NITONG mga kagyat na kararaang panahon, ilang matitinding batikos ang inabot ni Senador Robin Padilla dahil sa ilang gawi na sa tingin ng mga kritiko ay hindi angkop, o sa mas tiyak na turing, ay kasiraang-puri sa isang nasa pinagpipitaganang pwesto sa pamahalaan. Habang nasa seryosong palitan ng kurukuro ang mga kasamahan sa senado, nakunan ng video si Senador Padilla na walang pakialam sa nagaganap na diskusyon at sa halip ay kampanteng pasuklaysuklay sa kanyang bigote. Kaliwa’t-kanang panunudyo ang inabot ni Robin mula sa mga mamamayan dahil sa ganung gawi.
“Tandaan nyo, Direk,” wika ng kapitbahay ko, “sa susunod na eleksyon, hindi na lalabas yang si Robin.”
Atubili man, tumango-tango na rin ako. Higit kong pinahahalagahan ang mga aktwasyon ni Senador Padilla kaugnay ng tensyon sa South China Sea, partikular ang sigalot sa Ayungin Shoal. Sa isang sesyon ng senado, humiling ang senador na payagan siya at mga kasamahang senador na maglayag sa karagatan at alamin ang puno’t dulo ng pinagtatalunang pambobomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) sa banka ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagdadala ng mga suplay na pagkain at mga probisyong pangkabuhayan para sa mga tropang nagbabantay sa nabalahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Sa isang nahirate sa paepalang gawi ng mga personalidad na showbiz, ang ganung panukala ay walang iba kundi isa namang palabas lamang. Ang kagyat na dating sa akin, sumasakay din lang si Robin sa lundo ng kontra-China na pagkamuhi ng sambayanang Pilipino bunga ng nabanggit sa unahan na pambobomba ng tubig. Ganun lagi ang mga pulitiko, sakay sa popular na isyu upang palutangin ang kanilang pulitikal na imahe. Sa loob-loob ko, isa pa ring dagdag si Robin sa mga opisyales ng gobiyerno na magdidiin sa China na mangangagaw ng teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea.
Laking pagkamangha ko na lang nang sa isang pahayag, kinuwestyon ni Robin ang kasalukuyang tindig ng pamahalaang Marcos na iasa sa Amerika ang depensa ng bansa laban sa pinangangambahang pananalakay ng China. Ayon sa senador, dapat na hinaharap ng bansa ang kanyang mga problema alinsunod sa sariling diskarte, hindi sa mandato ng Amerika na natural ay magpapatupad ng mga patakarang magsusulong lamang sa sarili niyang interes.
Teka, wika ko sa sarili. Akala ko ba, kontra China rin si Robin. E, sa kanyang mga pahayag, litaw na litaw ang kontra-Amerikanong paninindigan.
Sa isang pagdinig sa senado, laking gulat ko nang gisahin ni Senador Padilla ang isang propesor na nagngangalang Batongbacal.
“In the first place,” wika ng propesor, “China ang naunang nag-escalate nang itayo sila ang tatlong military bases sa loob ng Mischief Reef, Scarborough Shoal at Fiery Cross Reef even before dumating ang mga Amerikano ngayong taon lamang.”
Biglang putol ni Robin sa sinasabi ni Batongbacal.
“Ah, professor, lahat po ng binanggit nyo, nakita ko po lahat yun. Pati po yung sinasabi nyong base, nakita ko din po yun. Galing po kasi ako doon. Ang sinasabi ko po ngayon, sa loob ng anim na taon, hindi tayo nagkaroon ng ganitong escalation. Ang sinasabi kong maliwanag, bakit tayo pumapayag na ganito na, nag-escalate. Meron nang Amerikano. Yun lang naman po. Simple lang. Na-handle naman natin ito sa loob ng anim na taon na tayo-tayo lang. Nahandle ko nga ito na bangka lang ang gamit ko. Bangka! Hindi natin kaya itong panindigan. Hindi natin kaya na tayo ay umasa sa Amerikano.”
Mula sa isang kapulungan ng mga mambabatas na halos lahat ay tagatabil ng Amerikano, ang mga katagang binitiwan ni Senador Padilla ay kahalintulad sa sariwang simoy ng hangin, nagpapaluwag sa dibdib ng sambayanang Pilipino na pinagsikip ng Amerikano ng kontra-Chinong pagkamuhi.
Para sa kaalaman ng lahat, malaking kasinungalingan ang pahayag ni Batongbacal na ngayong taon lamang ang pakikialam ng Amerika sa South China Sea. Noon pang 2012, sa isang tanging pulong ng mga admiral ng US Navy, iniulat na ng papaalis sa pwesto bilang Seventh Fleet Intelligence Officer na si Captain Fanell ang pagtatayo ng China ng mga nabanggit na base militar at nagmungkahi ng mga panghihimasok na dapat gawin.
Sa sumunod na top-level na kumperensya ng US War Department, tinalakay ang mga suhestyon ni Fannel na nagbunga sa mga maniobra na ngayon ay maliwanag nang panghihimasok ng Amerika sa Pilipinas. Ito ngayon ang tinutukoy ni Robin na third party sa escalation ng tensyon sa South China Sea na kung hindi masasawata ay nanganganib na humantong sa madugong labanan. At ito ang tinutukoy ni Senador Padilla na hindi natin kaya. Hindi natin kaya na makipag-alyado sa Amerika nang hindi rin isinusubo ang sarili sa giyera.
Tulad din ng nangyari sa Ukraine. Sa kauudyok ng tambalang US-NATO, pumalag ang Ukraine, kaya inunahan na siya ng Russia. Dito ngayon sa Pilipinas. Sa kauudyok ng Amerika, inaprubahan ni Bongbong ang apat pang karagdagang base militar na kaloob sa Amerika, ang tatlo na nasa Cagayan at Isabela, kapwa direkta nang nakaumang sa Mainland China, at ang ikaapat na nasa Palawan ay nakatudla naman sa mga base militar ng China na nasa South China Sea. Kung sa patuloy na kauudyok ng Amerika ay magpadala ang Pilipinas sa pakikigiyera sa China, mapipilitan ang China na unahan na ito. Matutulad tayo sa Ukraine. Iyun ang sinasabi ni Robin na hindi natin kaya. Hindi natin kayang makipag-giyera sa China. Huwag nang banggitin pa ang pinakaabanteng sandatang nukleyar ng China. Tukuyin na lang ang milyong bilang ng kanyang mga sundalo kumpara sa wala pang dalawang daang libo ng Pilipinas, anong panama ng Pinoy?
Kung sa pagtantiya ni Senador Padilla ay hindi natin kaya ang naririyan ang Kano at nang-uudyok sa atin na awayin ang China, kailangang kayanin na alisin siya. Sa sama-samang pagkilos ng sambayanang Pilipino, magagawa ito. Sabihin nyo pa, lalo na ngayon na ang idolo ng masa ang nangunguna na sa pagpapaliwanag ng usapin ng bayan.