ay nakalikom ng kabuuang P3.424 milyon na ang makikinabang ay ang 205 miyembro ng Kataguan Dialysis Patients’ Organization Inc. (KDPOI).

Nagpahayag ng pasasalamat si Congressman Maximo Dalog, Jr. sa lahat ng lumahok, tumulong at mga sponsor sa ginanap na pagtatapos ng nasabing caravan at turnover ceremony na isinagawa sa Payag-eo, Suyo, Sagada.

Ibinahagi ni Dalog na ang caravan ay naglalayon na tumulong sa gastusin sa pagpapagamot at iba pang pangangailangang pinansyal ng mga benepisyaryo. Nilalayon din nitong itaas ang kamalayan sa Chronic Kidney Disease (CKD), at kung paano ito maiiwasan.

“Ginagawa namin itong Kataguan Drive for Life para sa mga pasyente ng dialysis para maibsan ang pasanin ng mga miyembro ng Kataguan Dialysis Patients’ Organization Inc., dahil napakalaki talaga ng mga gastusin at nakakaubos ito ng ipon,” ani Dalog.

Rosario Sagmayao,  pangulo ng KDPOI at isa sa mga benepisyaryo, ay nagpapasalamat sa lahat ng suporta at tlong na kanilang natanggap mula sa mga lumahok.

Ang Kataguan Drive for Life, na nasa ikawalong taon sa kasalukuyan, ay patuloy na nagtataguyod ng diwa ng empatiya at suporta, at nagbibigay ng pag-asa para sa mga pasyente.

Itinampok ng caravan ang drive caravan, pagbibisikleta, paglalakad at pagtakbo kung saan bumili ng tiket ang mga kasali. Nagkaroon din ng ehersisyo ng taebo, oryentasyon sa mga sakit sa bato, at pagtatanim ng puno.

Nagsimula ang bike caravan ng akas-4 ng madaling araw, na sinundan ng drive caravan pagsapit ng ala-7 ng umaga sa Eyeb Grounds sa Bontoc, at tumuloy sa Bagnen, Bauko, at nagtapos sa Blue Soil drop-off point sa Sagada para sa programa at turnover. Nakatanggap rin ang mga benepisyaryo ng hygiene kits mula sa Unilever Philippines.

Ang Kataguan Drive for Life ay pinasimulan ng yumaong Cong. Maximo Dalog, Sr. noong 2015 upang matulungan ang mga pasyente ng kidney mula sa Mountain Province na sumasailalim sa hemodialysis sa kanilang medikal na paggamot. (PIA Mountain Province)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -