26 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Labor Code, pundasyon ng karapatan ng manggagawa at kapayapaang pang-industriya

- Advertisement -
- Advertisement -

KALAHATING siglo na ang nakalipas ng nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., ang naging isa sa mga pangunahing “artifact” ng kanyang programang Bagong Lipunan, isang pangunahing kautusan na hindi lamang magtataguyod ng trabaho kundi nagpapatibay din sa mga karapatan, seguridad, at kapakanan ng bawat manggagawang Pilipino.

Blas F. Ople, ang dating senador at “Ama ng Kodigo sa Paggawa.”

Maaring tingnan ng ilang mananalaysay na “ill-fated” ang programang Bagong Lipunan ng dating pangulo, ngunit ang artifact na ito ay naging matatag sa pagsubok ng panahon at nanatiling sentro ng mandato ng pamahalaan na tiyakin ang mga karapatan at kapakanan ng lahat ng manggagawang Pilipino, kabilang ang karapatan na matugunan ang kanilang mga hinaing, pati na rin ang pananagutan ng negosyo at lipunan na tiyakin ang kapayapaang pang-industriya sa buong bansa.

Ang dokumentong ito ay ang Labor Code of the Philippines na nalimbag matapos lagdaan ni dating Pangulong Marcos ang Presidential Decree 442 noong May 1, 1974, na nangangahulugan na ang pangunahing batas na namamahala sa karapatan, paggawa, at kapakanan ng bawat manggagawang Pilipino ay eksaktong 50-taong gulang na ngayon. Maituturing na si Marcos ang ninong ng Labor Code ngunit si Blas F. Ople ang naging daan upang maisakatuparan ito, na siyang naging dahilan upang tawagin ang dating senador bilang “Ama ng Kodigo sa Paggawa.”

Naging instrumento si Labor Minister Ople, at ang mga humalili sa kanya sa Kagawaran ng Paggawa, gamit ang Labor Code bilang gabay sa pagsasaayos ng mga batas at patakaran sa pangangasiwa ng trabaho, pagpapaigting sa proteksiyon ng manggagawa, paglikha ng trabaho at pagpapaunlad ng yamang-tao at pagpapanatili ng kapayapaang industriyal na siyang dahilan kaya nananatiling isa sa pinakamapayapa at dinamiko ang pangangasiwa sa paggawa sa Asya.

Tinitiyak ng nasabing Kodigo ang proteksiyon ng kapakanan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng mga probisyon nito sa mga patakaran sa trabaho sa minimum na sahod at overtime pay, oras ng pagtatrabaho, pamantayan sa kalusugan at kaligtasan, collective bargaining, at iba pa.

Bilang tugon sa mga pag-unlad sa panlipunang ekonomiya sa ika-21 siglo, nagkaroon ng pagbabago sa Labor Code upang magbigay ng karagdagang proteksyon sa grupo ng kababaihan, menor de edad, at mga nasa impormal at mahihinang sektor.

Sa loob ng kalahating siglo, nananatili itong pundasyon na pinagmulan ng iba pang mga kautusan at batas tulad ng Wage Rationalization Act of 1989, Batas Kasambahay, ang 105-Day Expanded Maternity Leave Act, mga batas laban sa child labor, at ang mandatoryong probisyon ng mga benepisyo sa social security sa mga manggagawa.

Bunga din ng Labor Code ang institusyonalisasyon — mula sa pambihirang talino ni Ople — ng mabilis na pagresolba ng mga alitan sa paggawa sa pagtatatag ng National Labor Relations Commission, gayundin ang pagtiyak ng kapayapaang pang-industriya sa pangangasiwa ng tripartite council at iba pang mga kinatawan.

Upang markahan ang ginintuang anibersaryo nito, ang Kagawaran ng Paggawa at Empleyo at PhilPost ay magsasagawa ng maigsing seremonya upang gunitain ang araw na ito.

Nananawagan ang DoLE sa mga employer, manggagawa at mambabatas na kumuha ng lakas at inspirasyon mula sa Labor Code sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan sa ilalim ng Bagong Pilipinas. DOLE-IPS

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -