31.5 C
Manila
Sabado, Hulyo 27, 2024

Gatchalian: Magpatayo ng nursing home para sa inabandonang senior citizens sa lahat ng LGU

- Advertisement -
- Advertisement -

Nais ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng nursing home sa bawat lungsod at munisipalidad para sa mga senior citizens na inabandona at walang tahanan.

Inihain niya ang Senate Bill No. 950 o ang “Homes for Abandoned Seniors Act of 2022” kung saan ang mga nursing homes na ito ay patatakbuhin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ng mga local government units (LGUs). Ang mga LGU naman ang magkakaroon ng responsibilidad na ipatayo ang mga nursing homes.

Inspirasyon ng panukalang batas ni Gatchalian ang “Bahay Kalinga” at “Bahay Kanlungan Tahanan Nila Lolo at Lola” na nagbibigay kalinga sa mga senior citizens sa lungsod ng Valenzuela.

Ang Bahay Kalinga na itinatag noong 2012 ay isang two-storey half-way home para sa dalawampu’t limang (25) senior citizens na inabandona o walang tahanan. Ang four-storey na Bahay Kanlungan naman ay binuksan noong 2021 at nagbibigay tahanan sa siyamnapung (90) mga lolo at lola. May sarili itong clinic, physical therapists, psychologists, nutritionists, at yung tinatawag na house parents na magbabantay sa mga senior citizens sa buong maghapon.

Bagama’t natutugunan ng lungsod ng Valenzuela ang pangangailangan ng mga senior citizens na inabandona at walang tahanan, sinabi ni Gatchalian na marami pang mga walang tahanang senior citizens ang kailangang bigyan ng saklolo.

“Tungkulin nating tiyakin na ang ating mga lolo at lola ay may maayos na tirahan at nakakatanggap ng sapat na pagkalinga. Upang matiyak natin na ang ating mga lolo at lola ay nabubuhay nang may dignidad kahit nawalay sa kanilang mga pamilya, isusulong nating mapatayuan ng nursing home ang mga nakatatanda sa bawat lungsod at munisipalidad,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, magiging komportable ang mga nursing homes na ito dahil magbibigay ito ng sapat na pagkain, pananamit, serbisyong pangkalusugan, counseling, at iba pa.

Si Gatchalian ang pangunahing may akda ng panukalang ito na una na niyang inihain noong 17th at 18th Congress.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -