30.4 C
Manila
Linggo, Mayo 19, 2024

Handa na ba ang Bangko Sentral ng Pilipinas na itaas ang Interest Rate?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG nakaraang linggo,  ang palitan ng salapi  ay umabot sa P 57.78 sa bawat isang US dolyar at bumaba ito nang kaunti at ang presyo ng US dolyar ay naging P 57.71 noong Abril 26, 2024. Nangangamba ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na malapit nang lumagpas ang presyo ng US dolyar sa itinatakdang palitan ng salapi ngayong taon sa pagitan ng PHP 55 hanggang PHP 57 bawat isang US dolyar. Dahil sa pangambang ito napabalita sa Manila Times noong Abril 29, 2024 na handa ang BSP na tugunan ang pabago-bagong palitan ng salapi ayon kay Eli Remolona Jr, ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Ano ang ibig sabihin ng pahayag na ito ng Gobernador ng BSP? Upang hindi tayo lumagpas sa itinakdang palitan ng salapi kakailanganin ng BSP na itaas ang interest rate sa pamamagitan ng pagpapaliit ng suplay ng salapi. Maaari ding gamitin ng BSP ang laan o reserba nitong mga dayuhang salapi upang tugunan ang tumataas na demand ng US dolyar na inililipat ng mga negosyante sa Estados Unidos.

Kung itataas ng BSP ang interest rate titigil ba ang paglilipat ng pondo ng mga negosyate gayong hindi naman tumataas ang interest rate sa Estados Unidos? Ang puno’t dulo ng paglilipat ng pondo sa Estados Unidos ay ang kasalukuyang sigalot sa Gitnang Silangan. Ang nagbabadyang krisis sa Gitnang Silangan ay nagpapakaba sa maraming negosyante kaya’t inilalagay nila ang kanilang pondo sa mas ligtas na ekonomiya tulad ng Estados Unidos, ang pinakamalaking ekonomiya sa mundo.

Kaya’t ang pahiwatig na ito ng BSP na itaas ang interest rate ay hindi maaaring tumugon sa paglilipatan ng pondo dahil ang paglilipat ay hindi bunga ng agwat ng interest rate sa pagitan ng mga bansa ngunit ang panganib na nararamdaman nila sa ekonomiya ng Pilipinas sa likod ng nagbabadyang krisis sa Gitnang Silangan. Marahil, kakailanganin ng napakalaking pagbabago ng interest rate upang punan ang panganib na nararamdaman ng mga negosyante tungkol sa ekonomiya ng Pilipinas. Kahit na ang panganib ay hindi naman nagmumula sa ating bansa ngunit sa sigalot sa Gitnang Silangan naroroon pa rin ang pangambang magiging malala ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa mga pananalaping yaman na nakalagak sa Pilipinas.  Kaya’t nagdududa rin ang Lupon ng Pananalapi ng BSP na kayang tugunan ng pagtataas ng interest rate ang panganib na nararamdaman ng mga negosyante sa ekonomiya ng Pilipinas. Ang pinakamahalagang pangamba ng BSP na ipatupad ang pagtaas ng interest rate ay ang epekto nito sa paglaki ng ating ekonomiya. Ang mataas na interest rate ay magpapababa sa guguling pangangapital, pagkonsumo at guguling pampamahalaan na magpapabagal sa paglaki ng ekonomiya at magdudulot ng  napakabigat na sakripisyo na papasanin ng mga mamamayang Filipino.

Samantala, kung ang ibig ipahiwatig ng gobernador ng BSP sa kanyang pahayag ay ang paggamit ng laan o reserba ng dayuhang salapi ng Pilipinas upang tugunan ang napakalaking demand sa US  dolyar bunga ng krisis sa Gitnang Silangan nang manatiling matatag ang palitan ng salapi. Sa kasalukuyan, ang laan ng dayuhang salapi ng BSP ay umaabot sa USD 104 bilyon noong Marso, 2024. Kung ito ay maubos o mabawasan nang malaki dahil sa interbensyon ng BSP sa bilihan ng US dolyar, nanganganib ang kakayahan ng ating ekonomiya na makapag-angkat at bayaran ang mga dayuhang utang. Kaya’t ayaw itaya ng BSP ang alternatibong ito sa pagsugpo sa pabago bagong palitan ng salapi.


Ang ibig bang sabihin nito ay hahayaan na lang ng BSP ang patuloy ang depresasyon ng piso? Sa pananaw ng ilang ekonomista, maaaring makabubuti ang depresasyon ng PH piso sa ating ekonomiya dahil maaaring tumaas ang ating export sanhi ng pagiging mura nito sa salaping US dolyar.  May dalawang problema sa pananaw na ito. Kung ang lahat ng bansa sa buong mundo ay nakararanas ng depresasyon dahil sa paglilipatan ng kanilang pondo sa Estados Unidos bunga ng sigalot sa Gitnang Silangan, walang epekto ang depresasyon ng piso dahil hindi nagbabago ang relatibong presyo nito dahil halos lahat ng mga salapi ay bumababa rin ang presyo. Ikalawa, sa harap ng nagbabadyang resesyon sa buong mundo, aling bansa ang bibili ng ating mga export?

Napakahirap ng kinalalagyan ni Remolona at ng Lupon ng Pananalapi ng BSP dahil sa hirap timbangin ng mga alternatibo sa kasalukuyang sitwasyon. Ang bawat alternatibo ay may kaakibat na mabibigat na  sakripisyo.  Sa ganitong sitwasyon, ang sagot ay nasa kamay ng Pangulo ng Pilipinas at sa Kagawaran ng Suliraning Panlabas. Kinakailangang gamitin nila ang diplomasya upang ang sigalot Gitnang Silangan, ang  ugat ng depresasyon ng piso, ay hindi na lumalala pa at magkaroon ng tunay kapayapaan sa Gitnang Silangan. Isa pang alternatibo ay himukin ang milyong milyong OFW na dagdagan ang kanilang padalang salapi nang tumaas ang suplay ng US dolyar sa ating bansa na magpapatatag sa eksternal halaga ng PH piso. Kay daling sabihin ng mga ito ngunit kay hirap ipatupad.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -