30.2 C
Manila
Linggo, Marso 3, 2024

Gatchalian: ERC reset ng power transmission rates pakikinabangan ng mga konsyumer

- Advertisement -
- Advertisement -

Sinabi ni Senador Win Gatchalian na ang pag-reset ng power transmission rates ng Energy Regulatory Commission o ERC, na naantala ng sampung taon, ay maaaring makapagbigay ng pakinabang sa mga konsyumer.

Sinimulan na ng ERC ang pagrepaso sa mga rate ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa pamamagitan ng Resolution No. 08 na nag-aamyenda sa mga patakaran para sa rules for setting transmission wheeling rates (RTWR) na naging dahilan sa proseso ng pag-reset ng transmission rates ng naturang transmission utility. Ang bagong RTWR ay nangangahulugan na ang kasalukuyang weighted average cost of capital (WACC) ng NGCP ay babaguhin pagkatapos ng higit sa 10 taon.

Ayon kay Gatchalian, ang review ay malamang na humantong sa mas mababang mga rate ng transmission, base sa isang pag-aaral noong 2018 na kinomisyon ng National Transmission Corporation o TransCo). Habang ang kasalukuyang power transmission rate ay nagsa-alang-alang ng WACC na 15.04% para sa NGCP, sinabi ng pag-aaral na ang WACC para sa NGCP ay dapat na nasa 6.4% lamang. Ang mas mababang WACC ay nangangahulugan ng mas mababang mga bayarin sa transmission rates na binabayan ng mga consumers.

Ipinakita ng pag-aaral na ang average na pagbabawas ay magiging Php 0.1141 hanggang Php 0.2376 kada kilowatt hour (kWh) na nangangahulugan na ang matitipid kada buwan ay aabot ng Php22.82 hanggang Php47.52 para sa isang household na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

“Matagal nang naantala ang pagrepaso ng ERC sa mga transmission rate. May kumpiyansa ako na ang proseso ay magdudulot ng pagbaba ng transmission rates at kalaunan ay may epekto sa residential bills,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi din ni Gatchalian na ang pag-reset ng ERC ng transmission rate ay magpapatibay ng tiwala ng mga mamimili na ang kanilang binabayaran ay tamang halaga.

“Kapag nagkaroon ng bagong rates, mawawala ang anumang agam-agam ng mga consumer na may nagsasamantala. Sa halip, magkakaroon sila ng kompiyansa na ang anumang bayad sa kuryente ay tama at walang labis,” giit ng senador.

“Mahalaga rin ito para sa mga bagong transmission lines at pasilidad. Nagbibigay ito ng insentibo para sa NGCP na mamuhunan sa mga bagong imprastraktura dahil tinitiyak nito na mababawi nila ang lahat ng pamumuhunan sa mga bagong pasilidad,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -