27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Kakaibang halinang hatid ng mga ‘Big Books’ (Ang bentahe ng ‘Big Books’ bilang communications tool)

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

(Huli sa 3-serye)

MAPA-BIG book man o regular-sized storybook, marami tayong mapupulot sa mga publikasyong ito. Pareho itong may hatid na kaalaman at kasiyahan sa mga babasa, bata man o nakatatanda. Pero ano ang masasabing bentahe ng ‘big book’ sa mga aklat pambatang pangkaraniwan lamang ang sukat?

Kasama ni Dr Gatmaitan sina Elijah Tan, ang illustrador ng big book na Puwera Usog Po, at ang kanyang bisita na si Dr. Rosalinda Fuentes-Parilla. (Larawang kuha ni Dr. Rosy Parilla)
  1. May pagkakataong makita nang malinaw ng mga bata ang mga letra/salita habang aktuwal na ikinukuwento ito sa kanila. Kita ang drowing, kita rin ang mga salita. Ang karanasan ng one-on-one na pagbabasa sa kuwarto sa pagitan ng magulang at anak ay hindi posible sa isang klasrum na puno ng bata. Sa aspektong ito nakalalamang ang Big Book.
  2. Ang pagbabasa ay isang visual task. Dapat ay parehong nakikita at naririnig ng bata ang nakasulat na salita. Sa isang pag-aaral na ginawa ng scholar na si Combs, natuklasan na ang “pagpapalaki ng sukat ng salita ay nagsisilbing matibay na focus habang nasa akto ng pagbabasa.” Alam naman natin na maigsi lamang ang ‘attention span’ ng mga mas maliliit na bata. Kung ang gagamitin ay ang mga aklat pambata na normal lamang ang sukat ng teksto, baka mahirapan tayong kunin ang atensyon ng mga bata na magpokus nang sabay-sabay sa isang bahagi ng teksto. Dahil masasabing visual task ang proseso ng pagbabasa, nagsisilbi na ring visual aid ang isang malaking aklat.

    Gamit ng celebrity storyteller na si Anne Curtis, Unicef Ambassador for Children, ang big book na Ang Piyesta (kuwento ni Luis Gatmaitan, guhit ni Gilbert Lavides) tungkol sa ‘Zero Open Defecation’ campaign ng CHSI at Unicef. (Larawang kuha ni Kat Ebora ng Unicef)
  3. Nakatutulong ang Big Book sa paggamit ng ilang estratehiya sa pagbabasa gaya ng “thinking aloud.” Dahil sa pinalaking sukat ng teksto, nasusundan agad ng mga estudyante kung ano ang ipinapakitang halimbawa ng guro: kung paano mag-isip ang kanyang guro, kung paano nito binibigyang-kahulugan ang tekstong binabasa, pati ang tamang paraan ng pagbabaybay at pagbigkas ng salita
  4. Nakatutulong ang Big Book upang mapahalagahan natin ang paraan kung paano dapat tratuhin ang mga salitang naka-imprenta. Dahil sa pinalaking sukat ng teksto, natutulungan ang mga bata na malaman kung ano ang “directionality of the written speech.”
  5. Bentahe talaga ang mismong sukat nito. Ang pagiging malaki nito ay sadyang may pang-akit sa mga bata. Mas nae-excite silang magbasa.

Nitong mga nagdaang taon, nahilingan ako ng Center for Health Solutions and Innovations (CHSI) at ng UNICEF Philippines na gumawa ng isang storybook na nasa anyong big book. Gagamitin daw nila ito para sa isang health campaign na tinawag na “Zero Open Defecation” sa mga piling lalawigan na talamak pa rin ang praktis ng Open Defecation sa komunidad (partikular ang Masbate at Cotabato). Sa pag-aaral na ginawa sa mga naturang lugar, natuklasan na ang mga taong naninirahan doon, bata man o matanda,  ay doon pa rin nagbabawas sa mga kadawagan at kabukiran habang nagkukubli sa mga dahon at puno.

: Para sa kampanya ng EcoWaste Coalition laban sa ‘Lead Poisoning’ na dala ng mga pinturang hindi lead-free, nakatulong ang big book na Ang Makulay na Bahay (kuwento ni Luis Gatmaitan; guhit ni Gilbert Lavides). Larawan mula sa webpage ng EcoWaste Coalition.

Nais ng naturang ahensya na maging communications tool ang aking ginawang aklat. At nais nilang nasa anyong big book ito. Kaya hindi ito naging simpleng Big Book lamang na tumatalakay sa simpleng ideya – na may kakaunting salita lamang kada pahina, na malalaki ang sukat ng font, at payak ang mga pangungusap.

Nais nila na ang huling pahina o spread ay maging isang visual aids na magpapakita ng paraan ng pagkakahawa ng impeksyon kapag pumupupu sa tabi-tabi at hindi na naghuhugas pa ng kamay. Ipinakita rin dito ang ugnayan ng tao, pupu, at langaw. Kung paanong dumadapo ang langaw sa pupu at kung paanong nako-contaminate nito ang ating pagkain kapag nadapuan nila. Pinamagatan ko itong “Ang Piyesta” na tumutukoy sa naganap na ‘piyesta ng mga langaw’ bago pa man mangyari ang ‘aktuwal na piyesta’ sa Barangay Olimpio.


Muli, hindi lahat ng kahingian (requirements) ng isang Big Book ay natugunan.

Oo nga’t tama ang sukat nito para matawag na Big Book (may sukat na 18 inches ang kabuuan ng libro) pero ang teksto ay medyo mahaba para sa mga batang gagamit nito. Medyo maliit din ang font nito kumpara sa kahingian ng isang big book na dapat ay isang pulgada (1 inch) ang sukat ng letra. Nakasunod naman ito pagdating sa sukat ng ilustrasyon. Malalaki ang mga drowing. Kayang-kayang makita ng mga batang nakaupo kahit may 15 talampakan ang layo.

Kasama ni Aileen Lucero ng EcoWaste Coalition ang mga bata sa isang public school sa pagdaraos ng stotytelling ng Ang Makulay na Bahay. (Larawan mula sa EcoWaste Coalition webpage)

Masasabing ang laki ng sukat ng libro ang naging bentahe upang makatulong ito sa pagpapalaganap ng kaalaman sa mga naturang komunidad. Pinagbigkis kasi ng big book na ito ang konsepto ng isang normal na storybook at ng kapasidad nito na maging isang visual aid ng tamang hygiene practice habang nagaganap ang storytelling. Siguro nga’y naging epektibo ang big book kong ito na ginawa ko para sa CHSI-UNICEF sapagkat nang sumunod na taon ay pinagkalooban ito ng Gold Anvil Award ng Press Relations (PR) Society of the Philippines bilang ‘epektibong health communications tool.’

Isa pang halimbawa ng nagawa kong storybook na ginawan ng ‘Big Book edition’ ay ang librong Ang Makulay na Bahay na inilathala ng EcoWaste Coalition. Tungkol naman ito sa adbokasiya ng naturang ahensiya laban sa ‘Lead Poisoning.’ Nais nilang maging lead-free ang mga pinturang ginagamit sa mga dingding ng bahay, sa mga laruan ng mga bata, at sa mga kasangkapan sa loob at labas ng tahanan.

- Advertisement -

Isang normal-sized storybook ang hiniling nila noong una. Nagkaroon din ito ng maraming kopya na ipinamahagi nila sa mga daycare centers. Pero kalaunan ay humiling ang EcoWaste Coalition na magawan ng Big Book version ang aklat na ito upang maging visual aid habang nagaganap ang storytelling. Muli, kagaya ito ng naging kaso ng ANG PIYESTA (CHSI-Unicef).

Ang kuwento kong Signal Number 3 (Hiyas, 2014) ay isang aklat pambatang normal ang sukat. Tinalakay ng kuwentong ito ang naganap na bagyo at landslide sa Real-Infanta-Nakar sa lalawigan ng Quezon noong 2014. Nang mailathala ito ng OMF-Hiyas, naisip ng USAID (United States Agency for International Development), sa pakikipagtulungan ng mga reading specialists/experts, na maisalin ito sa wikang Ilocano at Sinugbuanong Binisaya (Cebuano). Hiniling din ng USAid na sa anyong Big Book i-print ng OMF-Hiyas ang Signal Number 3. Muli, ang layunin nila ay magamit ito sa storytelling. Nagsisilbing visual aid ang Big Book version ng Signal Number 3 kapag ikinukuwento ito sa mga evacuation centers. Muli, mas mahaba ang kuwento nito kaya hindi nakasunod sa kahingian na isang pulgada ang sukat ng mga letra.

Maraming ahensya o institusyon ang gumagamit ngayon ng aklat pambata upang maipaabot nila ang kanilang adbokasiya sa madla kagaya nga nitong Lead Poisoning Prevention (“Ang Makulay na Bahay”) at Zero Open Defecation (“Ang Piyesta”). Marahil ay nakita nila ang kapangyarihang taglay ng isang storybook, partikular ang isang ‘big book’, upang magamit bilang communications tool sa kanilang kampanya.

Sana nga’y suportahan ng mga malalaking korporasyon na tangkilikin ang mga nalalathalang aklat pambata, partikular ang mga ‘big books’, at magbigay ng donasyon sa mga eskuwelahan (public schools) o child development centers (daycare centers) bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -