28.6 C
Manila
Sabado, Abril 20, 2024

Gatchalian: Libreng assessment, certification ng senior high school-TVL graduates tuloy sa 2024 

- Advertisement -
- Advertisement -

TULOY na tuloy na sa 2024 ang libreng assessment at national certification ng mga mag-aaral sa Grade 12 na kumukuha ng Technical-Vocational and Livelihood (TVL) track.

Ang libreng assessment para sa national certification ng Grade 12 learners na kumukuha ng Technical-Vocational and Livelihood (TVL) track ay sinugurado sa illalim ng nilagdaang 2024 national budget, sabi ni Senador Win Gatchalian. Kuha ni  Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Ito ang tiniyak ni Senador Win Gatchalian kasunod ng paglagda sa 2024 General Appropriations Act, kung saan inilaan ang P438.16 milyon para sa assessment ng 420,967 na mag-aaral sa Grade 12 sa ilalim ng TVL track. Makakatanggap ang mga pumasa sa assessment ng national certification na makakatulong para sa paghahanap ng magandang trabaho.

Naglaan naman ng P50.012 milyon para sa pagpapalawig ng pool of assessors ng Technical Education and Skills Development Authority. (Tesda). May karagdagang 11,000 na mga assessor ang saklaw ng naturang halaga upang matriple ang assessment capacity ng Tesda sa 19,000 sa pagtatapos ng 2024 mula 7,551.

“Sa susunod na taon, matitiyak na nating mas mataas ang tsansang makakakuha ng magandang trabaho ang ating mga senior high school graduates na nasa ilalim ng TVL track. Ito’y dahil popondohan na ng ating pamahalaan ang kanilang assessment at certification. Titiyakin pa rin nating magagamit nang mabuti ang pondong ito lalo na’t ang ating mga mag-aaral sa senior high school ang makikinabang dito,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Lumabas sa pagdinig ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) na wala pang 30 porsiyento ng mga senior high school graduates ang nakatanggap ng certification. Hindi kasi pinopondohan ng pamahalaan ang assessment at certification ng mga mag-aaral na ito na karamihan ay walang kakayahang magbayad ng assessment.

 

Lumabas din sa pagsusuri ng tanggapan ni Gatchalian na 50 porsiyento ng mga senior high school graduates na kumuha ng TVL track ang may trabahong tinatawag na elementary occupations o ang pinakamababang kategorya ng trabaho batay sa skills requirement. Kabilang dito ang mga street vendors, cleaners, domestic helpers, car and window washers, at street sweepers.

Upang maipatupad ang programa sa certification, bubuo ang Department of Education (DepEd) at Tesda ng mga pamantayan para sa pagpapatupad ng naturang programa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -