28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Ilang mga aktibidad, isinagawa ng OPA sa pagdiriwang ng 3rd anniversary ng Sinag sa Balay sa Oma

- Advertisement -
- Advertisement -

IPINAGDIWANG nitong Disyembre 12, 2023 ang ikatlong anibersaryo ng Sustainable and Innovative Agriculture o Sinag sa Balay sa Oma na matatagpuan sa Provincial Agricultural Center sa Brgy. Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa na naisakatuparan sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan na siyang nangasiwa sa nasabing pasilidad.

Ilan sa mga aktibidad na isinagawa ay ang field harvest at tour para sa mga bisitang dumalo upang ipakita ang taniman at mga produkto, gayundin ang mga pasilidad na matatagpuan sa lugar. Nagsagawa rin ng banal na misa bilang pasasalamat bago opisyal na sinimulan ang maikling programa na pinangunahan ni Rev. Fr. Buddy Saturnino.

Ipinaliwanag naman ni Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal ang ilan sa mga mahahalagang pasilidad sa lugar na kapaki-pakinabang para sa mga magsasakang Palaweño. Ibinida rin nito na sertipikado na ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute DA-ATI) bilang isang learning site for agriculture ang Sinag sa Balay sa Oma.

Pinuri naman ni ATI Mimaropa Center Director Pat Andrew B. Barrientos ang naturang pasilidad gayundin ang tanggapan ng OPA.

Aniya, bilang sertipikadong learning site ay maaari rin itong maging farm school na makapagbibigay ng mas marami pang kaalaman sa mga magsasakang Palaweño at ng karagdagang kita sa pamahalaan.

“As a learning site, ito po ay pupuntahan ng ating mga kliyente, mga farmers particularly and extension workers. Bilang mga instrumento ng gobyerno, ito ang magiging sample area natin o demo na kung saan ito pong learning site na dinivelop ng ATI by law is a requirement para maging isang farm school. So, learning site, tanggalin natin ang L para maging earning site,” ani Barrientos.

Dito ay ipinagkaloob din ng ATI Mimaropa sa Pamahalaang Panlalawigan ang tseke na nagkakahalaga ng P1.2 M na personal na tinanggap ni Dr. Cabungcal kasama si Executive Assistant Albert Rama bilang kinatawan ni Gob. V. Dennis Socrates. Ang halaga ay suporta ng nasabing ahensya para sa implementasyon ng Provincial Agriculture and Fisheries Extension System (PAFES) kung saan ito ay nakalaan para sa capacity building ng mga Agricultural Extension Workers (AEWs) at Municipal Agriculture Officers at workers para sa epektibong pagbibigay ng dagdag kaalaman at serbisyo sa mga magsasaka sa lalawigan.

Kasabay nito, isinagawa rin ang MoiA Signing on Co-Financing of Collaborative Provincial Agriculture Extension Program (CPAFEP) sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, DA Mimaropa, DA-ATI, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Science and Technology (DoST), Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), National Food Authority (NFA), Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS), at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Kabilang sa matatagpuan sa Sinag sa Balay sa Oma ay ang Farmer’s Field Center, Rice, Corn, Cassava, Monggo, Watermelon, Coffee, Rubber, Organic Vegetable, Forage (Tricantera and Napier), Mushroom, Native Chicken at Backyard Tilapia Production. Mayroon ding Herbs and Mints, Mini-Orchidarium, Orchard and Fruit Seedling Nursery at Vermicompost Facility na bukas para sa mga Palaweño na nais magkaroon ng kaalaman hinggil sa ilang maaaring mapagkakitaan sa agrikultura sa pamamagitan ng pagkakaloob ng libreng training para sa mga ito.

Matatandaan na noong Disyembre 10, 2020 ay opisyal na binuksan sa publiko ang pasilidad na nagsisilbing ‘learning site’ para sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang mga grupo na interesadong matuto sa sektor ng agrikultura.

Samantala, ang aktibidad ay dinaluhan ni Board Member Ariston Arzaga, Socorro Tan, Municipal Agriculture Officers (MAOs) ng iba’t ibang munisipyo at ilan pang mga katuwang na ahensiya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -