28.5 C
Manila
Martes, Hunyo 18, 2024

Pilipinas ang ‘Country of Focus’ sa 2024 Asian Festival of Children’s Content sa Singapore

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa 2-bahagi

NATIONAL Library, Singapore: Ito na marahil ang pinakamalaking delegasyon ng mga Pilipino sa idinaos na Asian Festival of Children’s Content (AFCC) dito sa Singapore. Siguro’y higit pa sa 50 katao na kabilang sa children’s book industry (awtor, ilustrador, publisher, storyteller, at reading advocates) ang dumayo rito. Pinangunahan ito ng Singapore Book Council (sa pamumuno ng presidente nito na si Claire Chiang), sa pakikipagtulungan ng National Book Development Board (NBDB) ng Pilipinas, sa ilalim ng pamumuno ng tagapangulo nito na si Dante ‘Klink’ Ang 2nd at ng executive director na si Charisse Aquino-Tugade.  Ang AFCC ang nangungunang festival sa buong Asya para sa mga kuwentong pambata at young adult (YA) fiction.

‘Country of Focus’ ang Pilipinas ngayong 2024. Gawa ng children’s book illustrator na si Beth Parrocha ang mga key visuals sa AFCC

Ito rin ang ikalawalang pagkakataon na naging ‘country of focus’ ang bansa. Matatandaan na noong taong 2012, ang Pilipinas ang kauna-unahang naging ‘country of focus’ ng AFCC. “Ang maganda sa una, walang naunang bansa na ikukumpara sa iyo,” pabirong sabi ni Atty. Andrea Pasion-Flores, ang kasalukuyang chairman ng Book Development Association of the Philippines  (BDAP) at publisher ng Milflores Publishing. Taong 2010 daw siya unang nakadalo sa AFCC – noong panahong nasa transition pa ito mula sa ‘Asian Writers and Illustrators Conference’ hanggang sa maging ‘Asian Festival of Children’s Content’ o AFCC. Nang panahong ‘yun, iniisip daw niya kung paano magiging kabahagi ang Pilipinas sa isang ganito kagandang kumperensiya ng mga taong involved sa children’s book industry. At nangyari na nga.

Ang mga delegado ng AFCC sa ginanap na Welcome Dinner


Ngayong taong ito, ipinagdiriwang ang ika-55 diplomatic relations ng bansang Pilipinas at Singapore. Naipanukala ni Medardo Antonio Macaraig, ang kasalukuyang Ambassador ng Embahada ng Pilipinas sa Singapore, na muling gawing ‘country of focus’ ang ating bansa. Pumayag naman agad ang Singapore kahit pangalawang beses na natin ito.

Kabilang sa nagbigay ng keynote address mula sa Pilipinas ay sina Dante ‘Klink’ Ang (chairman NBDB), Atty Andrea Pasion-Flores (president, BDAP), at Ms Kristine Mandigma (President of IBBY Philippines). Kasama si Charisse Aquino-Tugade bilang moderator.

“Magandang maitampok dito sa Singapore ang mayamang ani ng ating mga aklat pambata,” bungad niya sa akin nang batiin ko ang matagumpay na festival. “It’s about time na makita ng Singapore at ng iba pang bansa sa Southeast Asia na marami tayong magagandang kuwento at libro.”

Mga opisyal ng Singapore Book Council: William Phuan, executive director; at Claire Chiang, president; kasama ang mga opisyal ng NBDB sa Pilipinas: Dante ‘Klink’ Ang 2nd, Ambassador Medardo Macaraig at Charisse Tugade

- Advertisement -

Nag-donate din ang NBDB ng ating mga aklat pambata sa naturang embahada upang mabasa ng ating mg kababayang makakadako roon. Ang Singapore ay isa sa paboritong bansa na nais puntahan ng ating mga kababayan upang maghanapbuhay. Marami ring kababayan natin ang naninirahan doon. Paborito rin itong pasyalan ng mga Pilipino. Nakatutuwang makita na marami rin tayong mga kababayan na dumalaw sa idinaos na AFCC sa National Library ng Singapore.

Nag-donate ng mga aklat pambata ang NBDB sa Embahada ng Pilipinas sa Singapore. Kasama ni Carlo Ebeo si Ambassador Macaraig.

Nakilala ko rin ang ilang Pilipinang dito na naninirahan sa Singapore at naglalathala na rin ng aklat dito gaya nina Claire Betita De Guzman (na may dalawang nobelang inilathala ng Penguin Books-Southeast Asia: ang ‘Sudden Superstar’ at ang ‘Hue City’), Camille Faylona ng Campfire Crates (na naglathala ng mga sumusunod na aklat: My Filipino Christmas, My Visit to the Philippines, My Filipino Story, My Big Book of Filipino Food, at My A-Z Filipino Activity Book), at si Dardanelleis Labrador Balisi-Lizaso (isang guro mula sa UP Diliman na ngayon ay awtor na rin ng isang aklat pambata).

Ang kolumnistang ito kasama ang kanyang mga aklat na napabilang sa exhibit sa country stand.

Ang National Library Building sa Singapore sa distrito ng Bugis ang naging venue ng apat na araw na festival na idinaos mula Mayo 23 hanggang 26 (Huwebes hanggang Linggo). Sa ground floor, sa tinatawag nilang ‘The Plaza,’ dito naka-exhibit ang lahat ng ating libro mula sa Pilipinas: sa ‘Country Stand.’ Sa pinakatuktok ng National Library, sa ika-16 na palapag ng modernong gusali, matatagpuan ang ‘The Pod’ na may 360 degree view ng siyudad. Dito rin ginanap ang Opening Ceremonies ng AFCC kung saan nagkaroon din ng pagbibigay ng award noong unang gabi – ang Scholastic Book Award (na ang Scholastic Books-Asia ang sponsor) at ang Hedwig Anuar Book Awards (na bukas lamang sa mga Singaporean book authors). Ayon kay Carlo Pena, isang Pilipino na consultant sa AFCC, si Hedwig Anuar daw ang unang direktor ng National Library sa Singapore  na nagpasimula ng maraming reading-related activities.

Pangalawang ulit na naging ‘Country of Focus’ ang Pilipinas

- Advertisement -

Bagama’t may registration fee ang AFCC para sa mga participants, marami rin namang free activities na bukas sa publiko. May naganap na panglulunsad ng aklat (book launch), may storytelling, may art at drawing activities, at kung ano-ano pa. Sa Country Stand ng Pilipinas, naroon ang napakaraming aklat-pambata na dinala pa ng NBDB mula sa Pilipinas upang mai-exhibit. Libre itong nabasa ng mga dumalaw sa ating country stand. Biruin n’yo, higit sandaang aklat pambata ang tiyak na nabasa n’yo kung nakadalaw rito.

Nagbigay ng mensahe ang chairman ng NBDB na si Dante ‘Klink’ Ang 2nd

Si Beth Parrocha ng “Ang Ilustrador ng Kabataan” (Ang INK) ang gumawa ng key visuals para sa AFCC 2024. Sa lahat ng dako ng National Library ay makikitang nakasabit ang kanyang mga artworks. “Curiosity” ang paksa ng AFCC. Ang curiosity raw ang magtutulak sa isang bata na mag-explore, mag-innovate, at paganahin ang mayamang imahinasyon. Tinambalan ni Parrocha ang naturang tema ng larawan ng isang batang babae na may hawak na teleskopyo na nanlalaki ang mga mata sa kanyang mga natuklasan. Sa ginanap na keynote address ng mga speakers, lalong napaglinaw ang nais tumbukin ng curiosity, gayon din sa mga hangganang tayo ring nakatatanda ang nagtatakda.

Mula sa kanan: Dante ‘Klink’ Ang 2nd, Charisse Aquino-Tugade, Ambassador Macaraig, Luis Gatmaitan, at Neth Wong

Higit sa 80 writers at speakers mula sa Singapore, Pilipinas, at sa buong mundo ang itinampok sa AFCC. Ilan sa mga nakilala ko rito ay sina Satomi Ichikawa (author-illustrator mula sa France), Andrea Wang (awtor mula sa US), Zenno Sworder (author-illustrator mula sa Australia), at Emily Lim-Leh (author mula sa Singapore). Mapalad akong napasama sa mga naging tagapagsalita kung saan tinalakay namin ni Charisse Aquino-Tugade, ang aking kapwa-panelista, ang temang ‘Reclaiming our Narratives: Decolonizing Content and Communities’ noong ikalawang araw ng festival. Sa session naming ito, tinalakay ni Charisse ang pagtatatag ng book nooks na naglalaman ng mga lokal na aklat (kasama ang aklat pambata) sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, gayon din ang pagdaraos ng NBDB ng taunang Philippine Book Festival na isang all-Filipino book fair. Tinalakay ko naman ang mga ginagawa ng aming ahensya – ang National Council for Children’s Television (NCCT) – upang magkaroon ng maraming child-friendly content sa ating mga palabas sa TV. Binanggit ko ang posibilidad ng paglikha ng mga pambatang palabas sa TV hango sa mga aklat pambata:  “from books to screen.”

Ang Country Stand ng Pilipinas kung saan naganap ang maraming storytelling sesions. Nandito ang exhibit ng mga aklat pambata sa Pilipinas.

Dito sa AFCC, natuwa rin akong makita na apat sa aking mga sinulat na aklat pambata ang napabilang sa higit 100 aklat-pambata na itinampok sa exhibit: Sandosenang Sapatos (guhit ni Beth Parrocha), Aray Nasugatan Ako (guhit ni Marcus Nada), Ang Kuya Kong Zombie (guhit ni Ivan Reverente), at Maselan ang Tanong ng Batang si Usman (guhit ni Danielle Florendo). Pawang inilathala ng OMF Literature-Hiyas ang mga aklat na ito. Kay sarap makita na available itong mabasa ng mga bata’t magulang na dumalaw sa aming country stand.

Nakilala ko rin dito si Remus Sy, isang Tatay na Tsinoy na naninirahan na sa Singapore. Kasama niya ang kanyang dalawang anak – sina Noah at Casey – na dumalaw pa sa aming country booth upang magpakuha ng larawan. Dala-dala nila ang ilan kong aklat pambata. Nang anyong pipirmahan ko na ito, nagulat ako nang makitang may dedikasyon na sa mga bata ang bawat aklat. Tinanong ko si Remus kung bakit signed copies na ang mga ito. “Iniregalo ito sa aking mga anak ng kanilang aunt sa Pilipinas.” Si Richelle Sy (Kho) ang tinutukoy niya, dating broadcast TV journalist at kasamahan kong guro sa MGC New Life Christian Academy sa BGC.

“Hinanap ko talaga kayo para makilala kayo ng dalawang anak ko,” kuwento pa ni Remus. “Mabuti’t nabanggit ng aking Ate Richelle na may nagaganap na book festival dito sa Singapore at nandito raw ang maraming Filipino authors at illustrators.”

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -