31.9 C
Manila
Biyernes, Marso 1, 2024

Karapatan ng mga mamimili sa panahon ng Kapaskuhan

- Advertisement -
- Advertisement -

PANAHON ng gift-giving, tradisyon tuwing sasapit ang Pasko. Maraming “sale” sa mga mall maging sa online shopping. Pero alam mo ba ang iyong mga karapatan bilang mamimili?

Larawan kuha ni Mike de Juan ng The Manila Times

“Ligtas at lamang ang may alam!’ sabi ni DTI Albay Senior Trade and Industry Specialist Malou Pasobillo. Ayon kay Pasobillo, may walong karapatan ang mga mamimili para sa kanilang kaligtasan at proteksyon.

Karapatan sa mga pangunahing pangangailangan

‘’Sa panahon ng kalamidad, bilang mamimili dapat maging alisto at may sapat na basic commodities sa ating lugar,’’ saad ni Pasobillo.

Aniya, nagkakaroon din ng price freeze ng mahigit 60 araw mula sa pagdeklara ng pangulo ng Pilipinas sa isang lugar na under of state of calamity na napinsala tulad ng bagyo o anumang kalamidad.

Dagdag pa niya nararapat lamang na may ‘’easy access’’ ang mga bilihin lalo na ang mga produktong pangkalusugan.

Karapatan sa kaligtasan ng mamimili.

Paano nga ba mapoprotektahan ang iyong sarili laban sa mga nagbebenta ng depektibong produkto o nagbibigay serbisyo na mapanganib sa buhay o kalusugan?

‘’Makakaiwas tayo dito sa pamamagitan ng pagiging mapanuri, basahin ang mga label ng produkto, kahit maliit lang ang nakasulat, maging matiyaga sa pagbabasa para alam  kung ano yung ingredient o magiging epekto ng produkto kapag ginamit ito,’’ saad ni Pasobillo.

Para naman sa mga consumer products, sinabi ni Pasobillo na dapat may mga certification marks ang mga ito tulad ng PS license mark sa electronic products, ICC mark naman kung imported at iba pang product license na maaaring i-verify ng DTI at sa website ng Bureau of Philippine standard.

Karapatan sa impormasyon

Upang maprotektahan sa mga mapanlinlang at hindi tamang advertisements o labeling sa mga produkto, may karapatan ang mga mamimili sa mga impormasyon.

Karapatang makapili ng produkto na may kasiguraduhan na ito ay ligtas at may kalidad.

Ayon kay Pasobillo, mas makakatipid ang mamimili sa mga produktong mahal ang presyo pero may kalidad at tumatagal kaysa naman sa mga produktong mura nga pero madalas naman itong palitan.

Kung si Marites ay nakabili ng washing machine sa halagang P1,000 at tumagal ng isang taon kaya bibili na naman siya ng panibago. Samantala, ang kasabayan niyang bumili na si Karen ay pinili ang washing machine na nagkakahalaga ng P7,000, may kalidad, certification mark at tumagal ng sampung taon, sino nga ba ang mas nakatipid?

Karapatan sa representasyon

Karapatan ng mga mamimili na ipahayag ang interes bilang mamimili tulad ng pagdalo sa mga public hearings o konsultasyon at pag obserba kung paano ipinapatupad ang consumer laws.

Karapatan ng mamimili na dinggin ang mga hinaing o reklamo

Bawat mamimili ay may karapatan sa serbisyo o produkto na ibinibigay ng isang kompanya o establisyemento.

‘’Bilang mamimili, kung nakabili tayo ng mga produkto na may depekto, entitled tayo sa tatlong pamamaraan; ipa-repair, humingi ng replacement o maaari tayong magpa-refund,’’ paliwanag ni Pasobillo.

Dagdag pa ni Pasobillo, mahalagang itago ang resibo bilang ebidensya na bumili sa isang tindahan kung ito ay may sira o depekto.

Karapatan na maging matalinong mamimili

Hinihimok ni Pasobillo ang mga mamimili na makilahok sa mga consumer education activities.

Karapatan sa ligtas at malinis na kapaligiran

Dapat ay may kasiguruhang walang panganib at banta sa buhay ng mamimili sa mga bilihan na kanyang pupuntahan.

Ang mga nabanggit na walong karapatan ng mamimili ay batay sa Consumer Act of the Philippines (RA 7394) na may layuning protektahan ang interes ng mamimili, isulong ang kanilang kaligtasan at kapakanan at magtatag ng pamantayan sa pamimili. (PIA5/Albay)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -