28.6 C
Manila
Sabado, Abril 20, 2024

Sunggaban ang China at huwag nang pakawalan pa uli

- Advertisement -
- Advertisement -

NGAYONG gabi sa Dusit Thani Hotel sa Makati City ang taunang pagdiriwang ng Bagong Taon para sa Media na handog ng Chinese Embassy sa Pilipinas. Pinalad tayo na maging isa sa mga imbitado sa nasabing okasyon at malaking pasalamat ang maibibigay natin kay Ambassador Huang Xilian sa kanyang di paglimot na ibahagi tayo sa napakahalagang okasyon na ito.

Paanyaya ni Ambassador Huang, “Your presence is greatly appreciated and I am excited to meet you as we collectively bid farewell to 2023 and embrace the grandeur of a new year filled with promise and boundless possibilities.”

Mga katagang masarap isalin sa wikang Pilipino: “Ang inyong pagdalo ay pinahahalagahan nang napakalaki at ako ay nasasabik na makapiling kayo habang nagkakaisang namamaalam tayo sa 2023 at niyayakap ang karangyaan ng isang bagong taon na puno ng mga pangako at walang pagsidlang mga kaluwalhatian.”

Hindi mapapasubalian na ang 2023 ay nagbadya ng walang katulad na pagyanig sa mapagkaibigang ugnayan ng Pilipinas at China. Bunga ito ng pagkaloob ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Amerika ng apat pang karagdagang base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Lahat ng apat ay pawang maliwanag nang nakaumang sa China. Ang dalawa sa Cagayan at isa sa Isabela sa Hilagang Luzon, pinupuntirya ang Mainland China; ang isa naman sa Palawan, lantarang tumutudla sa mga sulong na base militar ng China sa South China Sea.

Mula noon, ang matamis na tinginan ng China at Pilipinas sa buong panahon ng termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay tumabang na nang tumabang. Halimbawa, ang kabuuang 24 na taon na pagkunsinti ng China sa pagparoo’t pagparito ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal upang magsuplay ng probisyon sa BRP Sierra Madre na mula pa 1999 ay nakabalahura na roon ay nauwi na sa istriktong pagpapatupad ng China Coast Guard (CCG) sa mga batas pangkaragatan ng China. At bilang bahagi ng ganyang kaistriktuhan ay ang pagtugaygay at paglimita sa mga paglalayag ng mga barko ng Pilipinas sa inaangkin din namang mga teritoryo nito sa South China Sea. Ang mga napababalitang laser beaming at water cannoning na gawa ng mga barko ng CCG sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ay mga pagpapatupad lamang ng mga batas Chino at hindi mga pananalakay sa Pilipinas na gaya ng gustong palabasin ng mga propagandistang Kano.


Naririyan ang pangit na larawan ng 2023 na ayon kay Ambassador Huang ay dapat sama-sama nating pinagpapaalamanan. Ang mga lehitimong pagpapatupad ng batas na ginagagawa ng China ay pinagmumukha nang giyera ng Amerika. Bagsak na ang kabuhayan ng Amerika. Tanging sa pamamagitan lamang ng totoong giyera nito inaasahang maaagaw sa China ang dominasyon nito sa Asya-Pasipiko. At sa imbing intensyon na ito, pinapakana ng Amerika na ipain ang Pilipinas para giyerahin ng China. Sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, oras na sinalakay ng China ang Pilipinas, obligadong ipagtanggol ito ng Amerika.

Naroroon ang siste. Ginaganyak ng Amerika na lumabag ang Pilipinas sa mga batas pandagat ng China upang sa pagkilos ng China para pigilan ang paglabag, magmukha itong sumasalakay sa Pilipinas – at samakatwid nagbibigay-katwiran sa Amerika na humalo na sa gulo.

Malaking hamon sa katalinuhan ng pag-iisip at balansiadong disposisyon ang mala-demonyong pakana na ito ng Amerika. Kaya masdan kung gaano katalas ang kontra-atake ng China. Sa isang banda, buong tapang na pinaninindigan ang pag-angkin sa halos kabuuan ng South China Sea na sakop ng Nine Dash Line (huwag nang banggitin muna ang Ten Dash Line); sa kabilang banda, pinanindigan pa rin ang declarasyon sa 9th Manila Forum noong Agosto 22, 2023 na hindi bumibitaw ang China sa panuntunang walang kapalit ang dayalogo sa pagresulba sa sigalot ng China at Pilipinas.

Iyun ang sustansya ng talumpati ni Ambassador Huang sa nasabing porum. Ipinaliwanag niya na bagaman saklaw ng China ang Ayungin Shoal, pinahintulutan pa rin niyang manatili ang pagkasadsad doon ng BRP Sierra Madre dahil sa mga makataong kadahilanan. Ang ganitong pahintulot ang namayani sa loob ng nagdaang 24 na taon. Subalit kadiin-diin ng China na ang pahintulot ay para lamang sa pagkain, gamot at iba pang suplay na pangkabuhayan. Sa materyales na pangkonstruksyon, bawal. Sa pana-panahon na mayroong pagsuway sa pagbabawal, ipinapataw ang disiplina na pagbimba ng tubig sa mga pasaway. Ganun lang iyun. Sa isang kolum ko nga sa nakaraan, naihalimbawa ko ito sa traffic enforcer na tinitiketan ang lumabag sa batas trapiko.

- Advertisement -

Nangyari nga lang na merong tinatawag na Project Myoushu ang Amerika na layunin ngang pasabugin ang away Chino-Pilipino sa South China Sea para sa benipesyo ng Estados Unidos. Sa pamumuno ng isang Raymond Powell, dating opisyal ng US Air Force, kinukunan ng satellite images ang mga insidente ng pagpapatupad ng China ng mga batas sa karagatan at pinakaajalat ito sa media bilang mga pang-aatake ng China sa Pilipinas. Sakay naman agad dito ang mga matataas na opisyales ng Pilipinas, tulad ni Kalihim Gilbert “Gibo” Teodoro, PCG Spokesperson Jay Tariella at mga senador Jinggoy Estrada, JV Ejercito at Ronald “Bato” de la Rosa, lahat humihiyaw na ng digmaan laban China.

Sa isang panahon, maging si Presidente Bongbong ay lumilitaw na ganun din ang saloobin. Paulit-ulit niyang ipinahayag na hindi niya pakakawalan ang kahit isang metro pulgada ng Pilipinas.

Subalt sa gilid ng nakaraang Asean-Japan Summit sa Tokyo nitong Disyembre, ininterbyu si Pangulo Bongbong ng media, na isa rito ay nagtanong kung hindi raw ba panahon na upang ideklarang persona non-grata si Ambassador Huang dahil sa kabiguang pigilin ang diumano’y mga nagpapatuloy na pag-atake ng China sa Pilipinas.

Sagot ni Bongbong: di dapat padala sa init ng ulo; inaasahan niyang malulutas ang sigalot “sa ibabaw ng mesa.”

Iyan ang balanseng kahinahunan na kailanman ay hindi binitiwan ng China. Sana ang panghahawakan dito ni Bongbong ay sa panghabampanahon.

Sa pagitan ng China at Amerika, malinaw na Amerika ang pabor sa giyera, China ang sa kapayapaan.

- Advertisement -

Tingnan kung hindi ang dakilang mensahe sa New Year Media Party ng Chinese Embassy ngayong gabi ay: “Peace on earth to men of goodwill.

Lagi na, ang sarap Tagalugin: “Kapayapaan ng mundo sa sangkatauhang may magandang kalooban.”

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -