Nais masuri ni Senador Win Gatchalian ang modernization program ng Bureau of Customs (BOC) sa gitna ng pagdagsa sa bansa ng mga produktong smuggled.
Pangungunahan ni Gatchalian bilang Chairperson ng Senate Ways and Means Committee bukas, Disyembre 12, ang ocular inspection at walk-through ng modernization program ng ahensya sa Port Area, Manila kasama ang mga opisyal at miyembro ng Senate Tax Study and Research Office (STSRO).
“Napansin natin na patuloy pa rin ang pagpasok ng mga smuggled goods at kailangang matugunan ang problemang ito lalo na ngayong magpapasko at dagsa ang mga mamimili,” giit ni Gatchalian.
Sa kabila nito, nagpahayag siya ng suporta sa programang modernisasyon ng ahensya dahil makakatulong ito sa pagpigil ng smuggling sa bansa.
“Magiging maganda ang pagkolekta ng kita ng BOC kung mabisang matutugunan ang pagpupuslit ng iba’t ibang kalakal,” sabi ni Gatchalian, at idinagdag na ang mas mataas na alokasyon sa pondo upang tustusan ang mga proyekto ng gobyerno ay maaaring maisakatuparan kung ang mga revenue-collecting agencies ay makakamit ang kanilang target.
Kamakailan lamang, naharang ng mga ahente ng BOC ang mahigit P63 milyong halaga ng frozen goods mula sa Hong Kong at China. Noong nakaraang linggo rin matatandaang kinumpiska ng gobyerno ang isang kargamento na may 100,000 kilo ng puting sibuyas na misdeclared bilang tinapay at pastry.
Nagtakda ang BOC ng revenue collection target na P671.66 bilyon para sa 2022. Nakakolekta ito ng P320.5 bilyon sa pagtatapos ng Mayo ngayong taon, batay sa datos ng Department of Finance (DOF).
Ang isang pangunahing bahagi ng programa ng modernisasyon ng ahensya ay nakatuon sa paglipat ng kanilang operasyon mula sa manu-mano at nakabatay sa papel na organisasyon patungo sa isang modernong Customs department, para makamit ang mga pandaigdigang pamantayan at ganap na modernisasyon sa 2024.
Kasama rin sa modernization program ang integrasyon ng Ports of Manila, Cebu, at Davao at Manila International Container Port (MICP) sa Customs Operations Center na matatagpuan sa punong tanggapan ng bureau sa Port Area, Manila. Noong 2021, may kabuuang koleksyon ang BOC na P645.77 bilyon, mas mataas ng 20% mula sa kabuuang koleksyon na P537.69 bilyon noong nakaraang taon.