PINAGHAHANDA ng pamahalaan ang lahat sa inaasahang pagtindi pa ng nararanasang El Niño sa bansa kung saan magkakaroon ng matinding tagtuyot at ang temperatura sa darating na tag-araw ay mas mainit kaysa sa normal.
Ayon sa pahayag ng kalihim ng Department of Science and Technology (DoST) na si Renato Solidum, naghanda ang pamahalaan ng National Action Plan (NAP) kung saan nakaplano ang mga kinakailangang gawin upang matiyak ang supply ng tubig, pagkain, enerhiya at kaligtasan ng publiko sa gitna ng kinakaharap ng naturang weather phenomenon.
Aniya, may 65 lalawigan ang makararanas ng matinding tagtuyot mula Pebrero hanggang Mayo dahil sa matinding El Niño.
Anim na lalawigan o pitong porsyento ng lahat ng lalawigan ang makararanas ng dry spell.
Kapag sinabing dry spell o matinding tagtuyot, ito ay tatlong magkakasunod na buwan na mas mababa kaysa normal ang patak ng ulan samantalang ang sinasabing “dry condition” naman ay may dalawang magkasunod na buwan na mas mababa sa normal ang patak ng ulan.
Makararanas ang mga lugar na tatamaan ng tagtuyot na ito ng 60 porsiyentong kabawasan kaysa sa normal na pag-ulan.
Base sa mga tala, ang El Nino ay nararanasan tuwing ikalawa hanggang pitong taon.
Ayon kay Solidum, maaaring umabot sa 41 degrees centigrade ang pinakamataas na temperatura sa Hilagang Luzon dakong Abril o Mayo.
Mas tataas pa, aniya, ito ng lima hanggang 15 degrees sa pakiramdam kung ibibilang ang kahalumigmigan (humidity).
Sa Metro Manila, tinatayang aabot sa 38.3 degrees ang init ng panahon, sa mabababang parte ng Luzon ay 39.9 degrees at sa Mindanao ay maaaring umabot sa 39.5 degrees dakong Abril.
“We need to further intensify our efforts to make sure that we are ready for this, especially in the various fields that were already mentioned, like health, water, agriculture, sanitation, and peace and order, and we also need to involve everyone in this effort,” he added.
Nauna nang ipinahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na maaring unang maranasan ang tagtuyot sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite at Oriental Mindoro.
Ayon kay Pagasa Officer in Charge Nathaniel Servando ang matinding tuyong kondisyon ay makakaapekto sa Abra, Ilocos Norte, Bataan, Zambales, Occidental Mindoro at Metro Manila.
Nagbabala si Solidum na ang El Niño ngayong taon ay maaaring kasing lala ng naranasan ng bansa noong 1997 at 1998.
Kung kaya, aniya, titiyakin ng kagawaran na makagawa ng isang komprehensibo at tulong-tulong na pagresponde ang mga kaukulang kagawaran sa mga banta ng El Niño.
Sa isang sectoral meeting kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Solidum, na ipinag-utos ng pangulo ang koordinasyon ng lahat ng plano upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa tubig, agrikultura, enerhiya, kalusugan, seguridad at edukasyon.
Unang naglabas ng advisory ang Pag-asa kaugnay ng naturang weather phenomenon noong Hulyo na ayon dito, base sa kanilang pagbabantay at pag-aanalisa, mayroong hindi pangkaraniwang paginit sa ibabaw ng dagat sa dako ng Pasipiko sa may equador noong Marso 2023 na naging El Niño at inaasahang lalakas pa sa mga susunod na buwan.
Sa pinakahuling ENSO (El Nino Southern Oscillation) advisory ng Pag-asa nitong Enero 5, 2024, sinabi nito na ang matinding El Niño ay patuloy na nararanasan at inaasahang magpapatuloy hanggang Mayo 2024 bago ito maging ENSO-neutral sa panahon ng Abril hanggang Hunyo.
Ang ENSO naman ay pumapatungkol sa tatlong phase ng pambihirang weather phenomenon– ang El Niño muna bago mag neutral kung saan para itong El Niño o La Niña na malamig kaysa karaniwan ang ibabaw ng dagat pero hindi tugma sa kapaligiran, bago ito maging La Niña.