BAGAMAT nakitaan ng bahagyang pagtaas (+2.66 points) ang Pilipinas sa average performance sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na kailangang paigtingin pa ang pagpapatupad ng learning recovery at pagsugpo sa krisis na kinakaharap ng bansa sa edukasyon.
Mula sa 340 noong 2018, umakyat sa 347 noong 2022 ang marka ng mga Pilipinong mag-aaral na 15 taong gulang pagdating sa Reading Literacy. Para sa Mathematical Literacy, umakyat sa 355 noong 2022 ang marka mula 353 noong 2018. Pagdating naman sa Scientific Literacy, bumama ang marka sa 356 noong 2022 mula 357 noong 2018.
Batay sa pagsusuri ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD), maituturing na hindi statistically significant o hindi kalakihan ang itinaas ng marka sa Reading at Math ng mga mag-aaral ng bansa. Hindi rin statistically significant ang pagbaba ng marka sa Science. Pagdating sa ranking, pang-76 sa 81 na bansa ang Pilipinas sa Reading, pang-75 sa Mathematics, at pang-79 sa Science. Bagama’t nakikita rito na hindi bumaba ang kaalaman ng mga kabataan noong tinamaan ang bansa ng Covid-19, binigyang diin ni Gatchalian na hindi pa rin statistically significant ang mga pagbabago sa marka.
Kabilang sa mga susunod na hakbang ng senador ang pagsusulong ng mga learning recovery programs ng DepEd at ang pagsasabatas ng ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) na ipinasa na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa noong Marso. Layon din ng panukalang batas na tugunan ang learning loss at tiyakin ang mga maayos na remediation plans para sa mga mag-aaral. Isinusulong din ni Gatchalian ang paglalaan ng P10 bilyon para sa pagpapatupad ng academic recovery.
“Patuloy dapat nating tutukan ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya ng Covid-19 na nagdulot ng krisis. Marami pa tayong mga repormang isusulong upang matiyak ang dekalidad na edukasyon sa bawat kabataang Pilipino,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Isinusulong din ni Gatchalian ang epektibong pagpapatupad ng mga repormang sinimulan matapos ang 2018 PISA. Isa rito ang Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na layong iangat ang kalidad ng edukasyon at training ng mga guro sa bansa. Isa pang reporma ang kakalunsad lamang na Matatag K to 10 curriculum na inaasahang magpapatatag sa foundational skills ng mga mag-aaral tulad ng literacy at numeracy.