28.6 C
Manila
Sabado, Abril 20, 2024

Ingat tayo sa mga pakay ng Amerika sa Pilipinas

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA biglang tingin, parang walang kinalaman sa Amerika ang kasalukuyang debate tungkol sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP), ang may prangkisa sa operasyon, pagsasaayos at pagpapaunlad ng pambansang grid o network na nagdadala ng elektrisidad mula sa mga planta ng koryente tungo sa mga lungsod at bayan-bayan.

Inihahatid ng NGCP ang koryente ng mga kompanyang distribusyon gaya ng Meralco, na siyang nagseserbisyo sa mga tahanan, gusali, pabrika at imprastraktura.

Tinutuligsa ngayon ang NGCP dahil sa apat na araw na tigil-koryente sa islang Panay nitong Enero. Umaangal ang mga mambabatas, ahensiya ng pamahalaan at maging ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. May mga senador na ibig alisin ang prangkisa.

Sa kabilang dako, nilinaw ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na hindi dapat sisihin ang NGCP lamang para sa pagkawala ng koryente, dahil may kinalaman din sa kasapatan ng elektrisidad ang mga planta ng koryente at mga kompanyang distribusyon.

Banta sa seguridad?


Paano naman nasangkot ang Amerika sa NGCP?

Mangyari, kompanya ng gobyerno ng China ang may-ari ng 40 porsiyento ng NGCP. Sa gayon, may di-gasinong impluwensiya ito sa palakad, kapasidad at maging sa sistema ng komunikasyong nagpapatakbo ng network ng elektrisidad sa buong bansa.

At dahil gagamitin ng Estados Unidos ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP), di-kataka-taka kung mag-alala ang pamunuang militar ng US na baka maunsiyami ang elektrisidad sa mga kampo kung magkagiyera sa China.

Pihadong mas mamabutihin ng Amerika kung bilhin ng gobyerno ang 40 porsiyento ng NGCP na hawak ng State Grid Corp. of China. At lalong mainam kung papasok dito ang malalaking kompanya ng elektrisidad sa US at mga kaalyadong bansa.

- Advertisement -

Bukod sa kompanyang Chinese, baka may babala rin itong kontrobersiya sa pamilyang Sy ng grupong SM, ang may-ari ng 60 porsiyento ng NGCP kasama ni negosyante Robert Coyuito Jr.

Kamakailan, sinabi ni Teresita Sy-Coson ng naturang bilyonaryong pamilya na nakapag-aalala sa mangangalakal ang giriang dagat natin sa China. Dapat isulong ang mapayapang pagresolba ng mga suliranina, aniya.

Subalit iba ang ibig ng Amerika: nagpapatrolya ang mga barko at eroplanong pandigma ng US kasama ng AFP sa karagatang inaangkin natin at ng China, Vietnam at iba pang bansa.

Noon pang Mayo, sinabi na ni Sen. Raffy Tulfo sa Pangulong Marcos ang posibleng panganib sa seguridad ng bansa dahil sa pag-aaring China sa NGCP: “Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa pagkansela ng prangkisa kung makitaan ng paglabag sa tuntunin.”

Subalit naghunos-dili si Marcos: “Dapat may mabuting dahilan kung babawiin ang prangkisa. Kung alisin natin ang prangkisa at lahat ng tao roon, saan tayo hahanap ng kapalit? … Magkakaroon tayo ng puwang dahil mawawala ang karanasan sa pamamalakad.”

Agenda ng Amerika

- Advertisement -

Hindi lamang NGCP ang tanda ng agenda o plano ng Amerika sa ating bansa, lalo na patungkol sa paggamit ng mga paliparan at daungan ng Sandatahang Lakas.

Noong Pebrero, inudyukan ng US ang Pangulong Marcos na bumalikwas sa patakaran ng walang pagkiling sa Amerika at China, ang bukang-bibig niya noon pang kampanya sa halalan ng 2022 hanggang Enero ng nakaraang taon.

Alingasngas noon sa negosyo na pumayag si Marcos gamitin ng US ang siyam na baseng AFP dahil may impormasyon ito sa yamang Marcos sa mundo (“Bakit bumalikwas ang Pangulo sa US at China?” http://tinyurl.com/pf2nkxhj).

Sunod sa agenda ang pagsilensiyo sa pamunuan at pahayagan ng bansa tungkol sa malaking panganib mula sa mga baseng ipagagamit sa Amerika.

Maging mga heneral, eksperto at media sa US nagsasabing aatakihin ng China ang mga paliparang gamit ng Amerika kung magkadigma. Ngunit tameme halos lahat ng opisyal, mambabatas at mamamayahag natin. Sa halip, sinabi pa ng dating hepe ng AFP Hen. Carlito Galvez Jr. walang dapat ipangamba.

Dahil sa pananahimik na ito, binalewala ng media ang babala ng dating pangulong Rodrigo Duterte noong Marso tungkol sa mga base. Sinabi niya kay Pastor Apollo Quiboloy na “pauulanan tayo ng missile,” pero dedma pa rin ang dyaryo, radyo at TV.

Tapos, noong Mayo kumilos kontra Bise-Presidente o VP Sara Duterte. Inalis bilang senior deputy speaker ng Kamara de Representantes ang pangunahin niyang tagasuporta at tagapayo, ang dating pangulong Gloria Arroyo. At inatake si VP Sara sa mga pondong pang-intelihensiya ng mga ahensiya niya.

Ayaw ng US maging pangulo ang isa pang Duterte, lalo pa matapos magbabala ang ama ni Sara sa mga base. Binabatikos ngayon ang VP habang ibinibida ang maaaring makalaban niya sa halalan ng 2028: ang pinsan ni Marcos at Tagapangusap o Speaker ng Kamara Ferdinand Martin Romualdez.

Sa taong ito, agenda ng Amerikang mapahaba ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ang kasunduang nagpapagamit ng ating mga base militar sa US. Kung walang EDCA renewal, paso ito sa Abril.

Para matakot tayo sa China at pumayag sa EDCA at dagdag pang kampo para sa Amerika, mas titindi ang girian sa dagat. Lahat ng ito at iba pang ligalig sa hangad gawing sandata ng US ang Pilipinas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -