28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Caloocan Police tiniyak ang kapayapaan at kaayusan sa Pangarap Village

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD CALOOCAN, Kalakhang Maynila — Pinabulaanan ni Caloocan City Police chief Col. Samuel Mina ang mga balitang hindi tinutupad ng lokal na pulisya ang kanilang tungkuling protektahan ang mga residente sa Pangarap Village sa Lungsod ng Caloocan na sinasabing ‘ikinulong’ sa loob ng kanilang komunidad ng mga security personnel ng realtor na Carmel Development Incorporated (CDI).

Sa courtesy call ni Presidential Commission for the Urban Poor – National Capital Region (PCUP-NCR) Commissioner Rey Galupo, sinang-ayunan ng hepe ng Caloocan Police Station ang pangangailangan na dagdagan ang pagkakatalaga ng kanyang mga tauhan sa loob ng Pangarap Village sanhi na rin ng mga napaulat na insidente ng karahasang naganap dito.

Kamakailan lang, isang bahay umano ang pinaulanan ng bala at habang wala namang napabalitang nasaktan sa kaganapan, nakaabot ito sa PCUP at agad na tinugunan ito ni Galupo sa pamamagitan ng paghiling sa Caloocan police na tiyaking hindi na mangyayari muli ang ganito.

Inihayag ni Mina na pinag-utos niya ang masusing imbestigasyon habang wala namang nakalap na ebidensya ang mga imbestigador na tumutukoy sa sinuman mula sa CDI na nakagawa ng nasabing krimen.

Gayun man, idiniin ng opisyal na nagsasagawa na sila ng mga hakbang upang mapangalagaan ang kapayapaan at kaayusan sa Pangarap Village at tiniyak na magkakaroon ng karagdagang bilang ng pulis na itatalaga para masiguro na mayroong police visibility sa lugar.

“Ang totoo po d’yan ay naglagay na kami ng Police Assistance Desk (PAD) sa loob ng komunidad para dagliang makapag responde ang ating kapulisan kung sakaling may mangyaring hindi inaasahan o hindi kanais-nais,” kanyang pinunto.

Itinanggi rin ni Mina na ang mga residente rito ay pinagbabawalang makalabas o makabalik ng mga tauhan ng CDI at tanging dahilan sa pagsasara sa iisang daanan sa komunidad ay upang mapigilang makapasok ang mga construction material na ginagamit para magpatayo pa ng mga istraktura sa loob.

Nagpasalamat naman si Galupo kay Mina sa kanyang pakikiisang mapangalagaan ang karapatan ng magkabilang panig at pinuri din ang pulisya sa pagiging pantay sa pagpapatupad ng batas upang walang maagrabyado o maabuso.

“Bilang isang opisyal ng pamahalaan, lalo na ng PCUP, nais kong sabihin na kung mandato naming tulungan ang ating mga maralitang tagalungsod, tungkulin din nating pangalagaan ang ating mga pulis dahil kabahagi at kasama natin sila sa pagpapatupad ng mga magagandang pamamalakad upang matiyak na payapa at maayos ang ating pamumuhay,” pagtatapos ng commissioner.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -